Monday, March 3, 2008

ang umiibig na puso

gagap ng puso
maging ang pinakamalalim na talinhaga.
damdamin mang di maibulalas
na sa dibdib ay nag-uumalpas,
di man kayang sambitin ng umid na dila,
sapat na sa kanya ang malalalim na buntung-hininga.

ramdam ng puso
ang mga pahiwatig ng katugong-puso
pagkat sa kanya lamang ito nakikinig.
kahit di na bigkasin ang anumang kataga,
sapat na ang mga nagsusumamong luha;
upang maintindihan ang iniluluhog
ng isang pusong sumasamba.

nauunawaan ng puso
ang mga dalamhati ng kapwa-puso
dinudugtungan nito maging ang nalalabing tibok
ng isang pusong naghihingalo at nagdurugo.

sinasagip ng kanyang pag-ibig mula sa pagkalunod
maging ang ligaw na damdaming nagtalusira;
pagkat dakila at walang hanggang unawa
ang kaya nitong padaluyin: mula sa kanyang kaibuturan.

maging ang sarili nitong tibok,
kayang sikilin,
nagagawang supilin.

dahil gagap ng puso…

ramdam ng puso…

nauunawaan ng puso…

kung ano ang ibig sabihin
ng isang wagas na pag-ibig.

1 comment:

pen said...

ni sa hinagap ay hindi ko pinangarap na maging ganito ang buhay ko sa darating na hinaharap..napkabigat ng emosyon VPL..payak na salita pero isang malakas na sipa sa kaluluwa..

nadale mo!kudos!

write. live. love.
ONE COUNTRY! ONE LOVE! ONE PRIDE!