bawat sinag at kutitap
ng pulang ilaw-dagitab,
balaraw na tumitimo
sa dibdib niyang nawawasak.
sa himig at lamyos ng maharot na musika’y
unti-unting iindayog...
malalaglag papalayo sa maalindog nyang katawan
ang nalalabing dignidad na pinaka-iingatan.
nakasisilaw ang kinang ng mga ilaw
na naghahantad sa kanya sa kahihiyan.
sing-kinang ng mga salaping papel
na isa-isa nyang pinupulot
matapos ang bawat pagtatanghal.
hanggang kailan siya iindak..
hanggang kailan siya iiyak?
hanggang kailan mahihiga
sa tabi ng mga buwitre’t asong gala -
hayok sa laman at handang sumila?
dilim sa gitna ng liwanag.
may luha sa bawat sulok
ng parisukat na mundong kinasadlakan.
sadya nga bang sa bawat tao’y
may musikang nakalaan;
na sa gitna ng pagluha’y
kailangan niyang isayaw…
sa entablado ng buhay?
Thursday, February 7, 2008
' entablado '
Posted by Verso para Libertad at 12:26 PM
Labels: poems (social relevance)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment