Sunday, March 23, 2008

Lamat sa Salamin

muli siyang nginitian
ng sumikat na araw.
nakikisiksik ang mga silahis--
tumatagos,
sa mga lamat sa lumang salamin
ng nakapinid niyang bintana.

tulad din kahapon,
nag-aanyaya ng paglimot
ang sumilip na umagang iyon.
naghihintay ng paghawak at paglambitin
sa kanyang mga silahis, subali't
naroon pa rin ang bakas ng pagtanggi
sa nalalaglag na likido ng kirot
na lumalapat sa gusot niyang kobre-kama,

at sa marahang pagbaling
ng kanyang mukha,
nananatiling pinid ang kanyang bintana.

gaya ng dati,
sa gitna ng paulit-ulit na pagkusot
sa namumugto niyang mga mata,
mas nais niyang titigan at salatin sa daliri
ang mga lamat sa lumang salamin - -
sa bintanang unti-unti na namang niyayapos
ng kulimlim:
dahil sa muling pag-agaw at pagyakap
ng ulap sa nikat na araw.

at sa bawa't nanlulumong paglisan ng mga silahis,
nauulit lamang ang mga hinayang,
na kaakibat ng mga hapding tanong:

hanggang kailan ang paghaplos at pagtitig
sa mga lamat ng nagdaang pag-ibig?

No comments: