Saturday, January 23, 2010

Sapagka't Natatakot Ninyong Itanong

Nang wari’y telang-itim na piniringan ng ulap ang mga tala
hindi niya sinabing ito’y isang pakikidigma. Hindi nagbabala
ang sugatang dibdib ng bundok
na hihinga ito, patatalsiki’t pagugulungin
ang nakayakap niyang mga bato
sa ilog, lupa, batis at mga lawa

Walang kinalaman
kung idinuduyan man ng hangin
pakaliwa o pakanan
ang naglambiting mga hamog sa dahon—
wala silang pulitikal na opinyon

Hindi rin dinidigma ng mga kabahayan
ang sinakal sa putik na mga kanal
dahil magkatuwang na sila, daantaon na,
bago pa bumuga ang usok sa mga pabrika
bago pa dumaloy ang nakalalasong mga kemikal.
At kung napagkaitan man nila ng masisilungan
ang mga balo, musmos at walang kinalaman,
wala silang anumang pagkamuhi;
ni hindi nila patakaran ang hayaan silang
magpagala-gala at mamatay sa mga lansangan

Huwag niyo sana silang sumbatan
kung naglahad man ng kamay
ang nagsabarung-barong na mga tulay;
o ang lunsod, na nilalakaran ngayon
ng mga buhay na patay, ng mga balat at kalansay

Huwag niyo sanang kastiguhin
kahit ang nakabalatay na mga barbed-wire
sa ganid na bakod na may “NO TRESPASSING” sign—
wala silang paninindigang pulitikal

Kahit ang mga dingding na maraming taon nang
umuulinig sa mga ungol ng pag-uusig,
at nakakakita sa dugo at luhang dumadaloy
sa binusalang mga bibig, hindi nila ninais
na manatiling nakamasid at nakikinig lang
habang ginigilitan ng leeg at lalamunan ang kalayaan

Ni hindi nagprisinta ang mga puno
na putulin sila at gawing dingding at tabla
upang saksihan lang ang kalupitan
ng tao sa tao
ng tao sa kalikasan

Itanong ninyo
kung kaninong lagda ang nasa ilalim ng mga kautusan
kung kaninong selyo ang idinampi sa kanang gilid ng plano
ng nagtataasang mga gusali. Itanong ninyo
kung nasaan si Atienza, kung nasaan
si Bayani o kung ano ang masasabi tungkol dito
ni Bertong Adik, ni Juanang Five-six o ni Mother Lily

Itanong ninyo ang lahat. Tanungin ninyo ang lahat.

Bakasakaling kung wala nang sumasagot
mauwi na lang kayo sa kinatatakutang tanong sa sarili:

Nung nangyayari ang lahat ng ito, NASAAN AKO?




---------
10:00pm
Oran, Algeria

1 comment:

Anonymous said...

Visiting here with my other blog www.vicyjeff.com ..Take care