paalam mga kaadik
hasta la vista
sa duguang mga mata
na ayaw humimbing
tulad ng usok
sa kalyeng tinahanan
na yumakap
sa nagmamadaling mga gulong,
at natatarantang paa.
sa mga door-knobs
na di-miminsang pinagtripan--
pilit dinistrungka at binuksan
matighaw lang ang pagkagiyang.
paalam na rin, o’ araw
na nagpayong sa mga kara-krus,
at itlog sa lugaw na mga almusal
sa mga gasgas
at galos ng pakikipag-habulan
sa mga parak na usli ang tiyan
paalam sarhento,
kabo ng jueteng,
kubrador ng lotto,
ma-mimiss ko ang mga pitik
at delihensya galing sa inyo.
hindi ko makakalimutan
ang mga kagaguhan
at ingay ng lansangan
pero pramis,
hindi ko na babalikan
ang malalalim na sugat at kahihiyan
na naikulapol nito sa aking pagkatao.
babalik ako. aayusin ko lang ang buhay ko.
Monday, April 28, 2008
Hanggang sa Muli (Hibik Patungong Rehab)
Posted by Verso para Libertad at 2:48 PM
Labels: poems (social relevance)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment