Friday, February 1, 2008

Kapag Pumula ang Araw sa Silangan


Kung paanong kinauuhawan
ng mga uhay ng palay
ang kristal na hamog sa bukang-liwayway,
at kung paanong sabik na sinasalubong,
kinakanlong ng mga bitak sa linang ng lupa,
ang agos ng tila nahihiyang tubig
na titighaw at dadampi sa dibdib ng sakahan…
Alam kong hinihintay mo rin ako.

Inang bayan! babalik ako.
Tulad ng isang agilang
magpapakupkop sa init ng pugad
ikampay man ng kaylayo sa nagpupuyos na hangin
ang kaniyang mga pakpak;
lakbayin man ang dawag
ng mapagkanlong na gubat…
at tawirin ang mapanglaw at kulay dugong batis
sanhi ng digmaan.

Sa iyong nawasak at naulilang dibdib
babalik ako!
Libong ulit man akong masugatan;
hangga’t makatitindig…
buong-giting na aawit ang tangan kong baril.
Pipilitin kong huwag malugmok sa kasukalan.
Pipilitin kong makabalik.

Dahil batid ko
tulad ng mga uhay ng palay na kinasasabikan
ang dampi ng masuyong hangin,
at kristal na hamog sa bukang-liwayway;
nasasabik ka nang salubungin
ang katuparan ng isang pangarap;
na balang araw - tagumpay akong makababalik
sa iyong sinapupunan;
at taas kamao mong ipagbubunyi
kasama ng iyong mga anak ang iyong kalayaan…

Kapag pumula ang araw sa silangan!

No comments: