Sunday, February 17, 2008

Taong-labas


Minsan mo akong dinalaw
sa aking panaginip…
at sumanib ang palaban mong
diwa sa lugmok kong balintataw.

Sinumbatan mo ako.
Kung bakit wala akong
nakikitang mensahe
sa mga lagas na dahon
at tuyot na talulot ng mga bulaklak;
na tumatakip sa ugat ng mga
ulilang puno sa gubat.
Sinilaban mo ang mga ito.
At ang apoy ay lumikha
ng liwanag.
Umabot sa kalangitan
ang usok na nalikha.

Tulad ng mga martir
Na nauna sa iyo;
ang apoy ng paninindigan
nila’y siyang liwanag
na tatanglaw sa ating paglakad.
Ang usok na umaabot sa
kalangitan ay halimuyak
ng pag-asa.
Sumasanib sa mga ulap ang
sigaw ng mga martir.
Tila usok na pagdaka’y magiging ulan
na buong ngitngit na
ibabagsak sa huling pagtutuos.

Lumuha ka ng sakdal pait.
Napasabay ako sa iyong paghibik.
Kasabay ng mga patak ng luha,
malinaw kong nakita….
may kahulugan ang lahat ng paghihirap nila.

No comments: