Monday, January 4, 2010

Sa Dalampasigan ng Mers-El-Hadjadj

Ilang araw na rin akong sinusundot
ng kunsiyensya
Dalawin mo raw si Ka Regie—sabi ng isa kong kasama.
Kaylapit lang, walang isang kilometro ang piitan
mula sa dalampasigang ito ng Mers El Hadjadj--dito kami
malimit mangawil ng isdang maiuulam. Hindi ko siya
magawang dalawin. Mas gusto kong isipin na maya-maya lang
ay narito na siya. Napawalang-sala sa pagnanakaw na
ibinibintang sa kanya. Na narito lang siya, at ang gabi-gabi
niyang mga kwento tungkol sa kanyang mga apo,
tungkol sa kulang dalawampung-taong karanasan sa pangingibang-bayan,
tungkol sa disenyong nais niya sa dinugtungan at mas pinalaking bahay

Mas gusto kong isiping siya pa rin ang magluluto ng sinigang na balaw-balaw
para sa aming hapunan; alalahanin ang mabagal naming mga hakbang
tuwing dapithapon sa may buhanginan. Parang kailan lang
Parang kailan lang ang isang taon at walong buwan

Naririnig ko pa ang pagsiyap ng ibong iyon na aming nadaanan
Nakapulupot sa isang paa ang mga natuyong lumot-dagat.
Nakikita ko pa ang aliwalas niyang ngiti matapos niya itong pakawalan.
Sabay naming tinitigan ang pag-imbulog ng ibong iyon
hanggang sa lumiit at maging tila tuldok sa papawirin

Sadya yatang dito sa balat ng lupa
may mga sumusugba sa apoy
upang makapagbigay-init sa iba
may mga ama
na tinatalian ang kanang paa
at inihahakbang papalayo ang kaliwa
saka niya kukumbinsihin ang sarili
na siya ay malaya.




---------------
January 4, 2010
Mers El-Hadjadh
Bethioua, Oran
Algeria

No comments: