Sunday, March 30, 2008

english poem ni bayaw

dear friends,

nagpagawa ng tula ang brother-in-law ko para daw dun sa bebot na didiskartehan sana nya...

gusto nya english...e di naman ako masyado marunong sa english poem...pwede bang paki-koment? thanks po.

here is the poem that i made:


hins na ney wi met
ai nyu ai nam yu nil net
en watever ai nu...
it sims ai hent molnget
yur lamly smyls
en yur myuniful mace...

ai ngo nu is
ai ngo nu wes
ol ai dlim of
is ur tayt emleys...

wen wil yu sey
u lam mi tu
mlis nemembel
ay lam u so...





********************

by the way, ngongo po pala ang bayaw ko....

ganda po ba...?

Saturday, March 29, 2008

very much in love (at sixteen)

sa likod ng bahay…

nakatanghod ako sa mga bulaklak
na aking pinipitas at kinakausap

ang tawag ni inay ay di ko pinapansin
wala siyang magawa kundi ang umiling
sa paglapastangan ko sa munti niyang hardin
at sa tambak na talulot na kaniyang wawalisin…


“he loves me…he loves me not…

he loves me…

he loves me … not ”


(hayyy!... he loves me not pa rin)

Wednesday, March 26, 2008

Be Specific (kung hihiling kay Lord)

Nakaluhod

taimtim ang usal
ng lalaking nagdarasal-

sa harap ng altar

“ sa inyo po, O’ Diyos
aking hinihiling,
sana’y magbuntis na
ang tanging babaing
nagmamahal sa akin”


sa kanyang pag-uwi
nadatnan si misis;
salubong sa kanya’y
nagliparang damit,
baso, sandok, walis,
at platong may pansit...

ang sigaw ni misis:

“si Inday! si Inday!
hayan nagdududuwal!
ang sumbong sa akin, iyo raw ginapang!”

(… kooyah...wag pu! )

Tuesday, March 25, 2008

Sa Dalagang Naglalaba sa Gilid ng Eskinita

Sinalok ko sa aking kamay
ang may sabong tubig
mula sa batyang pinaglalabhan.
Lilinisin sana
ang dumi sa laylayan
ng aking pantalon na kasusuot lang

Dumating ka
at iniabot sa akin
ang isang putol na Mr. Clean--
na kabibili mo lang sa tindahan.

Sa malagkit mong pagkatitig
di mo na siguro narinig
ang paghingi ko ng paumanhin;
sa walang paalam na pagsalok
sa iyong batyang may tubig.

Kahit nga ako, tila naguluhan
sa aking pagsosori na pautal-utal,
na pakiramdam ko ay humalo lamang
sa malalalim na buntung-hininga,
at sa tarantang pagkurap
ng namumungay mong mata...

Gayunpaman, salamat sa sabon
at sa sumungaw na ngiti.

Sisiguraduhin ko,

bukas

may dumi ulit sa laylayan ng pantalon ko.

Sunday, March 23, 2008

Lamat sa Salamin

muli siyang nginitian
ng sumikat na araw.
nakikisiksik ang mga silahis--
tumatagos,
sa mga lamat sa lumang salamin
ng nakapinid niyang bintana.

tulad din kahapon,
nag-aanyaya ng paglimot
ang sumilip na umagang iyon.
naghihintay ng paghawak at paglambitin
sa kanyang mga silahis, subali't
naroon pa rin ang bakas ng pagtanggi
sa nalalaglag na likido ng kirot
na lumalapat sa gusot niyang kobre-kama,

at sa marahang pagbaling
ng kanyang mukha,
nananatiling pinid ang kanyang bintana.

gaya ng dati,
sa gitna ng paulit-ulit na pagkusot
sa namumugto niyang mga mata,
mas nais niyang titigan at salatin sa daliri
ang mga lamat sa lumang salamin - -
sa bintanang unti-unti na namang niyayapos
ng kulimlim:
dahil sa muling pag-agaw at pagyakap
ng ulap sa nikat na araw.

at sa bawa't nanlulumong paglisan ng mga silahis,
nauulit lamang ang mga hinayang,
na kaakibat ng mga hapding tanong:

hanggang kailan ang paghaplos at pagtitig
sa mga lamat ng nagdaang pag-ibig?

Friday, March 21, 2008

limbug ing belita

Nanung sangcan ot gagaga
Magsalbat cang alang patna?
O’ ortelanung maluca
Sasagipan mu ing belita!

Macananu, macananu?
Nanu canyan ing gawan mu…
Manyingil ne ing usureru
Nanupang pamayad mu?

Macananu ya ing magaral?
Macananu co pang mangan?
Macalunus ing milyari
Quetang albug a dinatang.

Batiauan me at lingapan
Ing melugi mung asican
Iting lub mu eme paynan
Datang mu rin ing catubusan

Iting Dios a macamal…
Sablang saquit, iquit na ngan
E matudtud, capilan man.
Lalung e ya mangalingwan.

Maquiramdam, maquiramdam…

Iting lub mu e mu paynan!

Wednesday, March 19, 2008

"Missing"


Napayuko ang payat na sanga.
Para bang nagulat sa dumapong maya.

Saksi ang sanga, ang maya,
at ang nulas na hamog sa dulo ng dahon

sa nabaling tuhod at tadyang;

sa tatlong bala
na inipit at pinisil sa gitna ng mga daliri;

sa hiniwang dila at tainga;

sa sinindihang gasolina
sa katawan ng nasa hukay.

Sa siyudad, humihiyaw at nagtatanong
ang mga linya sa pahina:

Sino ang dumukot? Sino ang may sala?

Wala nang makikita.

Natuyo na sa sikat ng araw ang hamog.
Naitago na ng kumapal na alikabok
ang bakas ng naghalong dugo at gasolina.

Wala nang maririnig.

Kahit huni
ng nahintakutang maya.

Hangin na lang ang nagpapaypay
sa tinabunang hukay.

Sunday, March 16, 2008

"Separasyon"

Sa pagtiklop ng huling blusa
na ipinasok sa maleta,
alam kong tumiklop na rin
ang nalalabi niyang pag-asa.

Iniisip ko
kung kasing-alat ba ng luhang
humahalik sa labi niya,
ang pinong asin na naihalo ko sa aking
kape, habang poot kong pinagmamasdan ang
mga hakbang niya?

Sa huling pagkakataon,
nakita kong tinitigan niya ang geyt
na may nakaukit na dalawang pangalan sa loob ng puso.

Laglag ang balikat,
marahan niyang hinahatak
ang kanyang maleta.
Hakbang papalayo...

Bukas ng umaga,
papalitan ko ang disenyo at kulay ng geyt,
Aalisin ang isang pangalang nakaukit doon;
Tutungkabin ang lumang pintura,
at papawiin ang makapal na kalawang.

Tulad ng pagpawi sa alaala
ng kumapal na kalawang

ng kanyang kataksilan.

Halik sa Nagdaan


Hinahagkan ko
ang ating nagdaan
Sa ilog
at pampang ng ating suyuan.

Sumasagwan
sa banayad na alon,
sa tunghay at sinag
ng nagluluksang buwan.

Lumbay na himig
ang hapis na huni
ng mga kuliglig,

sa pagod na indak
ng mga alitaptap
na walang madapuang
mala-sutlang balat,
at di makahanap
ng masuyong kuyom
sa iyong mga palad.

Sumasanib,
pumipisan sa daloy ng luha
ang patak ng ulan.
Humahalik sa pisngi.
Makirot bawat dampi.

Kasing-kirot ng paghalik
ng ulilang alon sa pampang,

Kung saan ko
ikinalat

ang abo
ng iyong katawan.

Friday, March 14, 2008

Saganan mu cu, o' Indu Cu !

Magcasaquit cong itacbang
deng bitis cung alang sicanan,

Mangapaynan ing cacung lub
qng mialiuang pamigunam

O’ Indu co! mibalic cu
Queti qng mal mung candungan

Mequiyipus caring daiuan
Mibagua mu qng cabyayan.

Ing sabi da masican ca
Alang nanu mang panamdaman

Nung muli cu aquit da ca
Ala cung dapat piganacan

O’ bat ating paldas-tela
Pacasabit arap tamu?

O bat nanu ing acaquit cu
Pacapaldas la reng tau?

Saganan mu cu O’ Indu cu!
Antimong sadya mung gagawan,

Mipnung tula…mipnung lugud

Calupa ning milabasan,

Caulan mu cu

O’ Indu cung pacamalan!

Thursday, March 13, 2008

Blusa ni Darna

nais niyang akyatin ang bundok banahaw
ngunit limang pinto
ang kailangang buksan

sa pagmamadali ng nginig niyang kamay
di man lang pinansin ang ungol at sigaw.

at nang mabuksan na ang pintong sagabal
nanlaki ang mata dun sa nasaksihan

wala namang bundok kundi tela lamang
na tumatakip din sa mga basahan!

…… ay peke!

Wednesday, March 12, 2008

itlog sa pugad

walo ang itlog
sa loob ng pugad…
mayroong inahin na doo’y umakyat,
sabik na umupo, lilimliman dapat

nang sa pag-upo niya’y
isa pang inahin ang biglang umakyat
binuka ang pakpak, siya’y tinutuka at pinapalayas
nagkamaling manok pilit umuupo sa hindi nya pugad.

sa huling bilang ko, itlog ng dalawa’y disisais dapat
amfufu si tatay, ang naunang walo’y kinuha sa pugad
at kanyang binati,
nilagyan ng asin at saka sibuyas.

(‘magsama kayo ngayon, sa iisang pugad!)

Tuesday, March 11, 2008

"tamang-duda"

Tagos sa kisame
ang talim ng iyong titig,
nanunumbat ang pinakikinggan mong awit.

Sumasabay
sa nakangingilong tunog
ng kinauupuan mong tumba-tumba.
Umuugoy,
Pumipihit,
Lumalangitngit.

Painot-inot,
nagtatangka akong lumapit;
habang pa-irap mong ipinipihit
sa kung saang panig ang talim ng titig.

Tik-tak ng orasan
ang pumupunit sa katahimikan
na nasa ating pagitan.

Malamig ang sabaw.
Walang talsik at sagitsit ng mantika
sa pinipritong karne o daing na isda;
na dati mo namang ginagawa.

Manaka-naka,
nababasag ang katahimikan
sa angal ng nagtatalsikang takip
ng takure, kaldero't kaserola.
Mabuti pa sila, walang nadarama.
Hindi nagtataka sa pagbabagong nakikita.

Maasim ang mukha mo habang nakikinig
ng kantang ilang beses nang inulit:

"Mahal, saan ka nanggaling kagabi?"

Sunday, March 9, 2008

Paghahanap

Pakiramdam ko,
muling maglilintog ang mga talampakan
dahil sa nilalagnat na sikat ng araw.
Pero tuloy lang,
muli ko silang ihahakbang -- sa isang lakad
na wala namang direksyon. Tulad din kahapon.

Minsan, sa gitna ng paglakad
napapamulagat ang mga mata.
Tila nakakakita ng nakangiting diwata
sa bawat lagutok ng mga siit at tuyong dahon,
na natatapakan ko sa gilid ng kalsada.

Walang
masalubong
na
ngiti.

Yapos ng init -- maging ang
nakahilerang traysikel sa istasyon.
Walang pasaherong nagpapaypay at naiinip
sa paglayas ng kinukumbulsyong init;
na ayaw man lang pumikit. Kahit saglit.

Paulit-ulit.
Titisurin ko ang nagkalat na bato.
Ihahanap ng sagot, ang mga tanong sa isip ko.

Maglalakad ako. Baka sakaling ibulong
ng nalalaglag na mga tuyong dahon,
o ng alikabok
na ipinupulbos ng hangin sa mukha
ang dahilan ng bigla mong pagkawala.

Hindi ko na papansinin pa
ang nang-uuyam na sitsit at sulyap
ng mga taong di naman nakakaunawa;
ni nakadarama ng pangungulila.

Hahanapin kita. Ilang ulit
man nilang sabihin

na hindi ka na babalik pa.

Saturday, March 8, 2008

Umiiyak …Sumisigaw ang Lupa!


Umiiyak ang lupa.
Tumatangis.
Bumabalong ang pulang luha ng paghibik.
May pagsamo’t panambitan
ang mga bitak ng palayan - na naging libingan.

Sa dibdib niya’y humihiyaw
ang mga mga patak ng dugo.
Itinigis nilang hamak
na nagtangkang sumigaw, magtampisaw sa panganib;
maabot lang, matanaw lang ang paglayang inaasam
mula sa kalawanging tanikala ng hinagpis at pagkatimawa.

Nagdadalamhati.
Di maikubli ng ulilang bukid
na piping saksi sa bangungot ng gabi
ang tinig ng pagmamakaawa,
niyaong mga nilalang
na sapilitang isinauli - sa sinapupunan nyang humihikbi.

Sa kandungan nya’y nagsiamot ng kandili
ang mga bayaning di kilala;
walang mukha, walang pangalan ni palatandaan.
basta na lang tinabunan sa mababaw nilang hukay.

Ibinaong tila balaraw
sa naghihinagpis niyang dibdib.
Inalisan ng karapatang isalaysay
ang saloobin.
Nilagutan ng pangarap
na mabuhay ng tiwasay.

Umiiyak, sumisigaw ang lupa.

“Tinatawag ko kayo,
o’ mga anak kong nalagasan!
kayo na mga naiwang
nangalugmok sa kawalan,
Nasaan kayo?
kayong mga tinakasan na ng tapang;
magsidalamhati kayo’t manambitan
Nakalibing ang inyong KALAYAAN!

Thursday, March 6, 2008

Make a Wish Meme

I was tag by Jonah. thanks sis!

It’s the “Make a Wish” Meme.

Here are the rules:

1. Think about what it is that you want more than anything, what your heart’s desire and fondest wish is, and what it is that you would wish for if you were to see the above wishing star flame across the night sky.

2. Right click and SAVE the blank graphic below.

3. Use a graphics program of your choice and place your wish on this picture





It's ur turn to make a wish: RC, Navin, Lutchi, Kate and Marilyn...

Wednesday, March 5, 2008

ILoveYou, Asawa koh (...'namu! )



Nakakatulig ang lagabog ng berdeng geyt.

Sa marahas mong pagsara, di napansin
Ang tumalsik na padlock sa tabi ng basura.
Muntik tamaan pati bubwit - na bumibisita.

Nagsusumbong ang tahol ni Sunshine.
Bahag ang buntot, isiniksik
Pinagkasya ang katawan sa ilalim ng sofa.
Masakit ang tadyak, mahirap madamay.

Napapasabay
Sa nginig ni Sunshine ang tarantang kamay
Di ako mapalagay. Hindi na kaya
Na salagin ng nguso ang kamay mong bakal.

Dinukot ang natitirang pera sa pitaka.
Promissory Note. Na naman.
Makapag-test lang ang mga bata, kahit nahihiya,
Makikiusap ako para sa kanila.

Huwag lang magtiis sa sampal at mura.

Heto pera. Sige na.
Ubusin mo sa alak,
Mag-tong-it ka.
(Volta ng Ina ka!)

Monday, March 3, 2008

ang umiibig na puso

gagap ng puso
maging ang pinakamalalim na talinhaga.
damdamin mang di maibulalas
na sa dibdib ay nag-uumalpas,
di man kayang sambitin ng umid na dila,
sapat na sa kanya ang malalalim na buntung-hininga.

ramdam ng puso
ang mga pahiwatig ng katugong-puso
pagkat sa kanya lamang ito nakikinig.
kahit di na bigkasin ang anumang kataga,
sapat na ang mga nagsusumamong luha;
upang maintindihan ang iniluluhog
ng isang pusong sumasamba.

nauunawaan ng puso
ang mga dalamhati ng kapwa-puso
dinudugtungan nito maging ang nalalabing tibok
ng isang pusong naghihingalo at nagdurugo.

sinasagip ng kanyang pag-ibig mula sa pagkalunod
maging ang ligaw na damdaming nagtalusira;
pagkat dakila at walang hanggang unawa
ang kaya nitong padaluyin: mula sa kanyang kaibuturan.

maging ang sarili nitong tibok,
kayang sikilin,
nagagawang supilin.

dahil gagap ng puso…

ramdam ng puso…

nauunawaan ng puso…

kung ano ang ibig sabihin
ng isang wagas na pag-ibig.