Napayuko ang payat na sanga.
Para bang nagulat sa dumapong maya.
Saksi ang sanga, ang maya,
at ang nulas na hamog sa dulo ng dahon
sa nabaling tuhod at tadyang;
sa tatlong bala
na inipit at pinisil sa gitna ng mga daliri;
sa hiniwang dila at tainga;
sa sinindihang gasolina
sa katawan ng nasa hukay.
Sa siyudad, humihiyaw at nagtatanong
ang mga linya sa pahina:
Sino ang dumukot? Sino ang may sala?
Wala nang makikita.
Natuyo na sa sikat ng araw ang hamog.
Naitago na ng kumapal na alikabok
ang bakas ng naghalong dugo at gasolina.
Wala nang maririnig.
Kahit huni
ng nahintakutang maya.
Hangin na lang ang nagpapaypay
sa tinabunang hukay.
Wednesday, March 19, 2008
"Missing"
Posted by Verso para Libertad at 4:01 PM
Labels: poems (activism; protest)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
ang ganda! :)
nangyayari ngayon yan sa atin pinapapatay yung may nalalaman patungkol sa katiwalian,hahaha...totoo naman ah........
nakakatouch naman.. naapreciate ko talaga xa... :( napakagulo na talaga ng pilipinas ngayon, pati na ang mundo... hayzzz!!!
Post a Comment