Friday, January 29, 2010

PUJ-266

sa biglang arangkada, napatukod
ang aking kanang-paa
lumabas
sa sapatos
ang tubig-baha ng Espanya

nakipagpatintero sa ulan
lumubog-litaw
kalahati na lang
ng nangangawit kong puwit
ang naisalpak sa siyaman. hindi yata

naramdaman ng nakasimangot na dalaga
nasagi ko ang kanyang suso
nung sabihin kong: “ma’ bayad ko!”
itinataboy niya

ang usok ng sigarilyo
makapal, naglalakbay, parang lasing
ang lalaking katabi niya
sige ang hithit-buga
hindi man lang magbigay-daan
sa prente niyang pagkasandal
hindi ko maipihit

ang kinalawang na sarahan
ng tumutulong trapal
n a k a k a a s a r !

Saturday, January 23, 2010

Sapagka't Natatakot Ninyong Itanong

Nang wari’y telang-itim na piniringan ng ulap ang mga tala
hindi niya sinabing ito’y isang pakikidigma. Hindi nagbabala
ang sugatang dibdib ng bundok
na hihinga ito, patatalsiki’t pagugulungin
ang nakayakap niyang mga bato
sa ilog, lupa, batis at mga lawa

Walang kinalaman
kung idinuduyan man ng hangin
pakaliwa o pakanan
ang naglambiting mga hamog sa dahon—
wala silang pulitikal na opinyon

Hindi rin dinidigma ng mga kabahayan
ang sinakal sa putik na mga kanal
dahil magkatuwang na sila, daantaon na,
bago pa bumuga ang usok sa mga pabrika
bago pa dumaloy ang nakalalasong mga kemikal.
At kung napagkaitan man nila ng masisilungan
ang mga balo, musmos at walang kinalaman,
wala silang anumang pagkamuhi;
ni hindi nila patakaran ang hayaan silang
magpagala-gala at mamatay sa mga lansangan

Huwag niyo sana silang sumbatan
kung naglahad man ng kamay
ang nagsabarung-barong na mga tulay;
o ang lunsod, na nilalakaran ngayon
ng mga buhay na patay, ng mga balat at kalansay

Huwag niyo sanang kastiguhin
kahit ang nakabalatay na mga barbed-wire
sa ganid na bakod na may “NO TRESPASSING” sign—
wala silang paninindigang pulitikal

Kahit ang mga dingding na maraming taon nang
umuulinig sa mga ungol ng pag-uusig,
at nakakakita sa dugo at luhang dumadaloy
sa binusalang mga bibig, hindi nila ninais
na manatiling nakamasid at nakikinig lang
habang ginigilitan ng leeg at lalamunan ang kalayaan

Ni hindi nagprisinta ang mga puno
na putulin sila at gawing dingding at tabla
upang saksihan lang ang kalupitan
ng tao sa tao
ng tao sa kalikasan

Itanong ninyo
kung kaninong lagda ang nasa ilalim ng mga kautusan
kung kaninong selyo ang idinampi sa kanang gilid ng plano
ng nagtataasang mga gusali. Itanong ninyo
kung nasaan si Atienza, kung nasaan
si Bayani o kung ano ang masasabi tungkol dito
ni Bertong Adik, ni Juanang Five-six o ni Mother Lily

Itanong ninyo ang lahat. Tanungin ninyo ang lahat.

Bakasakaling kung wala nang sumasagot
mauwi na lang kayo sa kinatatakutang tanong sa sarili:

Nung nangyayari ang lahat ng ito, NASAAN AKO?




---------
10:00pm
Oran, Algeria

Sunday, January 17, 2010

Repleksyon



ipahayag man ang lahat
ano pa ba ang maaaring mabago?
bukod sa isa itong napakahabang paliwanag
naibunyag na rin naman, maging ng mga Kasulatan:
- hindi mabuti ang magkamit ng mga bagay
- may pagpapala sa kawalang-katiyakan

ano pa kung gayon
ang saysay ng mga salaysay?
ng pag-uugnay at pag-iingay?

bakit di natin salatin sa noo
ang isang naiiba?
subuking pagbuhulin
ang humihingang katahimikan
bakasakali
sa ating pangangapa sa dilim
kung makauusad tayo, matanto nating
kaylapit lang ng inakala nating malayo

mabatid! ipabatid!
yaon lamang sinusumbatan ang pusikit
at naniwalang binulag sila nito,
ang uupo sa sulok at mananatiling pikit

hindi nila makikita
ang puting aninong nagsa-laman--
lalagpas sa kanila nang di man lang
nahahawakan kahit dulo ng kanyang kasuotan

hindi nila mapapansin
na may salamin sa kanilang harapan--
dapat titigan
dapat lagpasan



-------
January 17, 2010
Oran, Algeria

Thursday, January 14, 2010

Awit ng Pag-ibig




(Alon Bonito playing "Power of Two Songs" by Indigo Girls)


gusto ko siyang magpakalayu-layo
kung maaari nga lang
na ihiwalay ko siya mula sa akin
nguni’t paano? paano ba siya mapaglalakbay
nang lagpas pa sa pinakamalalayong mga bagay—
nang lagpas pa sa iyo?

damdamin ito na nais kong ikulong
nais ilibing sa pinakamadilim at payapang sulok
nang di na niya mahaplos pa ang iyong kaluluwa

sa kailaliman, doon ko siya nais manatili
upang hindi na niya marinig
maging ang pinakamahihina mong hagikgik
subali’t, bakit nga ba lahat na lang ng bagay
na nahahawaka’t natatanaw, nakaugnay sa iyo—
sa atin.

at lagi na, ang mga alaala’y garalgal na tinig
na umiilanlang at pagdaka'y bumabalik
gaya ng tumataghoy na mga nota
na nakatali sa kwerdas ng gitara

o' mailap kong awit!
sa anong tugtog
sa anong instrumento nga ba makalilikha
ng iisang melodiya
mula sa dalawang di-kailanman mapag-isa?

Tuesday, January 12, 2010

Sa Panahong Iyon





sa panahong iyon mangangako silang tutupad sa atas
may huhubdan ng mga kasuotang ginto
at magsasaplot ng basahan


kung paanong ang mga binihisan naman
ang lilikom, ipaparada’t pararangalan
sa kanilang magagarang kasuotan


anupa’t sa kanilang paghahanap
sa katuturan ng salita, mangatitisod sila
sa nagsalabid na kani-kaniyang pakahulugan
lahat, mawawalang-saysay
bunga ng mga salungatan.


babalik ang nag-atas. tulad ng kalapating
ikinakampay ang bagwis
sa ibabaw ng nalikhang mga daluyong

ibubuka niya ang tuka sa dalamhati
at iaapak ang pulang paa
nang may panlulumo’t pagkabigo


dahil habang sumisigaw sila ng natin,
daratnan niya ang mga ito
sa pampang ng kanilang mga sugat—


kinakain ang laman ng isa’t isa.






************
January 9, 2010
Base de Vie
Mers El Hadjadj
Bethioua, Oran, Algeria

Saturday, January 9, 2010

Ligalig

Sa kawalang-halaga—
dito nananahan ang buhay. Maging ang kamatayan

Nakasiksik sa madidilim na sulok at madalas
ay kumakapit sa pihitan ng mga tarangkahan.
Upang balewalain lang. Kahit tingin di man lang tapunan.

Sinusulsi natin ang sapot ng sapantaha,
nilulubid ang mga gustong paniwalaan
tungkol sa ugnayan ng pangyayari at mga bagay
upang malaman na sa dakong huli
lahat, sayang lang.
Dahil di nila tayo naiintindihan.


Sa gitna ng sanga-sangang diskurso,
sa nag-uumpugang kaalaman,
Sa nag-aalab na balitaktakang
nagsimula sa bulong at ngayo’y nagiging mga sigaw,

mistula akong tumitiyad sa bloke ng manipis na yelo—
at sa kapirasong espasyong ito ng kawalang-katiyakan,

nagtatanong ako
ano nga ba ang ginagawa ko rito?

Wednesday, January 6, 2010

Nang minsang dumalaw ang isang lantay na alagad ng sining





Sa mga aktibista ng Dekada 70 at maging ng kasalukuyang henerasyon, kung ang pag-uusapan ay mga awiting tumatalakay sa realidad ng lipunan, wala sigurong hindi nakakakilala kay Heber Bartolome.

Sino nga ba ang hindi makaka-relate sa kanyang awiting Nena. At sinong aktibista (o rebolusyonaryo) ang hindi nakakasabay sa tono at liriko ng kanyang “Levi”. Hindi rin mawawala sa talaan ng mga klasiko at walang kamatayang likha ang kanyang kantang tumatalakay sa karaniwang almusal sa umaga.

Sa tuwirang sabi, nakaukit ang mga awit ni Ka Heber sa isip ng karaniwang tao. Dahil puso sa puso, kinakausap niya ang masa…kung paanong parang isang panaginip na hindi ko mapaniwalaan, kinausap niya ako ilang araw pa lang ang nakalilipas.

Bagama’t hindi kami nagkaharap ni minsan, karangalan kong maituturing na naglaan siya ng oras sa pagbabasa ng aking tula at ibinahagi pa niya ang kanyang pananaw -- sa akin at sa ilang nagbabasa ng aking mga “notes” sa Facebook.

Ipinaskil ko sa nasabing social website ang isa kong tula. Bagama’t di kami personal na magkakilala, nagkataong nagpa-add ako sa FB list niya ilang buwan na ang nakalilipas at may kung anong nagtulak sa akin na i-share sa kanya ang tulang ito:


Titig sa Usbong
(Ni: Oliver S. Carlos)

Tuwing sinasabi nilang ang pagsulat hinggil sa kalayaan
ay isa nang gasgas na tema

Tuwing nag-aatubili ang pluma
sa paghabi ng taludtod para rito

Masarap titigan ang nagpupumilit na paggapang
ng sariwang usbong ng kalabasa—

Sinasayawan nito ang bawat dipa ng lupang
nasasakop at nararating

Matapos mailusot ang sarili
mula sa kumpol ng walang silbing mga damo

***********

Ang sumunod ay maikli, ngunit masustansya’t malayang palitan namin ng ideya.



Heber Bartolome: Oliver, maganda ang tulang ito. Pero gaano ka katiyak na walang silbi ang kumpol ng mga damo?


Oliver Carlos: Ka Heber, napangiti po ako sa talas ng ibinato ninyong tanong. Sadyang kaylalim ng inyong pag-iisip. Aamin po akong sa usapin ng teknikalidad ay hindi titindig ang salitang "walang silbi" sa damo bilang isang elemento. Dahil maging ang matitinik na damo na di makakain ng kambing ay pwedeng bulukin at gawing fertilizer.
Sa pagtatangka ko pong huwag humiwalay sa salitang "nila" sa naunang linya, ginamit ko ang salitang ito upang idiin na may damo sa lupa na humaharang sa pag-usad at paglago ng iba.
Sa aspeto ng paglago ng malayang kaisipan, itinulad ko ang mga taong imbes na palakasin ang iba sa pagsulong ng pagbabago ay pumipigil pa. Sa "makitid" at "depinidong" aspetong ito ko sila inilarawan bilang mga walang silbi. Kayo po? gusto kong marinig ang inyong opinyon tungkol dito... salamat.



Heber Bartolome : Sa iyong tula, napakalinaw ng imahe ng gumagapang na kalabasa at pag-usbong ng kanyang mga talbos, mas maganda nga kung may naidagdag kang dilaw na bulaklak nito. Ngunit di malinaw kung ang kalabasang ito ay sa tumana ng isang magsasaka kung saan dapat ay bunutin ang kumpol ng damo. Samantalang ang iyong tema ay ipagtanggol ang tema ng kalayaan sa pagsusulat, ang kumpol ng damo ay mayroon ding kalayaang mabuhay at karapatang tumubo sa ibabaw ng lupa. Medyo api ang uri ng damo sa iyong tula dahil inakala mong istorbo sya sa paglago ng kalabasang pasayaw-sayaw pa. Sa totoo lang, posibleng sa damuhan hihimlay ang mga bunga ng kalabasa kaysa direktang nakasayad sila sa lupa.



Oliver Carlos: Wow! Sa napakaikling paliwanag ninyo, Ka Heber biglang nagkislapan ang mga ideya. Malinaw sa akin ngayon: Una, imbes na makagawa ng united front sa huling mga linya, na-alienate ang partikular na saray na ito ng lipunan. Entonces, naging antagonistic at sarado ang dating. "walang-silbi" is a harsh and heavy word then. Napaka-brilyo nung paghimlay ng "bunga" ng kalabasa sa mismong damong pumipigil dito. Parang mas kikinang ang argumento na dapat magpatuloy at wag kamuhian ang mga bumabalakid dahil sila, tayong lahat ang aani nito. Parang pag-usad na kung may maiiwan man, may nag-aatubili o humahadlang man, hindi sila dapat tanggalan ng karapatan sa pakinabang. Tanggap na tanggap ko ang gusto ninyong i-inject na ideya dito...an additional line or two would improve the piece. Salamat na lang pala at nai-tag ko sa inyo ito. Mabuhay ka, Ka Heber.


Heber Bartolome : Maski sa pagsulat ng awit, dapat ingatan ang mga titik...magpatuloy ka Oliver...




******************

Hindi ko na sinagot ang huli niyang mensahe. Dahil alam kong nagkakaintindihan na ang aming mga damdamin at alam niyang gagawin ko ang magpatuloy…

Kung paanong siya man, sa loob ng maraming taon ay umawit at patuloy na umaawit at nagsusulong ng pagbabago sa lipunan -- sa mga rali sa lansangan, sa mga umpukan, at kahit saan man. Walang sawang nag-aalay ng panahon at talino . . . para sa bayan.

Sa maikling palitan namin ng ideyang ito, binigyan niya ako ng tamang perspektiba tungkol sa salitang “kalayaan”. Paano nga ba akong magsasalita tungkol sa kalayaan kung ako mismo ay nakakulong sa aking sarili…at nagngungumiyaw na iginigiit lamang ang aking sariling pananaw. Paano naman ang pananaw ng iba…paano naman ang kalayaan ng iba.

Naipa-alala sa akin ni Ka Heber na palaging balanse ang timbangan ng kalayaan. Nasa itaas ka man…nasa ibaba ka man…sa kaliwa o sa kanan. Walang may monopolyo ng salitang ito.

Dadalhin ko sa aking paglalakad sa lansangang ito ng buhay ang alaalang
minsan akong dinalaw ng isang lantay na alagad ng sining.



---------end -------------

Tuesday, January 5, 2010

Tampisaw

Tulad ng mga paang takot nang itampisaw
hindi ko na sana nais pang maramdaman
ang pangangaligkig matapos ang alinsangan

ngunit

kagabi, muli akong ginambala
ng nakapapasong dampi ng iyong mga labi

sa aking punong-tainga—tila ba nagpulasan
ang mga pukyutan—sumanib
sa iyong pagkagat-halik ang paungol
mong pagkasabi: hanggang ngayon, mahal kita.

Usok na nanuot sa bumukad na balat
ang init ng iyong hininga.
At gayung pumapaling, tumatanggi ang pisngi
ano’t higit, laging higit, ang hinihingi ng mga labi.

Batu-balaning humihigop ng alabok,
may mahikang taglay ang bawa’t paglapat
pagdiin at pag-indayog ng iyong katawan.
Paulit-ulit na kumakalag
sa paulit-ulit ding iginagapos na katinuan.

Nais ko sana’y iyon na ang maging huli

Natatakot akong gaya rin lang sa lagaslas
muling hihipan, palalamigin ng hangin
ang iyong kataga; maglalaho ang init–
sabay sa pag-angat at paglayo ng balakang
mula sa sugpungan ng ating mga katawan.

Sinisibat ang tadyang (bakit hindi
mo maramdaman)
sa bawa’t pagkakataong
matapos mo akong ihatid sa sukdulan,
lalayo kang nakabakas sa dibdib, sa leeg,
ang samyo ng mabuhay-pumanaw mong pagmamahal.

Iiwan akong nagtatanong at naghihintay
kung kailan madudugtungan
ang mga alaalang
walang iniwan sa kobre-kamang ating sinapinan—

inilalatag

itinitiklop

muling inilalatag.





************
December 5, 2009
Oran, Algeria

Monday, January 4, 2010

Sa Dalampasigan ng Mers-El-Hadjadj

Ilang araw na rin akong sinusundot
ng kunsiyensya
Dalawin mo raw si Ka Regie—sabi ng isa kong kasama.
Kaylapit lang, walang isang kilometro ang piitan
mula sa dalampasigang ito ng Mers El Hadjadj--dito kami
malimit mangawil ng isdang maiuulam. Hindi ko siya
magawang dalawin. Mas gusto kong isipin na maya-maya lang
ay narito na siya. Napawalang-sala sa pagnanakaw na
ibinibintang sa kanya. Na narito lang siya, at ang gabi-gabi
niyang mga kwento tungkol sa kanyang mga apo,
tungkol sa kulang dalawampung-taong karanasan sa pangingibang-bayan,
tungkol sa disenyong nais niya sa dinugtungan at mas pinalaking bahay

Mas gusto kong isiping siya pa rin ang magluluto ng sinigang na balaw-balaw
para sa aming hapunan; alalahanin ang mabagal naming mga hakbang
tuwing dapithapon sa may buhanginan. Parang kailan lang
Parang kailan lang ang isang taon at walong buwan

Naririnig ko pa ang pagsiyap ng ibong iyon na aming nadaanan
Nakapulupot sa isang paa ang mga natuyong lumot-dagat.
Nakikita ko pa ang aliwalas niyang ngiti matapos niya itong pakawalan.
Sabay naming tinitigan ang pag-imbulog ng ibong iyon
hanggang sa lumiit at maging tila tuldok sa papawirin

Sadya yatang dito sa balat ng lupa
may mga sumusugba sa apoy
upang makapagbigay-init sa iba
may mga ama
na tinatalian ang kanang paa
at inihahakbang papalayo ang kaliwa
saka niya kukumbinsihin ang sarili
na siya ay malaya.




---------------
January 4, 2010
Mers El-Hadjadh
Bethioua, Oran
Algeria

Saturday, January 2, 2010

Titig sa Usbong

****************






tuwing sinasabi nilang ang pagsulat hinggil sa kalayaan
ay isa nang gasgas na tema

tuwing nag-aatubili ang pluma
sa paghabi ng taludtod para rito

masarap titigan ang nagpupumilit na paggapang
ng sariwang usbong ng kalabasa—

sinasayawan nito ang bawat dipa ng lupang
nasasakop at nararating

matapos mailusot ang sarili
mula sa kumpol ng walang silbing mga damo






***********
January 2, 2010
Oran, Algeria