Sunday, February 24, 2008

Hikbi ng Payatas



Pulutin mo
O! munti kong anghel
ang mga pangarap na pilit mong hinahabi
dito sa kandungan kong tigib ng pighati.

Hanapin mo
sa naaagnas kong bisig
ang tinatanaw mong bukas.
Baka sakaling di pa ito
tinatangay ng mabahong hangin...
kasama ng nagliparang papel
na di na masasayaran pa ng pudpod mong lapis.

Kalkalin mo
ang katuparan ng kanilang pangako;
baka-sakaling makalahig mo ito
mula sa nakabalot na dumi ng tao,
na tila utot na nililitanya
ng mababahong bibig ng mga pulitiko.

Silipin mo
ang kalayaan mo mula sa gutom.
baka-sakaling nasa loob
ng kahon ng mga sapatos
na hinihimlayan ng naaagnas na fetus,
ang pagkaing sa iyo'y magpapabusog.

Langhapin mo
ang hanap mong karapatan.
baka-sakaling ituro sa iyo
ng usok na pumapailanlang...
o ng umaalingasaw na bangkay
nina ate at kuya na pilit nilang tinabunan;
dito...dito sa humihikbi kong sinapupunan.
(silang mga tinaniman ng punglo
upang di na pangarapin kailanman
ang kinabukasan para sa iyo na pilit nilang isinisigaw)

Ipunin mo
O’ pagod na anghel…
sa inuuod na sako ng iyong kamusmusan
ang basag na bote ng iyong mga pangarap
ang kumakalansing na lata ng iyong pagkabigo…
ang nadurog na garapon ng paslit mong mga ngiti.

Isakay mo…
sa pamamagitan ng naglalangib
at sugatan mong palad
ang lahat mong agam-agam at mga bagabag...
sa nanlilimahid na kariton
ng kawalang-katiyakan at madilim mong bukas.

Itulak mo...
itulak mo papalayo ang lahat mong hinanakit
sa lipunang ito na wala ng malasakit.

9 comments:

pen said...

nakakalungkot isipin na ang lipunan na sinasandalan ng sambayanan ay unti unting inaanay ng korapsyon. napaisip tuloy ako, paano na lamang ang mga sanggol na isisilang sa mga susunod na henerasyon..

Verso para Libertad said...

pen, wag ka na umiyak. pati ako naiiyak sau e. cheer up!

b3ll3 said...

bakit kaya ang lupit ng mundo?

Anonymous said...

sa kabila ng hirap nila -- tuloy pa rin ang buhay, yun nga lang walang pumapansin sa kanila -- gaya nga ng sabi mo sa tula, walang nagmamalasakit T_T kakaiba ka at naisip mong gawan ang ganitong sitwasyon ng isang tula! ^^

Dakilang Tambay said...

tuloy pa din ang buhay. ni hindi sila napapansin ng gobyerno natin.

wanderingcommuter said...

i could see myself making a tula dula or dulansangan while reading this poem...

nice poen, strong play of words!

kudos!

Anino said...

Sinabi mo pa,Wanderer!

Isa ito sa paborito ko!

ginabeloved said...

this poem left me a teary eyes hindi ko kayang ipagpatuloy basahin :(

jericho said...

nice poem. matagal na akong hindi nakakabalik sa Payatas. malamang wala pa ring nagbago ...