Wednesday, January 6, 2010

Nang minsang dumalaw ang isang lantay na alagad ng sining





Sa mga aktibista ng Dekada 70 at maging ng kasalukuyang henerasyon, kung ang pag-uusapan ay mga awiting tumatalakay sa realidad ng lipunan, wala sigurong hindi nakakakilala kay Heber Bartolome.

Sino nga ba ang hindi makaka-relate sa kanyang awiting Nena. At sinong aktibista (o rebolusyonaryo) ang hindi nakakasabay sa tono at liriko ng kanyang “Levi”. Hindi rin mawawala sa talaan ng mga klasiko at walang kamatayang likha ang kanyang kantang tumatalakay sa karaniwang almusal sa umaga.

Sa tuwirang sabi, nakaukit ang mga awit ni Ka Heber sa isip ng karaniwang tao. Dahil puso sa puso, kinakausap niya ang masa…kung paanong parang isang panaginip na hindi ko mapaniwalaan, kinausap niya ako ilang araw pa lang ang nakalilipas.

Bagama’t hindi kami nagkaharap ni minsan, karangalan kong maituturing na naglaan siya ng oras sa pagbabasa ng aking tula at ibinahagi pa niya ang kanyang pananaw -- sa akin at sa ilang nagbabasa ng aking mga “notes” sa Facebook.

Ipinaskil ko sa nasabing social website ang isa kong tula. Bagama’t di kami personal na magkakilala, nagkataong nagpa-add ako sa FB list niya ilang buwan na ang nakalilipas at may kung anong nagtulak sa akin na i-share sa kanya ang tulang ito:


Titig sa Usbong
(Ni: Oliver S. Carlos)

Tuwing sinasabi nilang ang pagsulat hinggil sa kalayaan
ay isa nang gasgas na tema

Tuwing nag-aatubili ang pluma
sa paghabi ng taludtod para rito

Masarap titigan ang nagpupumilit na paggapang
ng sariwang usbong ng kalabasa—

Sinasayawan nito ang bawat dipa ng lupang
nasasakop at nararating

Matapos mailusot ang sarili
mula sa kumpol ng walang silbing mga damo

***********

Ang sumunod ay maikli, ngunit masustansya’t malayang palitan namin ng ideya.



Heber Bartolome: Oliver, maganda ang tulang ito. Pero gaano ka katiyak na walang silbi ang kumpol ng mga damo?


Oliver Carlos: Ka Heber, napangiti po ako sa talas ng ibinato ninyong tanong. Sadyang kaylalim ng inyong pag-iisip. Aamin po akong sa usapin ng teknikalidad ay hindi titindig ang salitang "walang silbi" sa damo bilang isang elemento. Dahil maging ang matitinik na damo na di makakain ng kambing ay pwedeng bulukin at gawing fertilizer.
Sa pagtatangka ko pong huwag humiwalay sa salitang "nila" sa naunang linya, ginamit ko ang salitang ito upang idiin na may damo sa lupa na humaharang sa pag-usad at paglago ng iba.
Sa aspeto ng paglago ng malayang kaisipan, itinulad ko ang mga taong imbes na palakasin ang iba sa pagsulong ng pagbabago ay pumipigil pa. Sa "makitid" at "depinidong" aspetong ito ko sila inilarawan bilang mga walang silbi. Kayo po? gusto kong marinig ang inyong opinyon tungkol dito... salamat.



Heber Bartolome : Sa iyong tula, napakalinaw ng imahe ng gumagapang na kalabasa at pag-usbong ng kanyang mga talbos, mas maganda nga kung may naidagdag kang dilaw na bulaklak nito. Ngunit di malinaw kung ang kalabasang ito ay sa tumana ng isang magsasaka kung saan dapat ay bunutin ang kumpol ng damo. Samantalang ang iyong tema ay ipagtanggol ang tema ng kalayaan sa pagsusulat, ang kumpol ng damo ay mayroon ding kalayaang mabuhay at karapatang tumubo sa ibabaw ng lupa. Medyo api ang uri ng damo sa iyong tula dahil inakala mong istorbo sya sa paglago ng kalabasang pasayaw-sayaw pa. Sa totoo lang, posibleng sa damuhan hihimlay ang mga bunga ng kalabasa kaysa direktang nakasayad sila sa lupa.



Oliver Carlos: Wow! Sa napakaikling paliwanag ninyo, Ka Heber biglang nagkislapan ang mga ideya. Malinaw sa akin ngayon: Una, imbes na makagawa ng united front sa huling mga linya, na-alienate ang partikular na saray na ito ng lipunan. Entonces, naging antagonistic at sarado ang dating. "walang-silbi" is a harsh and heavy word then. Napaka-brilyo nung paghimlay ng "bunga" ng kalabasa sa mismong damong pumipigil dito. Parang mas kikinang ang argumento na dapat magpatuloy at wag kamuhian ang mga bumabalakid dahil sila, tayong lahat ang aani nito. Parang pag-usad na kung may maiiwan man, may nag-aatubili o humahadlang man, hindi sila dapat tanggalan ng karapatan sa pakinabang. Tanggap na tanggap ko ang gusto ninyong i-inject na ideya dito...an additional line or two would improve the piece. Salamat na lang pala at nai-tag ko sa inyo ito. Mabuhay ka, Ka Heber.


Heber Bartolome : Maski sa pagsulat ng awit, dapat ingatan ang mga titik...magpatuloy ka Oliver...




******************

Hindi ko na sinagot ang huli niyang mensahe. Dahil alam kong nagkakaintindihan na ang aming mga damdamin at alam niyang gagawin ko ang magpatuloy…

Kung paanong siya man, sa loob ng maraming taon ay umawit at patuloy na umaawit at nagsusulong ng pagbabago sa lipunan -- sa mga rali sa lansangan, sa mga umpukan, at kahit saan man. Walang sawang nag-aalay ng panahon at talino . . . para sa bayan.

Sa maikling palitan namin ng ideyang ito, binigyan niya ako ng tamang perspektiba tungkol sa salitang “kalayaan”. Paano nga ba akong magsasalita tungkol sa kalayaan kung ako mismo ay nakakulong sa aking sarili…at nagngungumiyaw na iginigiit lamang ang aking sariling pananaw. Paano naman ang pananaw ng iba…paano naman ang kalayaan ng iba.

Naipa-alala sa akin ni Ka Heber na palaging balanse ang timbangan ng kalayaan. Nasa itaas ka man…nasa ibaba ka man…sa kaliwa o sa kanan. Walang may monopolyo ng salitang ito.

Dadalhin ko sa aking paglalakad sa lansangang ito ng buhay ang alaalang
minsan akong dinalaw ng isang lantay na alagad ng sining.



---------end -------------

No comments: