Hindi ka nila kailanman hiniling…
nguni’t nariyan ka sa kanilang piling.
Nalulugod sila sa indak at sayaw
ng luntiang dahong nangaglambitin
sa mga sanga ng punong nagbibigay lilim.
Nakangiti nilang hinahagkan
ang mga talulot ng rosas na namumukadkad.
pinipitas nila ang mga ito sa kanilang hardin
upang gawing adorno sa kanilang mga buhok.
Nguni’t batid ba nila ang misteryong bumabalot
sa bawa’t indak ng luntiang dahon at rosas
na pumapawi sa kanilang lungkot?
Ramdam ba nila ang iyong mga himutok?
Inawitan nila ang luntiang dahon.
Ipinaghele sa pagmamahal ang mga bulaklak.
Ngunit hindi ikaw….
kailanman ay hindi ikaw.
Ikaw na nasa likod ng bawa’t indak at sayaw
ng mga daho’t bulaklak na marahan mong hinihipan
upang magsabog ng karikta’t halimuyak ….
na humahalina sa kanila’t nagbibigay galak.
Ikaw na kanilang nilalason…
Ikaw na hangin.
Tuesday, February 5, 2008
Lamentasyon para sa Hangin
Posted by Verso para Libertad at 6:34 PM
Labels: poems (social relevance)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment