Sunday, March 9, 2008

Paghahanap

Pakiramdam ko,
muling maglilintog ang mga talampakan
dahil sa nilalagnat na sikat ng araw.
Pero tuloy lang,
muli ko silang ihahakbang -- sa isang lakad
na wala namang direksyon. Tulad din kahapon.

Minsan, sa gitna ng paglakad
napapamulagat ang mga mata.
Tila nakakakita ng nakangiting diwata
sa bawat lagutok ng mga siit at tuyong dahon,
na natatapakan ko sa gilid ng kalsada.

Walang
masalubong
na
ngiti.

Yapos ng init -- maging ang
nakahilerang traysikel sa istasyon.
Walang pasaherong nagpapaypay at naiinip
sa paglayas ng kinukumbulsyong init;
na ayaw man lang pumikit. Kahit saglit.

Paulit-ulit.
Titisurin ko ang nagkalat na bato.
Ihahanap ng sagot, ang mga tanong sa isip ko.

Maglalakad ako. Baka sakaling ibulong
ng nalalaglag na mga tuyong dahon,
o ng alikabok
na ipinupulbos ng hangin sa mukha
ang dahilan ng bigla mong pagkawala.

Hindi ko na papansinin pa
ang nang-uuyam na sitsit at sulyap
ng mga taong di naman nakakaunawa;
ni nakadarama ng pangungulila.

Hahanapin kita. Ilang ulit
man nilang sabihin

na hindi ka na babalik pa.

4 comments:

jemz said...

ay grabe ka manong oliver! ang galing mo talaga... kinilabutan ako sa mga tula mo! mabuhay ka! at sana mahanap mo na sana yung hinahanap mo...

Dalisay na Pag-ibig said...

Bakit ba palaging naiiyak na lang ako sa tuwing binabasa ko ang iyong mga akda....para akong kaluluwang pumapaimbulog sa kawalan, gustong bumalik at humalik sa nakaraan. Kung pwedi lang sana.... : (

ginabeloved said...

minsan sa buhay ko naranasan ko ring maghanap ng isang tao na laging nasa panaginip ko. lahat na yata ginawa ko ngunit hindi ko nakita, nagsawa na ako sa kahahanap at pag-asa na lang ang natira. sana kapag nakita ko na siya hindi na huli ang lahat.
sapagkat ayaw kong mapakanta ng "bakit ngayon ka lang"

jine said...

gusto ko ito. halos nararamdaman ko 'yung hapo sa tinig ng persona. tipong pumipitpit sa dibdib mo habang binabasa.

clap!clap!