Tuesday, December 29, 2009

Alaala ng Tag-ulan

dalawampung-taon ka
ako nama’y labing-lima
nuong sinabi mo sa akin:

ang pag-ibig ay ito, ang pag-ibig ay iyon.

pumitas ka ng dahon mula sa kawayang
yumuyuko, humahalik sa lupa

at itinuro mo ang malalabay na sanga ng nara
na humahaplos, humahalik sa usli niyang mga ugat;

saka mo binilang ang mga kristal na hamog
na sinusuyo, idinuduyan ng mapaglarong hangin.

wala akong naunawaan sa mga sinabi mo
dahil nakatitig ako sa iyo


habang ikaw ay nakatingala
at nag-aabang sa mga hamog—

marahan silang bumababa
mula sa mga dahong nasa itaas
padausdos sa mga dahong nasa ibaba
hanggang sa sila’y

mahulog

mabasag

sa nakalahad mong mga palad.


dalawampung-taon ka noon . . .
at dalawampung tag-ulan na rin iyon.



wala


wala nang iba pang pag-ibig



na naligaw mula noon.

Saturday, December 26, 2009

Lihim ng mga Titig


Saan nga ba maaapuhap ng naguguluhan kong sulyap
ang saklaw na lihim ng iyong mga titig?

Kasingdami ng isinasaboy mong buhangin
ang aking mga tanong
tungkol sa iyo
tungkol sa atin
tungkol sa kung anong mayroon pa tayo ngayon.

Mga tanong, na alon at alon lang
ang sumusundo at tumitipon
upang pabalik na ihampas lamang
sa batuhan—kung saan tayo ngayon nakatuntong.

Napapagod akong hanapin sa iyong mata
ang mga sagot. Pilit kong inaaninag ang mga ito
sa kilapsaw na likha ng nagtatampisaw mong mga paa.

Tayo pa ba? Kibot lang ng labi ang nagpapahiwatig.

Tinatapunan mo ako ng titig—mga blangkong titig
na di ko batid kung pagsuyo
kung sumbat o panibugho.

May saklaw na lihim ang iyong mga titig
maraming bagay ang ibig sabihin


na
sa
dibdib
ko


sa dibdib ko’y nagiging mga tinik

isa-isang tumitimo -- nagpapadugo.

Thursday, December 24, 2009

Nakikisilong


Dumarating ka
Sa mga sandaling hindi na ako humihiling

Ikinakawit
Sa aking batok, sa aking beywang
Ang mga langong paanyaya, mga pagsamo

Na bumalik sa mga patak at lagaslas
Ng tubig sa dutsa

Sa mga pagbaling, pagpihit, pananabik
Na marahang nilulusaw ng mga langitngit

Ng kama
Ng humihingang sahig.

Sa silid na ito ng mga alaala
Paulit-ulit
Iniaabot mo sa akin ang iyong mga pasalubong:

Hiniwa-hiwa at pira-pirasong paliwanag
Nakalata, yupi-yuping paghihintay
Nakaboteng halik – padaplis, kagyat, nakaw.
Nakasupot na mga kumusta na
Mga nagmamadali at walang-katiyakang
Babalik ako sa linggo

Tingi-tinging pagmamahal na iniiwan
Sa mga kislot at gusot ng sinapinang kumot.

Dumarating ka sa mga sandaling
Pagod na akong humiling

At tuwina, heto ako
Natataranta
Hindi alam ang gagawin.

Saturday, December 19, 2009

Tuwing Lilisan ang Tag-araw

Itinataghoy ko
Ang pagkawala
Ng marami
At magagandang bagay

Kagaya halimbawa,
Ng kagagapas na palay—

Nakalatag, gintong balabal
Sa balikat ng dalagang
Ang pawis sa noo at karit
Na tangan ay pinakikinang ng araw.

Sisipol ang habagat
Upang ihudyat ang pagkabulok
At pagkalusaw ng dayami

Na muling inaangkin ng bukid
Pagsapit ng tag-ulan.

Nakapanghihinayang . . .

Walang bagay, wala ni isa man

Ang nananatili’t nagtatagal.

Saturday, November 28, 2009

At Inihakbang Nila ang Kanilang mga Paa





---------



At inihakbang nila ang kanilang mga paa.

Malamyos. May iisang ritmo.


Hindi tulad ng napagod na mga paa nating

minsan


sinubukang umindak; sumayaw

paikot sa nakapagitnang altar–



pag-ibig.
Ninais ikutin, sakupin--


sa padyak at indak
ng inosenteng mga paa--


ang malambot, nangingintab

at namumulaklak na damuhan.








************

November 28, 2009
Oran, Algeria

Tuesday, November 10, 2009

Ding Bersu Cung e' Cucupas

Buri co sanang sambitlan
queca iparamdam
ding bersu cung
e’ cucupas capilan man
E ra calupa
ring iskulturang gintu nung nocarin la miyuquit
ding reyna at haring sasamban da
caring altar da ring tore at palasyu.
E ra cawangis
ding matitibag a diyos-diyosang
macatuclu caring telacad dang monumentu;
Sinta cu’t pacamalan!
quiquinang cang alang angga
caring cacung salita--lalung igit careta.


Pagnasan cung atipun ngan
ing sablang mayap a amanu
antimong miyayaliwang cule batu,
ban queta ibaldug cong tunggal-tunggal
lalam ning masalusung ilug—
at carin, manatili lang quiquislap
lacwan-dasan no man ning talusirang agus.


Nung sacali at mayala nong sala
dening cacung mata na angga qng catatawlian
y ca mu bucud ing buri dang atanglawan;
Nung sacali at e cu na apigil
ing pangapatad ning inawa,
at sinta co, e da na ca apanaya,
Lungub ca sa at malaus qng dampa tang mengulila
Mibalic ca
at carin aquit mu la
ding bersu cung macasulat
maningaya para queca. Aldo’t bengi,
maniguptang alang sawa:
ding bersu cu maplus la sa qng salu mu at ganaca;
balican mu ing milabas qng siping cung mipnung tula.



*************
December 9, 2009
Oran, Algeria

Saturday, November 7, 2009

Cinquain 20091106-1

2009Nov07






--------------



drooping
leaving. like leaf
drifting, nowhere to go.
your hatred is a cloud shrouding
our rays






---------


5:30 pm

Cinquain 20091106

2009Nov07





--------------


silence
oh! rasping voice
let dead lips congregate--
and thrust their words unto my breast
like knives





--------------








9:00 am

Sunday, October 11, 2009

Si Ondoy at ang Pilosopiya ng Kantitatibo / Kalitatibong Pagbabago








Pinadaloy ni Ondoy, isang araw, ang hilakbot at hinayang.
Parang Spoliarium ni Luna,
gumimbal sa madlang nakakita ang mga larawan:

Mga patak ng luha -- sumanib sa agos
at humalik sa mga pasimano’t bubungan;
anupa’t ang buong pamayanan
naging kuwadrang lumulutang.

Nakitang magkaakbay, inaanod sa nagsa-dagat na lansangan
ang mga pigtas na tsinelas,
Ferragamo sandals,
supot ng nilimos na kanin,
banig na karton,
bag na Prada at Loui Vuitton

Nilunok ng ilog, magkayakap na gumulong
at pasinghap-singhap na lumubog
ang makikintab na Toyota Corolla at nanlilimahid na kariton

Kasama ng mga nasa trono ng kapangyarihan, sinisisi nila
ang Angat Dam, ang Ambuklao, ang Maasim at Pantabangan
Walang maririnig kundi piksi at palatak ng panghihinayang.
Maririndi ang mga dam sa dagundong ng mga sumbat at tungayaw.

Nguni’t kung makapagsasalita lamang, sasabihin nila:

“Itinuro namin sa inyo ngayon ang pilosopiya ng kalikasan:
Kakalusin, isang araw, ang kasakiman at kahirapan.
Sa pagsapit, sabay-sabay, daluyong na aalsa
ang mga pinahihirapan at pinagsasamantalahan.
Wawasakin nila ang lahat ng harang. Magaganap
Matutupad sa isang iglap ang isinisigaw nilang
kalayaan at pagkakapantay-pantay.”


Kung kailan at paano? Iminumungkahi ito
ng natutunaw na yelo sa loob ng baso.




--------
October 2009
Oran, Algeria

Tuesday, October 6, 2009

Disiotso

sa pagitan ng ikawalo at ikasiyam ng umaga
palakad-lakad
ang disiotso-anyos na maybahay
sa likod ng nililipad na kurtina
ng bahay na tisa ng kanyang asawa

madalas ko siyang sulyapan
sa tuwing binabaybay
ng tumitirik kong motorsiklo ang Block 69

ngayong araw, muli niyang binuksan
ang bakal na tarangkahan
upang tawagin ang tindera ng gulay;
o hintayin ang naglalako ng bisugo at tamban
sa harapan ng bahay
ngumiti siyang tila nahihiya
pinagsalikop ang mga brasong
nais takpan ang dibdib na ikinukubli
ng manipis niyang negligee.
habang kanyang ipinupusod ang hinahanging buhok,
itinutulad ko siya
sa dahong binibitawan
pinakakawalan
ng walang pakialam na tangkay

kanina
habang nakangiti,
marahan akong yumuko. . .
palihim, kumindat siya at kumaway.

walang kaluskos ang gulong
ng motorsiklong aking inaakay
habang ako'y dumadaan
sa graba at buhanginan

Monday, October 5, 2009

meeting place

-------------





inisang lagok ng inip na bibig, bakasakaling
mailunod ang panis na laway sa lumamig na kape

na tatlong oras nang sinusuyo, hinahalo
ng pilak na kutsaritang

nahilo na rin
sa kaliwa’t kanang ikot ng pag-aalala.

sinusumbatan ng titig ang dingding
nililingkis, tinatanong ng kanang paa

ang kaliwang paa: darating pa ba siya?
walang maitutugon ang kaliwang paa

na nagsisimula ng humakbang -- palabas.
minsan, maging ang kinakabog na mesa

at isinasalyang upuan
walang sagot na naibibigay.

tanong sa tanong din lang
ang natatagpuan

ang naiiwan
sa mga tagpuan.




------------

Sunday, October 4, 2009

Kabilang Pisngi ng Pagtulog

babantayan kita sa iyong pagtulog.
kahit na alam mong hindi na mangyayari,
nais kong samahan ka

maging haplos
sa dibdib ng pinakapayapa mong pananaginip
upang tulad sa banayad, minsa’y alimpuyong alon,

muli kong maipadama
ang padausdos na pagdampi
ng nagliliyab kong labi

aakbayan kita
sa pusod ng nakasisilaw at kumakaway na gubat –
na nag-iingat sa pinitas nating mga tangkay at bulaklak

bubuhatin, sa lilim ng nagtutubig na araw
patungo sa kwebang naging piping saksi
sa sinambitla nating pananatili.

doon man lang, minsan pa,
muli kang makapanaog
mula sa batuhan ng iyong mga takot,

sa bangin at bingit ng mga alinlanga’t pagkabalisa
na hanggang ngayon, hanggang ngayon ay nakapiit—
likidong sumusungaw, dumadaloy sa hapis mong mga mata.

aaliwin kita. papasanin sa aking mga balikat
at gaya ng dati, aabutin mo ang kulay-pilak na mga tangkay;
hahawakan ko ang iyong kamay upang iyong mapitas, maipon,
mai-kuwintas ang pinakamunti at pinakaputing mga bulaklak.

muli kitang isasandal
sa dibdib ng naniniyak kong mga kataga,
ng di-magmamaliw kong sumpa: narito lang ako

lalaging para sa iyo, isang kanlungan at gabay
tulad ng bangkang magsasakay, mamamaybay
at magbabalik sa iyo kapag nais mo nang magpahinga

at sa iyong paghimlay, ikaw ang aandap-andap na apoy
na hahawakan ko at ikukubli sa aking mga palad.

mananatili akong isang masuyong hangin
sa hinuhugot mong hininga

hindi mo man nakikita
bahagya mang nadarama.

Friday, September 25, 2009

mibabayatnan


mibabayatnan ya ing pusu cu
qng dacal nang panamdaman

mengari yang impun langca
a mipnung bungang



c u c u l d a s,

c u c u s a d,

m

a

g

b

a

b

a



buri cu man, e ra ca adinan
atin aliwang pupupul
atin aliwang maquinabang.

dapot nung sacali
bandang gatpanapun
o caya bengi
mipapunta ca queni,
at ala cang iquit
ninumang durut-durut
agyang nicnic a magbante

at apansinan mung
ating mebalag a bunga,

panacawan me.

quecata nang adwa.


(ala nang aliwa pang macabalu

a minsan a bengi, penaco mu cu pusu).





-------
September 2009
Oran, Algeria

Monday, September 21, 2009

"Kisap" (An Anecdote)


alas-kwatro ng umaga
wala akong marinig

kahit tilaok man lang ng tandang
tulad ng dati

mag-iinat siya
ipipisig ang nagdaang gabi

isusuot ang kanyang blusa
at lalabas ng tarangkahan

dadaplis lang sa pisngi ang pamamaalam
walang maiiwan

kundi pait
na nakakapit sa suot kong apron

napakarami ko sanang gustong sabihin . . .

Tuesday, September 15, 2009

Elehiya sa Almusal

wala akong kakaining tocino at sinangag. sadyang mahirap
tumitig sa kalan kung sumisilaw sa mugtong mga mata
ang nakapulupot at humahalik-sa-batok nitong apoy.

parang baboy na kinakatay, lumuwa na yata ang ngala-ngala
ng kapitbahay kong bokalista; dahil sa pilit inaabot na nota—
hindi naman love song—sa wari ko’y elehiya. lumiligwak tuloy
mula sa naninilaw kong tasa ang mapait na kape—
gustong tumakas? o gustong sumanib
sa tunog at dagundong ng mga instrumentong
hindi naman makasundo ng binibirit na kanta

gumagana na nga pala ang DVD player
ni-repair ko kahapon. gumigiling
habang hinuhubad ang panty at bra nung babaing bida
doon sa bala ng DVD na nabili ko sa bangketa


sumasabay sa koro ng nagtatahulang aso
ang angil at busina ng trak ng basura—
kung bakit naman kasi hindi pa lumayas
kung saang impiyerno man siya magtatambak.

tumitiyad na balyerina
ang nahahanginang kurtina—
sa likod ng inaagiw na bintana
hindi na sa ibabaw ng pandalawahang kama
na kinahihigaan
ng niyayakap at iniiyakang bangkay
sa katahimikan. sa araw-araw

nakiki-almusal ang langaw
walang kagalaw-galaw
ikinakampay ang mga pakpak
minsan nama’y palipat-lipat

sa ibabaw ng malamig na kape --- ng malamig na kama.

ako
ang langaw

ako at ang lumilipad na langaw.



********************

matapos maisulat, naglasing ako at saka ko kinausap at inaway ang akdang ito:

paano ba kita ihaharap sa mga nagbabasa? at bakit ba kita natawag-tawag na elehiya gayung hubad ka naman sa mga dramatiko at nagngunguyngoy na kataga? hindi ba dapat sobrang lungkot ang tono mo? matatawag ka kayang elehiya kung ang personang gusto ko na nagsasalita sa loob mo ay tumatalakay sa damdaming iniiwasan naman niyang masaling? paano ko ba palilitawing malungkot ka? na ang personang nasa iyo ay nagdadalamhati gayung ayaw namang aminin ng personang gusto ko na nasa ganun siyang kalagayan… (nagdadalamhati to the extent na maging ang mga bagay na nasa paligid niya, na hindi naman dating big deal, ay pinapansin niya at naging big deal na ngayon) at ayaw naman niyang may kung sino pang maapektuhan? paano mo nga ba ipapadama (bilang akda) sa mga makakabasa sa iyo ang pagdadalamhati gayung ang persona mo mismo, ayaw niyang makadama sila at makaranas nito? --- dahil masakit.

paano nga ba tatalakayin ang isang damdaming ayaw talakayin?

dito na lang sa unang linya, ang sabi ng persona: “wala akong kakaining tocino at sinangag” - - SO WHAT? maaaring itanong yan ng mambabasa. (what’s the big deal? ano naman ang pakialam nila dun?)

"hoy! matanong nga kita. sisisihin mo ba ang persona mo kung hindi man big deal sa mambabasa ay maging big deal na sa kanya ngayon yun? tocino at sinangag nga lang ba talaga ang wala? paano ang mga matatamis na alaalang nasa likod nun…na kumukurot sa kanya at ayaw na niyang maalala at pag-usapan pa; dahil hindi naman dapat ginagawang big deal yun at mapagkakamalan lang siyang senti at mahina kung ililitanya pa niya ang mga alaalang kaakibat nun sa mga nagbabasa. lalaki siya hindi ba? dapat matapang siya at hindi naman talaga siya nasanay magpaka-senti. masaya siya (dati) …gusto niyang manatiling ganun. bakit siya pakikialaman?…ikaw ang may-akda sa akin hindi ba? at gusto mo kamong ganito ang karakter ng persona? at bakit hahanapan ng lungkot ang persona mo kung ang bokalistang dating pinagtatawanan at sinasabayan nila nung namatay ay kinaiinisan na niya ngayon…e anu naman kung mas trip niyang mainis kaysa maglungkut-lungkutan dun sa sintunadong boses na dati’y hindi naman pinupuna pero ngayo’y naging masakit na rin sa tenga niya?. . . nagpapabalik sa nakaraan — kagaya ng lumiligwak na mapait na kape."

e kung itanong nila yung tungkol sa DVD player? bakit ba naligaw ang saknong na iyon? biglang sumingit at wala namang kinalaman sa nagbabasa? paano sasagutin yun?

“paano nasabing naligaw? hindi ba’t nakapagbigay naman ng clue ang persona sa unang mga linya na lumiligwak ang mapait na kape? e bakit pa ba naman kasi pakikialaman ng mga nagbabasa ang saknong na yun? kaya nga naka-italics dahil gustong ipakita na yung persona, kinakausap niya ang namatay…hindi niya kausap ang nagbabasa. kaysa isumbong pa sa nagbabasa na guilty siya e di kausapin na lang niya yung namatay; ipaalam na ni-repair na yung DVD player na matagal nang inuungot nung namatay dahil nakaugalian na nilang manood ng bold bago matulog. hindi ba pwede yun? sa isang akda ba hindi pwedeng kausapin ng persona ang sarili niya o ang ibang tao maliban sa mga nagbabasa.?”

e kung itanong, bakit may trak ng basura at tahol ng aso pang binabanggit? tapos mayroon pang tumitiyad na balyerinang kurtina?

“e bakit din ba? masama bang pansinin na ngayon ng persona yung tumatahol na mga aso at trak ng basura? paano kung inis na inis at kulit-na–kulit na siya sa kabubusina at wala naman siyang balak magtapon ng basura? paano kung hindi naman siya ang talagang nagtatapon nun dati?

masama din bang pagmasdan ang kurtina at itulad ito sa tumitiyad na balyerina? paano kung ayaw mang aminin ng persona, pilit pa rin bumabalik sa kanya yung masasayang alaala kaugnay ng kurtina. lumiligwak nga yung mapait na kape, remember? baka naman nagsasayaw dati yung namatay bago ikabit ang kurtina? baka naman yun din lang kurtina na yun ang saksi sa lahat ng nangyari?


so, nagdadalamhati na yung persona sa lagay na yun, ganun? bakit parang di maramdaman? at saka may kasama naman siyang langaw na pwede niyang pagtripan di ba?

“sigurado bang literal na langaw talaga yun?” loko ka pala e, paano nga kase mararamdaman e ayaw niyang iparamdam! ewan ko sa iyo, gusto mong maging tula ako ng pagdadalamhati tapos yung persona mo ayaw mo namang magdalamhati. saan ko ba ilalagay ang sarili ko sa iyo, ungas!

ungas ka rin. ang gulo mong akda ka. tula ng pagdadalamhati na may personang ayaw namang magdalamhati - - - elehiya ka ba?

Sunday, September 13, 2009

Sa Opisina

--------




10:15 AM
At my desk


Ang puwit ko’y hindi kanto ng mesa
na lagi n’yo na lang sinasagi at binabangga
Hindi rin po mousepad ang braso ko at balikat
na pasimpleng hinihimas, pinipisil, sinasalat
Ang hita ko’y hindi tulad sa itinerary o memo
na halos mabura na sa naglalaway na titig n’yo
At lalong hindi armrest ng swivel chair ang utong ko
na parating dinudunggol ng malikot ninyong siko
Huwag n’yo naman akong daanin sa padinner-dinner
na ang laging kabuntot ay let’s go somewhere

Sir,

Babae po ako. Katulad din ng ina mo (!)








-------------
September 13, 2009
Oran, Algeria

Wednesday, September 9, 2009

Pamimigat



nabibigatan ang puso ko.
sa marami nitong himig,

tila punong-langka itong
hitik sa hinog na bungang


bu


ma


ba


ba



g u m a g a p a n g .


hindi kita mabibigyan
may iba nang nagmamay-ari.

nguni’t kung sakali
sa dapithapon

o di kaya’y sa gabi,
magawi ka rito

at walang umaaligid
o nagbabantay ni gamu-gamo

at mapansin mong
may nalalaglag na bunga

nakawin mo.

walang ibang makakaalam.

tayong dalawa lang.

Saturday, September 5, 2009

Mga Sagot at Paliwanag (pagkatapos ng question mark)

Bakit ka naglalakbay?
Dahil di ko matiis ang lamig sa silid ng bahay.

Bakit ka naglalakbay?
Yun ang kailangan kong gawin. At lagi kong ginagawa
Sa gitna ng mga sikat at lubog sa buhay ko.

Ano ang suot mo?
Kupas na maong, itim na t-shirt, itim na baseball cap, itim na medyas.

Ano ang suot mo?
Wala kahit ano.
Balabal lang ng hinagpis ang nagbibigay init.

Sino ang katabi mo sa pagtulog?
Napakarami nila. Nakalaro. Nakayakap bawat gabi.

Sino ang katabi mo sa pagtulog?
Buntung-hininga.
At ang walang-hanggang wala. Mula pasimula.

Bakit ka nagsinungaling sa akin?
Noon pa ma’y nagsasabi na ako ng totoo. Yun ang alam ko.

Bakit ka nagsinungaling sa akin?
Dahil maging ang katotohanan, kasinungalingan din lang
At labis kong inibig ang katotohanan.

Bakit ka lalayo?
Wala ng silbi pa ang lahat -- para sa akin.

Bakit ka lalayo?
Hindi ko alam.
Buong buhay ko ni hindi ko nalaman.

Hanggang kailan ako maghihintay sa iyo?
Pagod na ako. Gusto ko ng humiga.

Ikaw, pagod ka na ba?
Oo. Pagod na ako. Gusto ko nang humiga. Humimlay
At magpahinga…

Wednesday, September 2, 2009

Sevenling: (Chop-chop)

------------







gusto kong kunan mo ako ng litrato
sa loob ng bahay na ito: ulo sa inidoro,
paa’t kamay sa semento, torso sa lababo.

hindi man mahagip ng iyong lente ang naglahong ngiti
aasa ako, na sa bawa’t pitik ng iyong daliri
maitambad sa madla na may ganitong nangyayari

ibalandra mo ito sa lahat ng diyaryo. gusto ko itong maisa-dokumento.






------------
2009.09.02
Oran, Algeria

Monday, August 31, 2009

Cinquain: 20090831a

--------




this heart
with many songs
is heavy --like ripe fruits
bearing down the tree. take it
take me.





------
3:00pm
Oran, Algeria

Cinquain: 20090830a

--------






heartbreak:
girdled sorrow.
a jar -- like you -- housed in
infinite tenderness. intense
yet frail








-----------
10:00 AM
Oran, Algeria

Friday, August 28, 2009

Sevenling: (Despedida)

-----------




Hindi mo ikinatutuwa ang busina ng mga sasakyan,
ang pasalin-saling mga sitsit ng kapitbahay,
at hiyawan ng kabataang nagsasaranggola sa bubungan

“Nabubulok na talaga ang mundo”—paliwanag ko.
“Naaagnas na ang tahanang ito”-- wika mo.
Magkatalikod nating sinuyo ang antok.

Hindi ko napaghandaan ang biglang paggaan ng kama sa madaling-araw.




-----------

Sevenling: (Paglilimi)

------------------





kinabkab niya ang nangalaglag
nagsabalakubak na abo
sa anit, leeg at mga braso


naiwang tila libag sa sentido
ang misteryong di-matungkab
ng nagdurugong mga kuko


may mga tanong na sinisilip na lang; sa bote, baso at laslas na pulso.








----------









.

Wednesday, August 26, 2009

Cinquain: 20090826b

---------




heaven
change my sorrow
into song. like barley
(bending and rising again)
so would I, unbroken, rise
from pain



-----------

Cinquain: 20090826a

--------------






for pain
was buried here
like mournful ballards sang
by mothers --whose children left them
behind








---------------

Haiku 20090826a

--------------------









i held her so tight
mistress of deceit. she — like
sand -- was blown from my palm!








-----------------

Wednesday, August 5, 2009

Awit sa Parang



narito pa
ang luntiang parang at ang iyong mga mata

nagsasayaw na apoy ang iyong mga titig.
at ang parang (na sa atin ay nagduyan)—isang kopitang kristal.

dito, sa damuhang banig at dantayang ulap,
sabay nating tinitigan ang pag-akyat ng buwan

ang mabagal nitong pag-usad
at mahinhing paggapang sa itaas ng mga kakahuyan.

narito pa ang mga ngiti
ang nahihiyang paghigop, pagsimsim
at pagpipingkian ng mga tasa ng kape

narito pa at nakatitig
ang mapupungay mong matang
gumapos sa mga sinag ng buwan.

bukas, muli akong dadalaw.
paulit-ulit na dadalaw

upang titigan, kapain sa dibdib ang itim na ulap
na lumambong at tumakip sa sinag ng buwan,
nagkubli’t nag-ingat sa di-masaling na mga kirot at hiwaga:

gumagapang na buwan . . .

luntiang kakahuyan . . .

titig na malamlam.


may mga bagay na napaparam
gayung nananatili kailanman.

Sunday, August 2, 2009

Paghihiwalay


Asul na kakahuyan
sa bumbunan ng mga kabundukang
nangagpatirapa. Inaabot, hinahagkan
ang pakiling na araw sa kanluran



Dapithapon ito ng paghihiwalay.



Talikurang hakbang ng mga paang marahang hinahawi
ang langibing damuhan, mga siit, tuyong dahong
nagsisuko, nagpagupo sa poot ng araw—mandi’y nangagpatiwakal

Sa pasyok ng habagat, pinasasayaw ng sinulid ang mga matang
lumulutang sa kawalan. Habang sinusundo
niyayakap ng takipsilim ang mga sinag at kinang

Kagaya ng mga akbay, ng mga pisil sa balikat
ng mga pagyuko at pagtitiyap ng kamay
na nagpapahulagpos sa mga inipong ngiti ng nakaraan.

Sinisikap nating ibilanggo ang hulagpos
sa ikinukuyom nating mga kamay,
sa nangaglitok na kalamnan
upang kahit paano’y mapunan ang nalilikhang puwang
ng naglalayong mga palad -- bantulot sa pagkaway

Ay! sadyang di mapigilan
Nagsusumiksik ang buntung-hininga sa mga pagitan!

Wednesday, July 29, 2009

Iniibig Ko ang Iyong mga Paa

Huwag mo sanang ipagtaka
kung bakit sa bawa’t nating pagniniig
ay hinahagkan ko ang iyong mga paa.

Nagsinungaling ako
nuong sinabi kong hindi kita mahal

na hindi ko naaalala, kahit minsan,
ang biloy sa iyong pisngi,

ang hiwaga sa iyong ngiti,

ang pangakong tamis ng mapula mong labi,

maging ang kislap at ningning
ng mahinhin mong mga pagkurap.

Labis kitang iniibig — iyon ang totoo.

Katotohanang di masabi-sabi
ng mga matang di maititig sa iyo.

Hinahagkan ko ang iyong mga paa
hindi dahil sa sila lang
ang minahal kong bahagi ng katawan mo

Iniibig ko sila—kung paano ko iniibig
ang lahat sa iyo – dahil sila
ang mga paang banayad na
humakbang at naglakbay

sa hangin,
sa tubig,
sa lupa,
sa batuhan at buhanginan

hanggang sa ako ang kanilang matagpuan.

Saturday, July 11, 2009

Ang Aking Lumang Litrato

Nasaan ba siya rito? Ang naulinigan ko mula sa iyo.
Hindi ako sigurado kung sino talaga ang iyong tinatanong

Yan bang lumang litrato na hawak mo?
Ang sarili mo? O Ako?

Nariyan ako

Kung titingnan mo lang na mabuti, kahit natutungkab na
ang gilid at mapusyaw na ang kulay, maaaninag mo pa riyan
ang nakayukong puno na sanga at mga dahon lang ang nakunan--
diyan sa bandang kanan.

Sa background naman, nariyan ang dalisdis
na tinubuan ng medyo kumakapal nang talahib,
mga bulaklak na ligaw at maliliit na halamang-bundok
na dinidilaan ng sinag ng papalubog na araw.

Napapansin mo ba ang nakaalsa at parihabang lupa
na tila iniiyakan ng puno sa gawing kanan? —
Iyan mismong tinatakpan ng mga daliri mo ngayon—

Nariyan ako.

Hindi mo na nga lang ako makikitang nakangiti,
o nakataas ang kuyom na kamao, gaya ng dati.

(Kinunan kasi yan isang araw matapos akong mabuwal.
Diyan ako inilibing ng ating mga kasama
Pagkatapos naming maka-engkwentro
ang mga pasistang sundalo sa may Sapang-Bato)

Thursday, July 2, 2009

Retirado

Bumabalik ang kanyang mga hakbang
Kung saan niya ito sinimulan.

Sa paghinto, hindi niya maiwasang
lumingon sa pinanggalingan

Tinitimbang, iniisip na hindi sapat
gaano man kalayo ang kanyang nilakbay.

Kulang
maging ang anumang naialay
ng mabilis niyang paglakad sa katanghalian

Tumawid at dumaan lang ang buhay
Kagaya ng pagtawid at pagdaan ng dagang-bukid na iyon
sa pilapil na kanyang nilalakaran, sumuot sa damuhan

na di man lang nahawi
hindi man lang gumalaw.

Saturday, June 20, 2009

Saxifrage

binibiyak mo ang matitigas
at malalaking tipak ng bato

kumakapit, lumulusot
sa bawa’t gasgas at gatla
ang mga ugat mong tumutunaw
sa mga iwing hinawa, tigas at pagkamanhid

sa ibabaw nila, bumubukad
ang mga talulot mong nakatitig sa araw
habang sumasayaw, naglalambing sa hanging
kayakap mo’t kaulayaw

natatangi ka sa lahat.

wala na sana akong dapat pang hintayin.
wala na sanang iba pang iibigin.

sayang nga lang at ikaw
ay sa maling bato nakatanim.

Sa Likod ng Bahay

Atin-atin lang.
Sa inaagiw na bodega, sa likod ng bahay
Nakatambak ang luma kong laruan:

eroplanong walang pakpak, espadang di na umiilaw;
kotseng walang gulong, mga kalawanging tansan
patid-patid na tirador, walang gatilyong baril-barilan,
trak-trakang tinapakan, yupi-yuping robot—
walang ulong kukutusan, walang mukhang masasampal.

Kumapal na ang alikabok
na nakakulapol sa mga ito.

Hindi ko na sila tinitingnan.
Ayaw ko na silang tingnan.

Tuesday, June 16, 2009

Tikom

Kagat-kagat niya, sapul pagkabata,
Ang isang pilak na kutsara

Labas-masok ang buhay
Sa mga pintuang
Kung magsara man ang isa
Buong-ningning, buong siglang
Nagbubukas ang dalawa

Kagabi, niyugyug ako ng mga buntung-hininga;
Ng nanlulumong paglingon at pag-iling

Kasingputla ng humpak niyang mukha
Ang nilandas niyang kahapon,
Na sinanay at sinayang sa rangya.
Sa isang bulagsak na paniniwala

At ngayon
Kinukutya siya ng pag-iisa

Marahang humahaplos
Ang kulimlim
Sa pikit niyang mga mata

Walang bukas na pinto.
Isa mang bintana’y wala.

Ang narito’y pangalan niya

Nakaukit

Sa itinatakip na lapida

Sunday, June 14, 2009

Indulhensya




Nilalapirot na mumo
sa hinlalaki’t hintuturo ang mga siphayo.

Ang takda—gumugulong,
umiinog na labirinto
ng mga walang sagot na tanong

Kaibigan niya ang Nazareno (yun ang sabi niya)
Kaakbay sa luhod-lakad na litanya
ng rosaryong nalilipasan ng gutom;
ng agua-benditang tila-ulang sinasahod
upang pagmulat, pasuray-suray ding humanap
ng pantighaw -- tubig na maiinom.

Sa bangketa ng Legarda, uupo
isasandal ang katandaan. Iuugoy ng umuusok
na tambutso ang mga singhap; at doo’y hahanapin
hindi sa dasal, kundi sa baryang inilalaglag
ng mga nagmamadaling nilalang ang mga ulyaning pangarap.

At habang pinagugulong sa lalamunan ang butil-butil na asam,
tila kuwadradong yelo ang mga ito, kumakalansing,
nilulunod sa alak
sa loob ng mga nagpipingkiang kopita ng kapangyarihan
sa kabila ng tulay -- sa ilog ng paghihiwalay.

Samantalang silang mga pinahiram ng poder
ay palalong nagdiriwang,
kasama ng diyos (na kaniyang kaibigan),
nilalapirot na mumo sa hinlalaki’t hintuturo
ang tiklop-tuhod na pag-asa
sa piling ng barya-baryang mga habag
na kasama niyang nalalaglag.

Tuesday, June 9, 2009

Pulandit

Kagandahan
ang tawag sa kamay na pumipiga
ng malagkit na basahang
humihiram ng puri, ng kalinisan
sa lumiligwak na tubig sa timba

Alikabok akong nahandusay
sa semento ng pangungulila.
Naghahangad ng hagod at lunoy.

At kagandahan ang hatid ng mga biloy na iyon sa pisngi,
ng kambal na sungaw ng animo’y nakataob na tasang puti.

Ninais kong tangayin na lang ng hangin,
lumayo. Nguni’t sa tuwina’y hangin din
ang bato-balaning nagbabalik sa akin
sa sulyap-titig na mga ngiti,
sa nahihiyang mga pagbawi

Katulad ng mesang
dinidilaan ng maruming basahan,
pinupunan ng kasalanan
ang mga puwang.

Nginig na inilulugso
ng pagnanasa ang katinuan
Upang paulit-ulit,
pukawin ng sikdo ang himbing na gabi

sumibsib at magtampisaw
sa tubig na naghihintay.

Friday, June 5, 2009

Kapag di maisulat-sulat ang tulang nagpapaumanhin

itinutulak ng mga sinag
ang puyat na gabi

buntung-hininga naman ang nagtataboy
sa lamyos na anyaya ng pamimigat

ng talukap – napaka-ilap. kasing-ilap
ng antok ang mga salitang pilit na inaapuhap.

hindi ang may bahid-tintang kamay

lalong hindi ang mga humihikbing daliri
ang aayon sa mata.

kung tinatapyas man ng naglalagos na silahis,
itim na balabal din lang ang parisukat
na dingding—nakayapos sa ulilang kama.

parang mesang nabibigatan
sa buhat-buhat nitong iilang kataga
naghihintay
sa tunghay ng mata. sa daloy ng diwa
ngayon.
hindi bukas o mamaya

asul na kamay--
sa magdamag ay pluma’t papel ang kaulayaw

wala nang palad
na kadaop

na magpapabaga sa pluma
upang dumaloy ang mga letrang
kasinglinaw ng hamog

na huhugas

sana

sa
mga
sugat
na
nalikha

Campus LQ

sinusuhayan ang hinanakit
ng mga ismid
ng kawalang-imik
sa mahabang upuang
nililito ng dalawang tao—magkatalikod,
nakaupo sa magkabilang dulo

kung bubuksan mo lamang
ang aklat na nasa iyong kandungan
makikita mo ang nakaipit na liham. pero
mukhang hindi ka naman interesadong malaman
kung ano ang nilalaman

mas gusto mo pang titigan, tanggalan
ng dahon ang nakayukong santan
na nasa iyong harapan

panis na laway,
paang pinapapak ng langgam,
imikan mo pa kaya ako?

hindi ko alam.

itatanong ko pa sa langaw
na dumapo sa gilid ng aklat

galit ba ako sa iyo? hindi mo na rin malalaman
hindi mo naman kasi siya pinakikinggan

lumipad na siya at ngayo’y umaali-aligid
pumapagaspas, at bumubulong sa tenga mo

kagagaling lang niya dito
bago lumipad, patungo sa iyo

mabuti pa ang langaw, nakikinig
ramdam ang pahiwatig
sa mga naipong buntung-hininga

sa nagsusumamong titig.

Wednesday, June 3, 2009

Pag-aahit

nasa harap ng salamin
iniisip kita:---

may patay na lamok-
nakadikit sa pader
at itim na ang dugong
natuyo at nagmantsa

parang bahid sa alaala
ng isang kahapong
lumabis sa tamis,
nauwi sa pakla.

kaytagal kong nilimot
may buhay din pala akong dapat harapin.

kayginhawa ng pakiramdam
sa unti-unting pagkaputol
at paglaglag
ng bigote at balbas—

inilulusot
ng tubig-gripo
sa butas ng lababo.

Pagkatapos ng Sulak

Parang utak lang na nahulog,
nagpagulong-gulong
pababa sa hagdan,
heto ako ngayon—nakaupo sa isang baitang.

Kalmado
pagkatapos ng makapatid-litid na pagpupuyos.

Matapos ang sulak,
ang bayolenteng pagbabasag,
tumatapik ang kapanatagan

Parang heringgilyang
nagsasalin ng bagong dugo--nagpapakalma

Pagkatapos mailabas
ang lahat-lahat,
tulad na ako ng barkong
nangingilid sa mga isla--
matapos salungain ang unos
sa gitna ng dagat.

Bumabalik ako
sa banayad na paghaplos
sa puti
at kumikintab
na mga peklat.

Tuesday, June 2, 2009

Sa Panaginip Ko

Nananaginip din ako
at tulad ng iba, ang lahat,
itinuturing lang na panaginip.

Kusot sa mata
sa gusot na ulirat.

Mga litong pag-apuhap
sa dilim
na kinasanayang salatin.

Tulad kagabi,
nakatindig ako rito.
Tinatanaw ang ulap.

Nakikiiyak
habang sinusukat ang dami ng kanyang luha,
ng aking luha -- sa tumutulong damit.

Tinitimbang ng talampakan
ang bumibigat na katawan
sa naipong tubig-ulan sa loob ng sapatos

Sinusukat ang pagitan
ng simula at hanggahan
sa himulmol na sumabit sa gilid ng sombrero—
na isinasayaw ng hanging
naglalabas-masok sa ilong ko.

Nanaginip ako
at sa panaginip ko’y
ayaw ko nang muli pang managinip.

Hardinero ng Pag-ibig

sapagkat ikaw ang aking pinakatatangi

hindi kita aagawin
o pipitasin sa tangkay

upang isabit sa leeg
gaya ng isang sampagita.

manapa’y

itatanim ko

ang aking sarili

upang yumabong

sa iyong tabi.

Monday, June 1, 2009

Nakagapos na Makata

sa dami ng mga batong
marahas na ipinukol
at walang-tigil na ipinupukol
sa iyo,
gahibla mang takot at panginginig,
kirot o sakit,
wala ka nang maramdaman.

hindi na hukay
kundi isang matayog na pader-
kanlungan ang iyong kinalalagyan.

salamat sa pagkutya,
sa mga upasala--salamat
sa kanila na nagtayo nito.

sana
minsan man lang sa buhay nila,
makaramdam sila ng habag,
ng sundot ng konsiyensya,
ng malasakit sa iba, mula sa mga titik
ng iyong plumang
katubusan ang iniluluha.

salamat sa kanila
mula riyan ay una mong nakikita
ang sikat ng araw sa umaga

maging ang huli nitong silahis
na humahaplos,
umaalo
sa sugatang dibdib

tulad doon
tulad noon,
sa durungawan
ng kaluluwa mong pagal,
dumadapo, umaawit ang mga ibong
tumutuka sa iyong palad

sa mga tula
na hindi mo na magagawang tapusin pa,

hayaan mong ang mga daliri
ng nagsisiawit na musa’t diwata,
ang patuloy na sumulat at humabi ng kataga – para sa iyo.

Sapagkat Matagal Ko na Siyang Natitigan

di ko man lang naramdaman
ang hapdi

gayung dumudugo na
ang palad
dahil sa nakabaon niyang mga tinik

at habang paisa-isang
bumabagsak
ang mga talulot sa damuhan

hanggang sa tangkay na lang ang naiwan,
hinihila naman, pabalik,
ng mata ang nangingilid na luha

bakit nga ba?

laging nauuna
ang pagluha sa papalayong kaway

mabigat ang paa
hindi ko kaya.


---------------------------
June 1, 2009, Oran, Algeria

Pagsasalong

Nakasabit ang riple
sa dingding ng pagkapagal

May sunog na pulburang
namumuo, tumitigas sa barrel
at sa gilid ng puluhan.

Nagsusupling ang gagamba
sa madidilim nitong sulok. Naglalambitin
sa pilak na sapot na kanyang nalikha

Habang ang gatilyo’t asintahan
ay pataksil na kinakain ng kalawang

Walang kamay
walang langis at basahan na dadalaw man lang.

Mananatili siyang nakasabit—
Naghihintay.

Aasa ng pagbanggit
sa pinagdaanang pait, dusa at kagitingan
sa gitna ng pag-aalinlangang nilunod ng mga punglo

habang ang gagambang nagduduyan
ang kanilang pinapupurihan.

Sunday, May 31, 2009

BROWN-OUT

Mula rito sa bintana
tanaw ko ang tatlong ibong
patalon-talon sa may buhanginan

Lumipad ang isa
At ang isa pa. Isa na lang ang
natira.
Lumipad na rin ito, ilang sandali pa.

Ang monitor ng computer ko’y
parang lapidang pininturahan ng itim.

Brown-out pa rin

At wala akong magawa
kundi ang tumanaw
at pagmasdan ang mga ibong
lumilipad
dumadapo
lumilipad
dumadapo
sa may buhanginan .

Wala lang.
Baka lang intresado kayong malaman.

Believe Him

Believe him when he says
your cheeks are so smooth
as the white tiles in his bath tub
even if they’re like shoes
waiting for a scrub

Believe him
when he whispers into your ears
your hair is soft as the gentle wind
even if the birds themselves
won’t stand the smell it brings

Believe him
when he shouts on top of his lungs
your beauty is akin to a morning sun
even if you look
like a worm-infested apple
left alone in a fruit stand

Believe him
‘coz for godsake
you tend to believe his lies
Everytime. Everytime
( tanga! )

Wednesday, May 27, 2009

Nangungulila




Ngayong gabi, habang aking binabaybay
ang di-makatulog na dalampasigan ng Oran,
tutunghayan ako ng buwan.

Tititigan ko siya
habang tulad ng salamin, ipakikita niya, minsan pa,
ikaw at ang ating mga anak—

magkakatabi sa pagtulog,
nasa gawing paanan mo na ang bunso nating si Chezka,
hawak-hawak pa rin ang said na bote ng gatas. Mabuti na lang
nasa gilid ng kama at nakaharang si kuya, habang tulad ng dati,
nakaangkla ang kanang binti niya
sa kaliwang binti ng ating pangalawa.

Ngayong gabi
muli kong tititigan ang buwan
habang unti-unti niya kayong inilalapit,
kasing-lapit ng paglapat ng labi ko sa labi mo,
upang tulad ng mga nagdaang gabi, payapa,
nakangiting mahihimbing
sa balikat ng Algeria
ang antuking sabdibisyon ng Palmera.


--------------
9:30 p.m / Seaside (Mers El Hadjadj)
Wilaya D’Oran, Algeria

Saturday, May 23, 2009

Sa Buhay Na Ito

Nakipila ako.
Maayos ang usad, isang diretso
at mahabang hanay ng mga tao.

Tinanong ko
ang matandang babae na nasa aking harapan:
Bakit po tayo pumipila? Ano po ba ang mayroon dito?

Pumipila tayo
upang muling makipila pagkatapos nito.


Naguluhan ako.
Naisip kong kalokohan ito.

Ang sabi ko sa kanya:
Lalabas na lang po ako.

Tinitigan niya ako-

May pila rin, iho, kung lalabas ka rito.

Wednesday, May 20, 2009

EDSA (one, two, three, four, five...and so on)

Nakangisi pa kayo at nagtatawanan
habang magkakatuwang ninyo akong itinulak sa putikan
matapos pasakayin
sa umaalingasaw na kariton ng inyong kababuyan!

Kapwa Pilipino! Kapwa-mahirap!

Kung di lang sana nakasubsob sa lusak ang ating mga mukha
kung di lang sana natin pakalmot na iginagapang ang mga kamay
sa lubluban ng pagkatuso at pagkakanya-kanya,
disinsana’y kinakabog natin ngayon ang mga usling dibdib;
Hindi sana nakayuko
tulad ng mga uhaw na sanga ang ating mga ulo.

Ambisyon ang siyang lason! –
na pumupuno sa baso ng pagkaganid.

Anong dangal pa ang makukuha
sa mga hungkag na talumpati,
sa mga kuyom na kamay
na ilang ulit na nating pinagbuklod,
kung lagi at lagi
napapailing tayong lumilingon at nanghihinayang,
dahil tayo rin ang tumitibag sa mga pundasyong itinindig natin sa dugo.

Kunsabagay, retasong nakadugtong
sa laylayan ng bawa’t tamis ang pait
at tuwina, sa pait lang nauuwi ang lahat.

Marahil nga
Pakanan man o pakaliwa
Padausdos man o paahon--

Hindi masamang mangarap.

Tuesday, May 19, 2009

Isang Uri ng Awit

Huwag bulabugin ang ulupong
na sa kanlungang sanga'y
nakapulupot
nakadila
hayaan siyang mag-abang
ng kanyang masisila.

Itulad siya
sa taludtod ng tula
sa mga salita— banayad nguni’t kagyat
May talas, may pangil ang kataga.
Tahimik na naglalamay.
Matiyagang naghihintay.

Sa himig, imahe at anyo
hayaang pag-isahin ng tula ko
ang tao at bato. Gumuguhit ako—
maso’t karit—
sandatang pamatid
sa tanikalang nasa leeg.

Thursday, May 14, 2009

Maharishi*

Ulit-ulitin ang mantra: Ihiwalay
Ang sarili sa katawan, ang katawan
Sa konsiyensya. Lumipad!
Lagpas sa ikapitong langit;
Iwan sa lupa ang mga paano at bakit.

Doon, ikaw lang. Wala ang sarili.
Hindi mo itatanong
Kung paano sinilip ng punglo
Ang bungo ni Ronnie,
Kung ano ang dahilan
Bakit sila nagrarali.

Doon, hindi mo maririnig
Ang tawaran sa laman—
(dos mil, sanlibo, sige
limandaan -- pangmatrikula lang)
Sa Burgitos;
Sa gilid ng CAS Quadrangle;
O saanmang sulok
Na may nakikisinding anghel.

Pumikit! Maglakbay!
Lumipad ng magaan.

Ihiwalay, ang sarili sa sarili
Ang konsiyensya sa katawan…

Saka mo sabihin, pagmulat,
Na wala ka ngang nararamdamang bigat.




****************************

*from Pocket Oxford Dictionary
Maharishi – n. (pl-s) great Hindu sage (wise man) practicing transcendental meditation.
Transcendental Meditation (n.)-method of detaching oneself from problems, anxiety etc., by silent meditation and repetition of a mantra.

Wednesday, May 13, 2009

Muli

Nagkalat na bubog, hangga’t maari
iniiwasan kong muling masugatan ng mga alaala mo—
hanggang ngayon, magkahawak-kamay
at paulit-ulit akong dinadalaw ng mga tawanang
binihisan ng putik sa pinitak. Napapasikdo ang dibdib
tuwing maaalala na minsa’y magkayakap tayong nabuwal
sa nagbubuntis na mga palay habang patiyad na inihahakbang
ang laking-Maynila mong mga paa —sa pilapil na ito
na tumutugpa sa dampang binabantayan at inaawitan ng agos.

Natuyo na ang sapa: Walang maghuhugas sa mga pilat
na nabahiran ng putik. Higit nga sigurong malamyos ang awit
ng hanging-lunsod kaysa tinig ng amihang nagpapasipol sa mga pipit,
gaya ng huling sinabi mo.

Ito ang ulilang mga hakbang na sa tuwina’y
bantulot kong simulan. Hahakbang ng mabilis
sa una. Tatalikod -- para lang muling pumihit.

Tinatakpan at ayaw papasukin ng malalabay na sanga
ang ngiti ng araw. Kung alam lang sana ng pikit na dampa
ang kumakatok na sinag, marahil nakangiti nitong bubuksan ang kanyang pintuan

gaya na lang ng pusong paulit-ulit na binubuksan,
tinatanggap pabalik
ang mga pangakong
muli . . .
muli . . .
muli at muli rin namang pinakakawalan.

Wednesday, May 6, 2009

Stripteaser



Ramdam ko ang sumbat
sa iglap mong mga sulyap

Nakapiit ang sakit
ang suklam—hindi sa akin

Nagpapatotoo
ang iling at pagpaling
ng pisngi mong
pilit ikinukubli
ang natak na luha.

Nais mong isipin kong
iyan ay luha ng pananabik.
Hindi ng galit.

Paulit-ulit mong kinukumbinsi
ang sarili
na di ka maaring saktan
ng totoong ako

Na abala lang ako
sa mga gabing ang tumutugon
na lang sa iyong mga titig
ay ang tinatago mong mga lihim:

damit pansayaw,
dildo sa loob ng kahon,
gestex at cytotec—
mga lasing na halakhak
ng umiindak mong lumipas.

Kung sadya ngang wala akong
kasalanan,

bakit?

ano ang dahilan ng mga luhang iyan?

Sayaw sa Bote

Sa bawa’t pag-akyat
At pagdausdos

Sa rurok
Ng mailap na tulog

Sa mga gabing
Tumititig ako sa kamatayan

Habang pilit na nilulunod
Sa alak
Ang nagtampong nakaraan,

Naroon ka
Sa loob ng bote —

Nakangiting nagsasayaw.

Tuesday, May 5, 2009

Sidhi

May pitlag at sikdo sa mga pagdating
maging ito ma’y sa gitna ng pag-asam
sa mga inaasam.

Nginig at nasa ang hatid
nang paisa-isa at mabagal na pagkalas
sa mga butones ng kanyang blusa
ng estrangherong iyon -- sa silid na iyon
ng salimuot niyang paghahanap
kung saan itinitihaya’t inilulugso
ng kasabikan ang mga agam-agam

Sa labas, hinuhubad ng taglagas
ang mga suot nitong dahon;
Tila saplot na ibinababa
mula sa umiimbay na balakang
hanggang sa tumitiyad na sakong.

Aalpas kapagdaka
ang kayumangging halina
Titiklop
Liliyad ang sidhi

laman
sa
laman

labi sa labi.

Monday, May 4, 2009

Hanggahan


Nasa dulo, sinusukat ko ang lapit at layo
ng buhay sa pagpanaw – dito

sa bundok na tila ba nanunudyo
tumatawa, sumasabay sa hagikgik
ng malalabay na punong
isinasayaw ng hangin sa kanyang bumbunan.

Nakahilig, itinatampisaw
ng imbing bundok ang kanyang talampakan
sa banayad na halik ng ilog
na sa kanya’y aliping humuhugas, nagpapadalisay

Nananalamin siya sa kristal na tubig
sinisilip ang mga isdang nakikitangis—
isinasanib ang mga luha sa hampas ng alon.

Gabi-gabi akong nakikinig sa iyak ng ilog.

Sabay sa tangis, sumisidhi ang kirot.

Naririnig ko ito sa bawat pintig
ng nakasabit na orasan, mga pintig
na nagiging pihit sa pintuan,

banayad na kaluskos
sa banyo,
sa kusina,
sa mesang kainan

buntung-hininga
sa bilog na usok ng sigarilyong
nakikihalik
sa kisameng kaniig ng yerong bubungan.

Wala nang halaga pa ang kirot.

Maging ang anupamang maiaalay
na aliw ng ilog -- kung mayroon man.

Kahit pa ang sandaling pag-ibig
na minsa’y
humaplos at dumalaw
sa papaikli kong buhay.

Ang higit na mahalaga
ay ang nakasandal sa dingding
na mga paghihintay. . .

Sa ganito ako isinilang. Sa ganito ako nakalaan.

Sa pamumulot
ng mga talulot na napipigtal

sa hardin ng pagpanaw.

Saturday, May 2, 2009

Hinggil Sa Kamatayan




Makikita siyang sumasayaw
nagpapalipat-lipat at patiyad-tiyad
sa nangakatirapang libingan

Sa loob niya’y mga buto’t bungong
sinusuyo
ng sundot, ng kiwal, ng gapang.

Sumusuot siya sa dilim
katulad ng diwang walang masulingan
hindi alam ang hangganan—kung saan patungo
ang sinusundang lagusan.

Sumasakay siya sa pighating alon
gaya ng bangkang sinasalunga ang dahas
walang humpay na sumasagwan
matagpuan lang ang pinanggalingan.

Hilakbot siyang gumagapang—

mga tangis at alulong
na naririnig nguni’t di alam kung nasaan

mga kampanang
sabay-sabay humihiyaw
sa kaliwa, sa kanan, kung saan-saan

hangin
ang ginagawang sumbungan.

Kung minsan
makikita itong namamasyal
sa mga kabaong na nagsisilutang

humihimpil sa putla’t hubad
at naliligo sa dugong mga katawan—

sabay-sabay silang nagpapatianod
padausdos sa lawa ng katahimikan.

Katahimikan lang ang alam nitong tinig

na inihahatid ng impit niyang mga hikbi
sa mga gabi ng luksang palahaw
sa kinakaladkad niyang yabag
ng sapatos
na walang talampakang nakalulan.

Lumalakad siya
kagaya ng barong at pantalon
na iniwanan ng katawan

Kumakatok sa mga pintuan
gamit ang singsing
na pinagtampuhan ng daliri’t kamay

Nagpapakupkop
animo’y nagsusumamong sigaw
Walang bibig, walang dila, walang lalamunan.

Lumalapit siyang katulad ng walis
Tumitipon sa nangagkalat na kalansay

Nasa loob siya ng walis
sapagkat walis din ang dila ng pagpanaw—
humahaplos at humahalik sa mga gutay na katawan.

Siya ang mata ng karayom
na matiyagang naghihintay
sa pagsuot ng mga patid na sinulid ng buhay.

Nasa paligid,
kung minsa’y nakaakbay

katabi lang ng buhay ang kamatayan.

Friday, May 1, 2009

Isang Leksyon sa Pagpapahalaga sa Sarili



Walang magpapahalaga sa iyo.
Malibang igapos mo at gawing hostage
ang lahat ng empleyado ng recruitment agency
na nanloko sa iyo, sa paniniwalang
ito ang kahulugan ng salitang TABLA

Walang magpapahalaga sa iyo.
Maliban kung agawin mo ang isang school bus
at magbantang pasasabugin ang mga musmos
na nasa loob, sa paniniwalang
ito ang katumbas ng salitang EDUKASYON

Walang magpapahalaga sa iyo
Maliban, kung dahil sa lipas ng gutom, akyatin mo
ang tuktok ng isang billboard sa EDSA, at doo’y
pakaway-kaway na magtangkang tumalon
sa harap ng nagigimbal at nakatingalang mga tao
sa paniniwalang
kapatid ng kawalang-pag-asa ang KATAPUSAN

Walang magpapahalaga sa iyo
Malibang magtanim ka ng granada’t bomba
sa lobby at parking lot ng kongreso
sa paniniwalang ito ang selyo
at lagdang magbibigay kahulugan
sa mga salitang KURAKUTAN at PANLILINLANG

Walang magpapahalaga sa iyo
Malibang buhusan mo ang sarili ng gasolina
at ikaskas ang palito sa gilid ng kahon ng posporo
sa ibabaw ng tulay ng Mendiola. Sa paniniwalang
ito ang dapat itawag sa salitang PROTESTA

Walang maniniwala at magpapahalaga.
Kailanman ay wala.

Malibang pahalagahan mo muna at paniwalaan ang sarili.

At tulad ng lahat, makita ang pinag-uugatan ng lahat ng ito,
maniwala,
na sa sama-samang pagkilos

may mararating ang salitang PAG-AAKLAS.

Thursday, April 16, 2009

Tigil-Putukan



. . . at gayun na nga, tulad ng mga nauna sa kanya
sumungaw lang sa kanyang nunal ang mga hungkag na kataga:

“Ating kulayan ng puti ang nakalatag na dilim. Sikaping
maampat ang daloy ng dugo sa mga sugat. Mag-usap
Hawiin, pawiin ang usok sa dulo ng ating mga armas”

Malapit sa lupang kanyang tinatapakan, sa isang libingan,
magkaisang-tinig na humiyaw ang mga napaslang na kawal
sabay sa luksang palahaw ng mga anakpawis na nabuwal
sa kabundukan— na ngayo’y pinapaypayan na lamang
ng mga damong ligaw na tumubo upang takpan
ang mga libingan nilang walang pangalan at palatandaan:

“Kung itinuwid n’yo lamang, noon pa man, ang lahat niyong kalikuan
matagal na sana tayong tahimik. Matagal na sanang tapos ang lahat.”

Tuesday, April 14, 2009

Pakikitangis


Kung sa kubling sulok ng sugatang dibdib
Doon mahahaplos damdaming nanlamig

Ipahintulot mong pisngi’y maidikit
Upang saluhan ka sa iyong pagtangis;

Hayaang buksan ko, pusong nakapinid
Gamutin ang sugat ng tugma ko’t himig.

Iiyak mong lahat sa aking mga bisig
Ang iwing siphayo ng bigong pag-ibig

Na animo’y patak ng ulan sa langit—
Na sa balikat mo’y bubog, tumatalsik.

At tulad ng along lumayo’t lumapit
Susunduing lahat luha mong mapait

Aking isasanib sa malayang tubig
Saka ikakanlong sa laot ng dibdib

Paghimlay

Hayaan mong haplusin ko ang iyong buhok at pisngi. Ipikit mo

Ang mga matang pinalamlam ng libong pasakit. Ihimlay

Ang pagod mong isip sa yayat kong bisig at managinip kang

Kasama ko. Magkaakbay nating isasakay sa bughaw na ulap

Ang lahat ng ungol at siphayo sa napakailap nating pangarap.

Doon, gintong silid at kamang bulak ang ating pahingahan.

Hindi karton at lumang diyaryong pinulot lang sa tambakan

Ang sasapin sa pagod nating katawan sa mga gabing

Nais nang humiga sa giray nating dampa sa ilalim ng tulay.

Mga anghel at kerubin ang doo’y nag-aawitang sasalubong

Sa ating pagdating. Hindi pulis o tauhan ng City Hall

Na tila langaw na pumipitik sa atin. Humimlay ka, aking hirang,

Gawing unan ang pagal kong dibdib na nais na ring humingalay.

Sabay tayong papanhik sa ating tahanan – doon sa kaitaasan.

Friday, April 10, 2009

Pag-asam


Hahagkan ko’t hahaplusin ang alaala mong taglay

Tulad ng paghaplos ng hanging naglalambing sa talahib,

Sapa, tarundon, bundok at mga yungib. Pupunasan

Ang gitaw na luha at hapding sungaw sa bawat mong paglisan

Kasabay ng naglalahong anino sa mga takipsilim na dumaratal.

Ihahatid ka ng aking tanaw, gaya ng paghatid ng kristal

Na tubig sa dibdib ng sakahan. Itataas ko ang kuyom na kamay

Bilang tugon, sa bawat pagtaas at pagkaway ng baril mong tangan.

At sa mga hapding paalam, sa mga hakbang palayo ng paa mong putikan,

Na alam kong nagpapatibay sa prinsipyong sa atin ay nag-ugnay,

Maghihintay, kasama ng masa na ninais nating paglingkuran.

Aasang sa pag-idlip ng ligalig na gabi, at pagsilay ng bukang-liwayway,

Gigising akong nakangiti - dahil naroon ka at ligtas na nakabalik.

Nakataas ang kuyom na kamay. Ikinakaway … ang baril na tangan.

Thursday, April 9, 2009

Paperclip

Paperclip lang ako sa paperworks ng lovelife mo--
Dinadampot at ginagamit
Sa pagbigkis at pag-ipit
ng kalat-kalat nitong mga pahina.

Isa, dalawa, madalas ay higit pa.
Minsan nahihirapan,
Kung minsan naman naguguluhan. Pero ayos lang
Dahil wala tayong iwanan.

Ganun tayo. Ganun ako sa iyo. At mula pa noon,
Kahit naman ngayon, hindi ako nagreklamo,
Ni nagsawang tulungan at alalayan ka
Sa bawat pagtatangka na ayusin,
Pagsama-samahin at buuin
Ang magulong istorya ng pag-ibig mo.

Manhid ka nga lang yata talaga
O hindi mo lang nakikita,
Na nasasaktan ako
Sa bawa’t pagkakataong
Pilit mong binabalikan ang mga pinunit nang
Pahina sa piling ng dati mong minahal.

Pupunitin, Bubuuin. Bibigkisin at iipitin--
Naroon akong lagi
Sa madilim na sulok ng puso mo.

Tahimik na nakikitangis

At mag-isang itinatangis
Ang katotohanang hanggang ngayon
Hindi mo man lang nararamdaman

Na ikaw

Nanatiling ikaw

Ang mga pahinang

matagal nang nakaipit sa puso ko.

Wednesday, April 8, 2009

Ang Hapdi Kung Minsan




Ang hapdi kung minsa’y
Humihinga sa dingding. Naririnig
Ang tibok sa langitngit ng papag.

Nakikita sa mga luhang humahaplos
Nanunumbat sa unan at kumot na tinakasan
Ng mahigpit na yakap
Ng alab ng pagmamahal

Pasuray suray itong tumatalon sa bintana
Nakatitig –
Sa ibabaw ng bote ng Fundador.
Tumitisod ng lakas sa mapapait na laway
Na tinatapakan na lamang
Upang doon man lang, maiwaksi ang mga pagsisisi
Ang mga pagdaramot at pagwawalang-bahala

Naglalakbay ang hapdi
Gustong makasumpong ng laya. Ngunit

Saan ko ito hahanapin
Kung di rin lang sa mga bisig mong
Nais ko pa ring balikan.

Hanggang ngayon
Nginig kong hinahaplos ang iyong larawan.

Thursday, April 2, 2009

Salamat Nagbalik Ka

Sa bawa’t simula ng mahamog at inaantok na umaga
isinulat ko sa daliri - sa bintana ng mga sasakyan -
ang iyong pangalan.

Sa paisa-isang pagluwa mula sa bulsa ng puso
ng mga talulot ng panaginip—ng malayang paglipad—
kakapit-kamay ng minsa’y ngumiting nakaraan
sa piling mo, naihatid ko nang sabay ang mga ungol
ng agam-agam at andap-kislap na pag-asa—
doon, sa dambana ng mga ulap-dalanginan

Iniukit kita sa dibdib na kitlin-buhayin ng pananabik-
at dito, hamog ka at niyebeng
di napagmaliw ng matindi mang sikat.

Nakangiting sinuklayan ng pag-asam
ang buhok ng bawa’t kong umaga
Maging ang pisngi na dati’y ipinagkakait
sa kinaiinisang patak ng mahapding niyebe at hamog,
malaya kong naipaubaya at naipadampi. Dahil umasa ako.
At nagbalik ka. Salamat nagbalik ka.

Ikaw — ang kiming dahon na umusbong
sa mga taglamig, tagsibol, at taglagas ng buhay ko.

Wednesday, April 1, 2009

kumpisal

hinihintay na ng lubid ang leeg.

may pangamba sa titig at tingala
ng asong nagtataka.

humihingi ako ng tawad sa aking ina.
pagdating niya
makikita niya ang lahat ng ito:

matigas na katawan
lawit na dila
putlang talampakan

marahil yuyugyugin niya ako
isang beses, dalawang beses
maaaring paulit-ulit

hahatakin ang lubid
sisisihin ako’t tatanungin
ngunit wala na siyang maririnig

mananahimik

maging ang lubid
sa lahat ng nakatakdang maganap

hindi ang kamatayan ang kinatatakutan
kundi ang paglisang wala man lang maiiwan
kundi mga reseta;
said na libreta;
mga gamot na di na masusundan pa

mga pasakit
ng isang walang lunas na sakit

gusto ko lang malaman niya
kahit sa gitna ng pagmumura ‘t pagwawala
dahil sa hirap na binabata,
naroon lagi ang kapanatagan
sa katiyakang
may ina akong di kailanman nagpabaya

hindi ko man nasabi sa kanya
sana’y malaman niya,

mahal ko siya -- mahal na mahal ko siya.

Thursday, March 26, 2009

Hindi Ako Iyo

Nais kong mawala

makawala

tulad ng paru-parung pasilip-silip

sa puwang ng palad na kuyom

o ng niyebeng nakakalat

nagpapatianod sa pusod ng dagat.

Nais kong maging ako

ngunit mahal mo ako—yun ang sabi mo.

Noon pa man, hanggang ngayon,

sinag ka sa aking mga mata;
kumikinang na dahilan kung bakit

ako mismo hindi maaninag ang sariling anino

Kaya ako tumatakbo

tulad ng liwanag

na nasisilaw sa sariling anyo;

pilit lumalayo -- para lang magbalik at

muling maglambitin sa iyong mga halik

Hibla akong sakdal gaan--

hinihipan

inilalayo ng hangin

para lang muling angkinin

Hindi ako iyo, ngunit bakit iyo?

Tuesday, March 17, 2009

hamog sa salamin

ang mga lihim ko’y
sumusungaw
sa mga bitak ng salamin
ng bintanang manaka-
naka’y inaaruga
ng init ng iyong hininga

tumutulay ka sa gilid
at sulok ng mga bitak

inaapuhap ang samyo, ang talim
sa tinik ng mga luksang rosas

sa tunghay
ng inaantok na buwan

humuhuni ang pagkainip
hinihipan ang pangungulila

at ang kahungkagang nasa iyo’y
hamog na nababasag
alabok na napapawi


nakakapagod ang magtanong


kalugud-lugod

kung

minsan

ang

pananahimik

Tuesday, March 10, 2009

"Kas"



Labingwalo siya nuong una kong makita
hawak ang baling plakard, tutop ang dibdib na lumuwa
ang kaniyang anino sa dilaw na kabuteng

kumalas sa magkakahawak na kamay. Duon ko nakita
ang mapupulang matang iyon- -hugasan man, lunurin man
sa supot ng tubig na inihagis ng isang kasama

mananatiling nag-aapoy, tingkad na pula
katerno ng rubdob na pintig ng puso niyang
inilaan na sa mga aba. Siya ang ligaw na along

banayad na humalik at yumakap sa buhanginan
ng pandama; ng pagkatao kong tila dahong
sinisiklot dinuduyan ng hangin sa kung saan.

Kumusta na kaya siya? Dalawampu at limang
talulot lang na napigtal ang mga taon. Sana, anurin
pabalik sa kanya ng namumuong daluyong-

ng aklasan at pagbabangon - ang mga ipinabaong
kataga, bago pa siya nawala:

“Kas, iguguhit ko sa ulap ang maamo mong mukha
upang bukas, ikaw at ang ating ngayon ay banayad kong mahaplos.
Anuman ang kahinatnan ng lahat, pagkatapos ng sigwa
tandaan mo lang, mahal kita. Hihintayin kita.”