Wednesday, February 20, 2008

Janet...Hapdi ng Dekada 80


“Ang mga munting bagay na iyong ibinigay
ay lagi kong hawak sa aking mga kamay…
sa pamamagitan nila ikaw ay nabubuhay…”


Dalawampu’t dalawang taon na ang lumipas nguni’t patuloy pa ring bumabalik ang mga alaala ng isang madilim na yugto ng buhay ko...

Siya at ang aming friendship band na nagbigkis at patuloy na magbibigkis sa amin lumipas man marahil ang maraming taon…kahit siguro sa alaala na lamang.

Ibinigay nya ang friendship band na iyon sa gitna ng rally at tensyong lumulukob sa buong bansa…tig-isa daw kami. Lunes yun…Febrero 22, 1986. Sa gitna ng mga sigaw nuong umagang yun sa kasagsagan ng halos isang linggong EDSA 1… paano ko nga ba makakalimutan ang tila nahihiyang mga ngiti na iyon sa kanyang mga mata nuong iabot nya ang munting bagay na iyon habang abala kaming namamahagi ng mga polyeto malapit sa tulay ng Mendiola …ang mga ngiting iyon na sa isang kisapmata ay napalitan ng takot at ligalig sanhi ng komosyon at putukan...

Desperado na nuon ang diktador at handang pumatay makapanatili lang sa poder…sumisingasing at humahaginit ang mainit na bala na walang pakialam kung sino ang mapatay…napakalapit… ilang sentimetro mula sa aking pisngi…

Pero hindi yun ang inalala ko…mas inalala ko nang mga sandaling iyon kung nasaan na siya…mas mahalaga sa akin noon ang payapain ang loob nya…ang bigyan sya ng katiyakan na magkasama pa rin kami…na hindi ko sya iiwan anuman ang mangyari…

Magkahawak-kamay naming tinawid ang panganib na iyon...at sa pagpawi ng tensyón…sa paghupa ng usok ng teargas at pulbura…sa pagkawala ng alikabok ng lansangan…ang maririnig na lamang ay puta-putaking pagsigaw ng pulu-pulutong na mga istudyanteng nagkawatak-watak subalit nagpipilit mag-ipon ng lakas ... nagpipilit tumindig at patuloy na sumisigaw.

Bumagsak ang diktador ilang araw pagkatapos ng madugong Lunes ng umagang iyon...Umupo sa Malakanyang ang babaeng nakadilaw…

Tuloy ang buhay…tuloy ang ikot ng kasaysayan…ang paghabi ng mga pangako ng mga naghaharing-uri sa mga maralita na pilit nilang nilulunod sa mga sarsuela ng pekeng reporma at pagbabago…

Walang nagbago…naroon pa rin kami…nakatingin sa isang direksyon…magkahawak kamay sa bawat rali…sa bawat kilos-protesta…

Nagkahiwalay lamang kami nung magtapos na sya sa kursong Fine Arts…at sa aming paghihiwalay ay naroon ang pangako na di man kami pisikal na magkasama ay patuloy pa rin ang pakikibaka laban sa bulok na sisteman ng lipunan. Nagkasya na lamang ako sa pakikibalita sa kanya at sa ilang mga patagong sulat na maingat na nakabalot at manaka-nakang naipupuslit. Mga sulat na kung minsan ay ikinagugulat ko pa kung saan galing at kung sino ang may bigay.

Isang taon mula nuon…nabalitaan ko na lang na kasama sya sa mga napaslang sa isang encounter sa Norzagaray…Nuong una ay ayaw kong maniwala…sana ay hindi totoo…sana ay hindi sya ang ibinabalita nila…Puno man ng pangamba…lakas loob akong nagpunta sa lugar na itinuturo nila kung saan dinala ang mga napatay…umaasang hindi siya iyon. Pero naroon sa kaliwang kamay nya ang friendship band na katulad ng suot ko!

Wasak ang kanyang dibdib sa dami ng balang tumama sa kanya. Basag ang bungo na pinasakan ng pulang panyo upang di lumabas ang utak mula roon…

Ang panyong iyon ang laging nakapulupot sa dulo ng baril nya para daw lagi nya akong naaalala ….binigay ko yun bago kami magkahiwalay…

Dalawampu't dalawang taon na ang nakalipas…naroon pa rin ang hapdi….naroon pa rin ang dalamhati…paano nga ba lumimot kung tulad ng isang awit…paulit-ulit ko syang maaalala…

“Iguguhit ng ulap ang maamo mong mukha…
Sumasabay sa hangin ang iyong mga tawa…”

4 comments:

wanderingcommuter said...

habang binabasa ko ang post na ito. naririnig ko ang awiting rosas ng digma, ang tugon at i should have said as the background music. hehehe...

isa talaga sa mga pinaniniwalaan ko'ng matitibay na relasyon ay yaong natatagpuan sa lansangan dahil kumpara sa iba, ito ay hindi lamang binibigkisan ng emosyon kundi mas lalo na ng prinsipyo. padayon kasama!

Verso para Libertad said...

salamat sa pagbabahagi. anibersaryo ngayong ng pangyayaring iyon. mahirap lumimot.

ginabeloved said...

ang pangarap ko lang bilang isang ordinaryong mamamayan ng pilipinsa, nawa'y wala ng people power na magaganap... ngunit sadya sigurong mahirap abutin ang pangarap ko kung ang mga gahaman ay nasa posiyon parin. sana bago ako mawala sa mundong ito maramdaman ko kung paano ang UTOPIA.

Anino said...

Sabi ng ibang walang pakialam,"magpatawad at kalimutan"
Sabihin nila yan sa mga nawalan ng kaibigan at mga mahal sa buhay.

Ang bigat naman nito,VPL.Naalala ko tuloy ang isang pangyayaring katulad nito.