Sunday, August 2, 2009

Paghihiwalay


Asul na kakahuyan
sa bumbunan ng mga kabundukang
nangagpatirapa. Inaabot, hinahagkan
ang pakiling na araw sa kanluran



Dapithapon ito ng paghihiwalay.



Talikurang hakbang ng mga paang marahang hinahawi
ang langibing damuhan, mga siit, tuyong dahong
nagsisuko, nagpagupo sa poot ng araw—mandi’y nangagpatiwakal

Sa pasyok ng habagat, pinasasayaw ng sinulid ang mga matang
lumulutang sa kawalan. Habang sinusundo
niyayakap ng takipsilim ang mga sinag at kinang

Kagaya ng mga akbay, ng mga pisil sa balikat
ng mga pagyuko at pagtitiyap ng kamay
na nagpapahulagpos sa mga inipong ngiti ng nakaraan.

Sinisikap nating ibilanggo ang hulagpos
sa ikinukuyom nating mga kamay,
sa nangaglitok na kalamnan
upang kahit paano’y mapunan ang nalilikhang puwang
ng naglalayong mga palad -- bantulot sa pagkaway

Ay! sadyang di mapigilan
Nagsusumiksik ang buntung-hininga sa mga pagitan!

No comments: