Friday, February 15, 2008

panambitan sa hangin


kung nakikinig lang ang hangin
makikiusap akong hipan nito
ang mga luha ng pluma kong naninimdim.

hugasan ang dugo’t plema
sa malamig na sementong
nilatagan ng gula-gulanit na dyaryo
na nakasapin sa likod nyo…

kung nakadarama lang ang hangin
pakikiusapan kong higit pa niyang pagliyabin
ang mga kandilang lumuluha’t naninimdim
nang sa gayon maitambad sa bulag nilang paningin
ang dilim na bumabalot sa bayang nagupiling…

kung nakapangungusap ang hangin
sasabihin kung ibulong nito sa mga bituin
na magsitipon sa gawing kanluran
at mag-aklas laban sa naghaharing dilim…

(sa lipunang tinatakasan ng liwanag…
hangin na lang marahil ang maaaring kausapin)

No comments: