Thursday, February 14, 2008

Kung ikaw ang liwanag...


Pakislapin mo pang higit
ang taglay mong sinag
bulagin mo na lang
ang mugto kong mga mata
na ayaw ng lumuha pa
o magluksa sa siphayo’t
kadustaang nadarama.

kung nariyan pa ang poot
at alab mong dumadarang,
sunugin mo na rin ang
nananaghoy kong dila
pigilan itong makapaglitanya pa
at maisatinig ang mga taghoy
at bagabag ng konsensya
dahil sa kabulukang nakikita.

kung magkakagayon…
hindi ko na lang masisilayan pa
ang mga daluyong at lagablab
na salimbayang kumakaway…
pumipisan sa sinilabang diwa;
nagbabadya ng trahedya
sa lipunang lugmok
at tigmak sa luha ng pagdaralita…

O’ kaypalad nilang bulag
na wala nang nakikita
walang galit na nadarama…
walang kuyom na kamaong
isinusuntok sa duguang lupa…
walang sugat ng hinanakit,
at sinimpang ngitngit
sa nagpupuyos nilang dibdib…

sa bawat buhay na napugto…
sa bawa’t dilang naumid
sa nilagok nilang tubig
ng takot at panganib…
sa bangungot ng pagmamalupit
nilang mga haring kumikitil
sa daing at panaghoy
ng bayan kong tumatangis…

kung ikaw ang liwanag…
bulagin mo na lang sa iyong sinag
ang mugto kong mga mata…
idarang sa iyong apoy
ang nananaghoy kong dila…

kundi mo man ito magawa…
hayaan mo na lang ako
na maglambitin minsan pa
sa iyong mga silahis…
mangarap ng laya
mula sa aming pagkahapis…

madama ko man lang…
mapatotohanan ko man lang
na nariyan ka lang sa aming piling…
tumatanglaw sa amin sa gitna ng dilim.

1 comment:

Anonymous said...

touching!...so powerful!