Nagkalat na bubog, hangga’t maari
iniiwasan kong muling masugatan ng mga alaala mo—
hanggang ngayon, magkahawak-kamay
at paulit-ulit akong dinadalaw ng mga tawanang
binihisan ng putik sa pinitak. Napapasikdo ang dibdib
tuwing maaalala na minsa’y magkayakap tayong nabuwal
sa nagbubuntis na mga palay habang patiyad na inihahakbang
ang laking-Maynila mong mga paa —sa pilapil na ito
na tumutugpa sa dampang binabantayan at inaawitan ng agos.
Natuyo na ang sapa: Walang maghuhugas sa mga pilat
na nabahiran ng putik. Higit nga sigurong malamyos ang awit
ng hanging-lunsod kaysa tinig ng amihang nagpapasipol sa mga pipit,
gaya ng huling sinabi mo.
Ito ang ulilang mga hakbang na sa tuwina’y
bantulot kong simulan. Hahakbang ng mabilis
sa una. Tatalikod -- para lang muling pumihit.
Tinatakpan at ayaw papasukin ng malalabay na sanga
ang ngiti ng araw. Kung alam lang sana ng pikit na dampa
ang kumakatok na sinag, marahil nakangiti nitong bubuksan ang kanyang pintuan
gaya na lang ng pusong paulit-ulit na binubuksan,
tinatanggap pabalik
ang mga pangakong
muli . . .
muli . . .
muli at muli rin namang pinakakawalan.
Wednesday, May 13, 2009
Muli
Posted by Verso para Libertad at 12:51 AM
Labels: poems (love and friendship)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment