Saturday, May 2, 2009

Hinggil Sa Kamatayan




Makikita siyang sumasayaw
nagpapalipat-lipat at patiyad-tiyad
sa nangakatirapang libingan

Sa loob niya’y mga buto’t bungong
sinusuyo
ng sundot, ng kiwal, ng gapang.

Sumusuot siya sa dilim
katulad ng diwang walang masulingan
hindi alam ang hangganan—kung saan patungo
ang sinusundang lagusan.

Sumasakay siya sa pighating alon
gaya ng bangkang sinasalunga ang dahas
walang humpay na sumasagwan
matagpuan lang ang pinanggalingan.

Hilakbot siyang gumagapang—

mga tangis at alulong
na naririnig nguni’t di alam kung nasaan

mga kampanang
sabay-sabay humihiyaw
sa kaliwa, sa kanan, kung saan-saan

hangin
ang ginagawang sumbungan.

Kung minsan
makikita itong namamasyal
sa mga kabaong na nagsisilutang

humihimpil sa putla’t hubad
at naliligo sa dugong mga katawan—

sabay-sabay silang nagpapatianod
padausdos sa lawa ng katahimikan.

Katahimikan lang ang alam nitong tinig

na inihahatid ng impit niyang mga hikbi
sa mga gabi ng luksang palahaw
sa kinakaladkad niyang yabag
ng sapatos
na walang talampakang nakalulan.

Lumalakad siya
kagaya ng barong at pantalon
na iniwanan ng katawan

Kumakatok sa mga pintuan
gamit ang singsing
na pinagtampuhan ng daliri’t kamay

Nagpapakupkop
animo’y nagsusumamong sigaw
Walang bibig, walang dila, walang lalamunan.

Lumalapit siyang katulad ng walis
Tumitipon sa nangagkalat na kalansay

Nasa loob siya ng walis
sapagkat walis din ang dila ng pagpanaw—
humahaplos at humahalik sa mga gutay na katawan.

Siya ang mata ng karayom
na matiyagang naghihintay
sa pagsuot ng mga patid na sinulid ng buhay.

Nasa paligid,
kung minsa’y nakaakbay

katabi lang ng buhay ang kamatayan.

No comments: