Saturday, March 8, 2008

Umiiyak …Sumisigaw ang Lupa!


Umiiyak ang lupa.
Tumatangis.
Bumabalong ang pulang luha ng paghibik.
May pagsamo’t panambitan
ang mga bitak ng palayan - na naging libingan.

Sa dibdib niya’y humihiyaw
ang mga mga patak ng dugo.
Itinigis nilang hamak
na nagtangkang sumigaw, magtampisaw sa panganib;
maabot lang, matanaw lang ang paglayang inaasam
mula sa kalawanging tanikala ng hinagpis at pagkatimawa.

Nagdadalamhati.
Di maikubli ng ulilang bukid
na piping saksi sa bangungot ng gabi
ang tinig ng pagmamakaawa,
niyaong mga nilalang
na sapilitang isinauli - sa sinapupunan nyang humihikbi.

Sa kandungan nya’y nagsiamot ng kandili
ang mga bayaning di kilala;
walang mukha, walang pangalan ni palatandaan.
basta na lang tinabunan sa mababaw nilang hukay.

Ibinaong tila balaraw
sa naghihinagpis niyang dibdib.
Inalisan ng karapatang isalaysay
ang saloobin.
Nilagutan ng pangarap
na mabuhay ng tiwasay.

Umiiyak, sumisigaw ang lupa.

“Tinatawag ko kayo,
o’ mga anak kong nalagasan!
kayo na mga naiwang
nangalugmok sa kawalan,
Nasaan kayo?
kayong mga tinakasan na ng tapang;
magsidalamhati kayo’t manambitan
Nakalibing ang inyong KALAYAAN!

No comments: