Wednesday, 29 July 2009

Iniibig Ko ang Iyong mga Paa

Huwag mo sanang ipagtaka
kung bakit sa bawa’t nating pagniniig
ay hinahagkan ko ang iyong mga paa.

Nagsinungaling ako
nuong sinabi kong hindi kita mahal

na hindi ko naaalala, kahit minsan,
ang biloy sa iyong pisngi,

ang hiwaga sa iyong ngiti,

ang pangakong tamis ng mapula mong labi,

maging ang kislap at ningning
ng mahinhin mong mga pagkurap.

Labis kitang iniibig — iyon ang totoo.

Katotohanang di masabi-sabi
ng mga matang di maititig sa iyo.

Hinahagkan ko ang iyong mga paa
hindi dahil sa sila lang
ang minahal kong bahagi ng katawan mo

Iniibig ko sila—kung paano ko iniibig
ang lahat sa iyo – dahil sila
ang mga paang banayad na
humakbang at naglakbay

sa hangin,
sa tubig,
sa lupa,
sa batuhan at buhanginan

hanggang sa ako ang kanilang matagpuan.

Saturday, 11 July 2009

Ang Aking Lumang Litrato

Nasaan ba siya rito? Ang naulinigan ko mula sa iyo.
Hindi ako sigurado kung sino talaga ang iyong tinatanong

Yan bang lumang litrato na hawak mo?
Ang sarili mo? O Ako?

Nariyan ako

Kung titingnan mo lang na mabuti, kahit natutungkab na
ang gilid at mapusyaw na ang kulay, maaaninag mo pa riyan
ang nakayukong puno na sanga at mga dahon lang ang nakunan--
diyan sa bandang kanan.

Sa background naman, nariyan ang dalisdis
na tinubuan ng medyo kumakapal nang talahib,
mga bulaklak na ligaw at maliliit na halamang-bundok
na dinidilaan ng sinag ng papalubog na araw.

Napapansin mo ba ang nakaalsa at parihabang lupa
na tila iniiyakan ng puno sa gawing kanan? —
Iyan mismong tinatakpan ng mga daliri mo ngayon—

Nariyan ako.

Hindi mo na nga lang ako makikitang nakangiti,
o nakataas ang kuyom na kamao, gaya ng dati.

(Kinunan kasi yan isang araw matapos akong mabuwal.
Diyan ako inilibing ng ating mga kasama
Pagkatapos naming maka-engkwentro
ang mga pasistang sundalo sa may Sapang-Bato)

Thursday, 2 July 2009

Retirado

Bumabalik ang kanyang mga hakbang
Kung saan niya ito sinimulan.

Sa paghinto, hindi niya maiwasang
lumingon sa pinanggalingan

Tinitimbang, iniisip na hindi sapat
gaano man kalayo ang kanyang nilakbay.

Kulang
maging ang anumang naialay
ng mabilis niyang paglakad sa katanghalian

Tumawid at dumaan lang ang buhay
Kagaya ng pagtawid at pagdaan ng dagang-bukid na iyon
sa pilapil na kanyang nilalakaran, sumuot sa damuhan

na di man lang nahawi
hindi man lang gumalaw.