Tumangis kayo mga inang inagawan.
Kayo na nagluluksa at naninikluhod
na sana’y matabunan na lang ng lupa,
o bumuka ang langit upang kayo’y higupin -
pailanlang sa kung saan…
Tumangis kayo mga inang naghahangad;
na makatakas na lamang sa walang katapusang pag-asam
na sana’y makabalik ang nawala n’yong mahal sa buhay…
Tumangis kayo nang buong lakas.
Hanggang ang luha’y masaid,
at ang nakataas nyong mga palad
ay mangagtikom sa pagkapoot.
Tumangis kayo nang buong hapdi.
Sa bawa’t n’yong pagdalaw, pagsamo at pagpalahaw
sa mga inaring libingan na hindi inyo….
Namatayan kayo ng mahal sa buhay
subalit di nyo batid kung nasaan!
Sa aba ninyong ang mga isipan ay walang pagkahingalay.
Tulad ng mga kaluluwang hinahanap ninyo’t
humihingi ng katarungan.
Mapoot kayo sa di-matingkalang sakit
sa gitna ng bangungot ng mga gabi…
Bakit ninyo tinatangisan
ang puntod ng kung sinong nilalang –
BIKTIMA RIN BA SILA NG PAGDUKOT AT PAGPATAY?
*************************************************
Ang isang anak na nawalan ng magulang ay tinatawag na ulila.
Balo o byudo naman ang tawag sa isang lalaking nawalan ng asawa.
Pero ang isang inang nawalan ng anak…ano ang tawag natin sa kanya?
Walang tawag sa mga tulad nila… wala.
Wala kasing salita na makapaglalarawan sa sakit na nararamdaman ng isang ina na nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang anak. Lalong walang salita at katagang maaring maglarawan sa isang ina na patuloy na naghihintay at umaasa na sana’y makabalik ng ligtas ang anak nyang dinukot at naglaho na lamang na parang bula.
Paano mo nga ba papayapain ang loob nya? Anong angkop na salita ang makapagpapalubag sa naninikip nyang dibdib? Paano nya ipapanatag ang isip nya kung di man nya batid kung magpapadasal na ba sya o magtitirik na ng kandila o patuloy pa rin syang aasa na isang gabi’y kakatok na lamang ang pinakamamahal niyang anak na parang walang anumang nangyari.
Sasapit na naman ang gabi…wala pa ring kumakatok…maghihintay siya at maghahanap sa gitna ng kanyang mga hikbi at pagluha.
Baka-sakali….baka-sakaling dumating sya…baka-sakaling buhay pa ang anak niya…
Thursday, February 7, 2008
Puntod...ayyy!!! Nasaan ka Puntod?
Posted by Verso para Libertad at 9:53 PM
Labels: poems (activism; protest)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment