Saturday, February 16, 2008

Damdamin para sa Bayan




May mga damdaming pilit mang iwaksi
nukal di’t sisibol hindi maikukubli.
Pag-ibig sa bayan pilit mang itanggi,
mabibigkas pa rin nitong mga labi.

Pag-ibig na ito sa lupang nagkanlong
sa mga pangarap at musmos na layon,
pilit mang supilin sa puso’y babalong
magpakalayo ma’y pilit ding lilingon…

Di kayang ipikit yaring mga mata,
kung iyon at iyon din ang syang makikita.
Mga kaluluwang nagsisipagdusa’t
ang itinataghoy ay dalit ng laya.

Magdadalamhati, puso’y magluluksa
para sa kapatid na pinagdurusa,
sa dilim ng karsel na tigib ng luha
dahil sa tiisin ng pagpaparusa.

At sa kaibuturan ng pusong nahapis
may kabayanihang pilit na titindig.
Sa imbing pagsikil ay di tatahimik
Di mabubusalan ang apoy sa bibig.

Kapag ang pag-ibig sa baya’y nagising,
sikdo ng pag-alsa ay di mapipigil.
Magiging daluyong na magpapanginig
sa sukab na lider na nang-aalipin.

at sa agos ng digma sila’y lulunurin!