Labingwalo siya nuong una kong makita
hawak ang baling plakard, tutop ang dibdib na lumuwa
ang kaniyang anino sa dilaw na kabuteng
kumalas sa magkakahawak na kamay. Duon ko nakita
ang mapupulang matang iyon- -hugasan man, lunurin man
sa supot ng tubig na inihagis ng isang kasama
mananatiling nag-aapoy, tingkad na pula
katerno ng rubdob na pintig ng puso niyang
inilaan na sa mga aba. Siya ang ligaw na along
banayad na humalik at yumakap sa buhanginan
ng pandama; ng pagkatao kong tila dahong
sinisiklot dinuduyan ng hangin sa kung saan.
Kumusta na kaya siya? Dalawampu at limang
talulot lang na napigtal ang mga taon. Sana, anurin
pabalik sa kanya ng namumuong daluyong-
ng aklasan at pagbabangon - ang mga ipinabaong
kataga, bago pa siya nawala:
“Kas, iguguhit ko sa ulap ang maamo mong mukha
upang bukas, ikaw at ang ating ngayon ay banayad kong mahaplos.
Anuman ang kahinatnan ng lahat, pagkatapos ng sigwa
tandaan mo lang, mahal kita. Hihintayin kita.”
Tuesday, March 10, 2009
"Kas"
Posted by Verso para Libertad at 9:56 AM
Labels: poems (activism; protest)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment