Kung minsan,
Kagaya lang ng kislap
Ang mga pagdating at paglisan.
At para sa isang makata
Ang paglisan ay maitutulad sa ispongha
Na hinahablot at itinataas mula sa papalayong
alon ng dagat.
Paglisan na ang kayakap kadalasan
Ay ang maraming sana lang…
Sana lang, kung lilisan man
Marinig at madama naman, kahit paano,
ang mga bulong at himig na ibig niyang ihaplos
sa naisulat, isinusulat at susulatin pa niyang
mga titik at taludtod. Sana lang
At marami pang sana lang. Hindi para sa kanya
kundi para sa kanyang mga tula.
Dahil masakit kung iisipin na kadalasan
Kislap din lang na dinadaanan
Ng sikat at lubog ang maraming akda.
Unti-unti…dumurupok at napupunit
Ang mga dahong umaaruga sa mga titik.
Walang tugon ng pagbuklat sa inaaagiw nilang paanyaya
Sa mga istante. O kung hindi man
Hinahagkan na lang ng titik ang kapwa titik.
Lilisan ang bawa’t makata.
Tulad ng ispongha –
na inaagaw at hinahablot mula sa tubig
at ibinibilad sa init ng araw. Walang ibang pupuntahan
Kundi ang bumalik sa kung ano siya dati.
Lilisan ang bawa’t makata. (Huwag nawa ang tula!)
Monday, April 21, 2008
"Ispongha"
Posted by Verso para Libertad at 4:20 PM
Labels: poems (love and friendship)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment