Tuesday, September 15, 2009

Elehiya sa Almusal

wala akong kakaining tocino at sinangag. sadyang mahirap
tumitig sa kalan kung sumisilaw sa mugtong mga mata
ang nakapulupot at humahalik-sa-batok nitong apoy.

parang baboy na kinakatay, lumuwa na yata ang ngala-ngala
ng kapitbahay kong bokalista; dahil sa pilit inaabot na nota—
hindi naman love song—sa wari ko’y elehiya. lumiligwak tuloy
mula sa naninilaw kong tasa ang mapait na kape—
gustong tumakas? o gustong sumanib
sa tunog at dagundong ng mga instrumentong
hindi naman makasundo ng binibirit na kanta

gumagana na nga pala ang DVD player
ni-repair ko kahapon. gumigiling
habang hinuhubad ang panty at bra nung babaing bida
doon sa bala ng DVD na nabili ko sa bangketa


sumasabay sa koro ng nagtatahulang aso
ang angil at busina ng trak ng basura—
kung bakit naman kasi hindi pa lumayas
kung saang impiyerno man siya magtatambak.

tumitiyad na balyerina
ang nahahanginang kurtina—
sa likod ng inaagiw na bintana
hindi na sa ibabaw ng pandalawahang kama
na kinahihigaan
ng niyayakap at iniiyakang bangkay
sa katahimikan. sa araw-araw

nakiki-almusal ang langaw
walang kagalaw-galaw
ikinakampay ang mga pakpak
minsan nama’y palipat-lipat

sa ibabaw ng malamig na kape --- ng malamig na kama.

ako
ang langaw

ako at ang lumilipad na langaw.



********************

matapos maisulat, naglasing ako at saka ko kinausap at inaway ang akdang ito:

paano ba kita ihaharap sa mga nagbabasa? at bakit ba kita natawag-tawag na elehiya gayung hubad ka naman sa mga dramatiko at nagngunguyngoy na kataga? hindi ba dapat sobrang lungkot ang tono mo? matatawag ka kayang elehiya kung ang personang gusto ko na nagsasalita sa loob mo ay tumatalakay sa damdaming iniiwasan naman niyang masaling? paano ko ba palilitawing malungkot ka? na ang personang nasa iyo ay nagdadalamhati gayung ayaw namang aminin ng personang gusto ko na nasa ganun siyang kalagayan… (nagdadalamhati to the extent na maging ang mga bagay na nasa paligid niya, na hindi naman dating big deal, ay pinapansin niya at naging big deal na ngayon) at ayaw naman niyang may kung sino pang maapektuhan? paano mo nga ba ipapadama (bilang akda) sa mga makakabasa sa iyo ang pagdadalamhati gayung ang persona mo mismo, ayaw niyang makadama sila at makaranas nito? --- dahil masakit.

paano nga ba tatalakayin ang isang damdaming ayaw talakayin?

dito na lang sa unang linya, ang sabi ng persona: “wala akong kakaining tocino at sinangag” - - SO WHAT? maaaring itanong yan ng mambabasa. (what’s the big deal? ano naman ang pakialam nila dun?)

"hoy! matanong nga kita. sisisihin mo ba ang persona mo kung hindi man big deal sa mambabasa ay maging big deal na sa kanya ngayon yun? tocino at sinangag nga lang ba talaga ang wala? paano ang mga matatamis na alaalang nasa likod nun…na kumukurot sa kanya at ayaw na niyang maalala at pag-usapan pa; dahil hindi naman dapat ginagawang big deal yun at mapagkakamalan lang siyang senti at mahina kung ililitanya pa niya ang mga alaalang kaakibat nun sa mga nagbabasa. lalaki siya hindi ba? dapat matapang siya at hindi naman talaga siya nasanay magpaka-senti. masaya siya (dati) …gusto niyang manatiling ganun. bakit siya pakikialaman?…ikaw ang may-akda sa akin hindi ba? at gusto mo kamong ganito ang karakter ng persona? at bakit hahanapan ng lungkot ang persona mo kung ang bokalistang dating pinagtatawanan at sinasabayan nila nung namatay ay kinaiinisan na niya ngayon…e anu naman kung mas trip niyang mainis kaysa maglungkut-lungkutan dun sa sintunadong boses na dati’y hindi naman pinupuna pero ngayo’y naging masakit na rin sa tenga niya?. . . nagpapabalik sa nakaraan — kagaya ng lumiligwak na mapait na kape."

e kung itanong nila yung tungkol sa DVD player? bakit ba naligaw ang saknong na iyon? biglang sumingit at wala namang kinalaman sa nagbabasa? paano sasagutin yun?

“paano nasabing naligaw? hindi ba’t nakapagbigay naman ng clue ang persona sa unang mga linya na lumiligwak ang mapait na kape? e bakit pa ba naman kasi pakikialaman ng mga nagbabasa ang saknong na yun? kaya nga naka-italics dahil gustong ipakita na yung persona, kinakausap niya ang namatay…hindi niya kausap ang nagbabasa. kaysa isumbong pa sa nagbabasa na guilty siya e di kausapin na lang niya yung namatay; ipaalam na ni-repair na yung DVD player na matagal nang inuungot nung namatay dahil nakaugalian na nilang manood ng bold bago matulog. hindi ba pwede yun? sa isang akda ba hindi pwedeng kausapin ng persona ang sarili niya o ang ibang tao maliban sa mga nagbabasa.?”

e kung itanong, bakit may trak ng basura at tahol ng aso pang binabanggit? tapos mayroon pang tumitiyad na balyerinang kurtina?

“e bakit din ba? masama bang pansinin na ngayon ng persona yung tumatahol na mga aso at trak ng basura? paano kung inis na inis at kulit-na–kulit na siya sa kabubusina at wala naman siyang balak magtapon ng basura? paano kung hindi naman siya ang talagang nagtatapon nun dati?

masama din bang pagmasdan ang kurtina at itulad ito sa tumitiyad na balyerina? paano kung ayaw mang aminin ng persona, pilit pa rin bumabalik sa kanya yung masasayang alaala kaugnay ng kurtina. lumiligwak nga yung mapait na kape, remember? baka naman nagsasayaw dati yung namatay bago ikabit ang kurtina? baka naman yun din lang kurtina na yun ang saksi sa lahat ng nangyari?


so, nagdadalamhati na yung persona sa lagay na yun, ganun? bakit parang di maramdaman? at saka may kasama naman siyang langaw na pwede niyang pagtripan di ba?

“sigurado bang literal na langaw talaga yun?” loko ka pala e, paano nga kase mararamdaman e ayaw niyang iparamdam! ewan ko sa iyo, gusto mong maging tula ako ng pagdadalamhati tapos yung persona mo ayaw mo namang magdalamhati. saan ko ba ilalagay ang sarili ko sa iyo, ungas!

ungas ka rin. ang gulo mong akda ka. tula ng pagdadalamhati na may personang ayaw namang magdalamhati - - - elehiya ka ba?

No comments: