Sunday, February 17, 2008

"avenida"




Hindi sa iyo
kundi sa naglingkisang sakong
ng mga nagpapakupkop
na bagamundo’t maton;
doon ko nais hanapin ang sagot sa tanong.

Tanong
kung sadya nga bang
ang mga patay-sinding ilaw
sa poste na sa kanila'y iyong itinutuon
ay liwanag ang hatid,
o isang paanyaya sa laksang patibong?

Sa lumang diyaryong nakabunton,
may sagot ka kayang maibubulong,
sa dahilan ng kalahating idlip
ng tuliro nilang isip na di maipikit?

Sa kumot na papel ng kanilang bagabag,
sa balabal ng kahungkagan nila't gutom,
sa gutay na diwa nilang nagsusumbong,
doon ko nais hugutin ang wastong kataga
na magpapalubag sa mga hinanakit.
Sa mga kimkim na sumbat at galit
na isinisigaw ng nagdedeliryong lamig
sa banig na karton na gula-gulanit.

Hindi ikaw,
kundi sila ang nais kong kausapin.

Tapikin.

Haplusin.

Palakasin at aliwin.

Upang kahit paano'y patuloy pa silang manangan
sa gahiblang kawing ng mga pangarap.
Umamot ng pandugtong sa hininga
kahit man lang mula sa lagkit ng usok
na ibinubuga ng mga tambutso sa iyong sinapupunan.

Kahit man lang sa itim na tubig
mula sa kanal ng kanilang hikahos na buhay,
dumaloy
magsusumiksik ang pag-asa
sa mga ukab ng hinihigan nilang bangketa.

Katubusan nila'y di-kailanman maiaasa.
dahil wala sa iyo, Avenida...
nasa kanila mismo ang kanilang pag-asa.

No comments: