Tagos sa kisame
ang talim ng iyong titig,
nanunumbat ang pinakikinggan mong awit.
Sumasabay
sa nakangingilong tunog
ng kinauupuan mong tumba-tumba.
Umuugoy,
Pumipihit,
Lumalangitngit.
Painot-inot,
nagtatangka akong lumapit;
habang pa-irap mong ipinipihit
sa kung saang panig ang talim ng titig.
Tik-tak ng orasan
ang pumupunit sa katahimikan
na nasa ating pagitan.
Malamig ang sabaw.
Walang talsik at sagitsit ng mantika
sa pinipritong karne o daing na isda;
na dati mo namang ginagawa.
Manaka-naka,
nababasag ang katahimikan
sa angal ng nagtatalsikang takip
ng takure, kaldero't kaserola.
Mabuti pa sila, walang nadarama.
Hindi nagtataka sa pagbabagong nakikita.
Maasim ang mukha mo habang nakikinig
ng kantang ilang beses nang inulit:
"Mahal, saan ka nanggaling kagabi?"
Tuesday, March 11, 2008
"tamang-duda"
Posted by Verso para Libertad at 2:24 PM
Labels: poems (love and friendship)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
sakit naman nito. tumatagos.
galing mo talaga kabayan.:)
lufets nito.
thanks for dropping by too. ;) greetings from Doha, Qatar.
Post a Comment