Sunday, April 20, 2008

Ikaw at Ako sa Pakikibaka

Nakikita kita

sa busal ng mga maralita. Na di man nais
ay nagpipilit manatili sa gilid
ng mga estero’t pusali. Na ang kakainin
ay kailangan pang idalangin na sana’y malaglag
bilang mumo ng kanin sa pinggan ng mga limatik at sakim.

Naririnig kita

sa bawat mong sigaw at panimdim. Laban
sa kahirapan at paninikil nilang mga hari sa lipunan
na ang tumbong ay kailangan pang kamutin at

himurin;

Bago pa ibahagi ang biyayang
kinulimbat din naman nila mula sa inyong mga dukha.

Minamasdan kita

sa piling ng mga manggagawa na nagpapalipat-lipat
sa mga bus. At walang kapagurang naglilinaw
sa dahilan ng pag-aaklas. Kayo na tumindig
at piniling manatili sa kubol ng mga piketlayn,
Di man ninyo batid kung bukas o mamaya lamang
ay bubuwagin

pipisakin. Ng mga upahang kampon ng demonyong kapitalista.

Kasama, nakikita kita.

Hindi masasayang ang lahat.
Katuwang mo ako sa iyong pangarap. Na may mundong babaligtad

Sa araw ng pag-aaklas.

No comments: