sa biglang arangkada, napatukod 
ang aking kanang-paa 
lumabas 
sa sapatos
ang tubig-baha ng Espanya
nakipagpatintero sa ulan 
lumubog-litaw 
kalahati na lang 
ng nangangawit kong puwit 
ang naisalpak sa siyaman. hindi yata 
naramdaman ng nakasimangot na dalaga 
nasagi ko ang kanyang suso
nung sabihin kong:  “ma’ bayad ko!”
itinataboy niya 
ang usok ng sigarilyo
makapal, naglalakbay, parang lasing 
ang lalaking katabi niya 
sige ang hithit-buga
hindi man lang magbigay-daan 
sa prente niyang pagkasandal
hindi ko maipihit 
ang kinalawang na sarahan
ng tumutulong trapal 
n a k a k a a s a r !
Friday, January 29, 2010
PUJ-266
Posted by
Verso para Libertad
at
11:59 PM
0
comments:
 
 
Labels: poems (social relevance)
Saturday, January 23, 2010
Sapagka't Natatakot Ninyong Itanong
Nang wari’y telang-itim na piniringan ng ulap ang mga tala 
hindi niya sinabing ito’y isang pakikidigma. Hindi nagbabala 
ang sugatang dibdib ng bundok 
na hihinga ito, patatalsiki’t pagugulungin 
ang nakayakap niyang mga bato
sa ilog, lupa, batis at mga lawa  
Walang kinalaman
kung idinuduyan man ng hangin
pakaliwa o pakanan
ang naglambiting mga hamog sa dahon— 
wala silang pulitikal na opinyon 
Hindi rin dinidigma ng mga kabahayan 
ang sinakal sa putik na mga kanal
dahil magkatuwang na sila, daantaon na,
bago pa bumuga ang usok sa mga pabrika
bago pa dumaloy ang nakalalasong mga kemikal.
At kung napagkaitan man nila ng masisilungan  
ang mga balo, musmos at walang kinalaman, 
wala silang anumang pagkamuhi;
ni hindi nila patakaran ang hayaan silang
magpagala-gala at mamatay sa mga lansangan
Huwag niyo sana silang sumbatan
kung naglahad man ng kamay
ang nagsabarung-barong na mga tulay; 
o ang lunsod, na nilalakaran ngayon 
ng mga buhay na patay, ng mga balat at kalansay
Huwag niyo sanang kastiguhin 
kahit ang nakabalatay na mga barbed-wire  
sa ganid na bakod na may  “NO TRESPASSING” sign—
wala silang paninindigang pulitikal
Kahit ang mga dingding na maraming taon nang 
umuulinig sa mga ungol ng pag-uusig, 
at nakakakita sa dugo at luhang dumadaloy
sa binusalang mga bibig, hindi nila ninais 
na manatiling nakamasid at nakikinig lang 
habang ginigilitan ng leeg at lalamunan ang kalayaan
Ni hindi nagprisinta ang mga puno
na putulin sila at gawing dingding at tabla 
upang saksihan lang ang kalupitan 
ng tao sa tao
ng tao sa kalikasan
Itanong ninyo
kung kaninong lagda ang nasa ilalim ng mga kautusan
kung kaninong selyo ang idinampi sa kanang gilid ng plano 
ng nagtataasang mga gusali. Itanong ninyo
kung nasaan si Atienza, kung nasaan
si Bayani o kung ano ang masasabi tungkol dito
ni Bertong Adik, ni Juanang Five-six o ni Mother Lily 
Itanong ninyo ang lahat. Tanungin ninyo ang lahat.
Bakasakaling kung wala nang sumasagot
mauwi na lang kayo sa kinatatakutang tanong sa sarili:
Nung nangyayari ang lahat ng ito, NASAAN AKO?
---------
10:00pm
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
7:48 AM
1 comments:
 
 
Labels: poems (activism; protest)
Sunday, January 17, 2010
Repleksyon

ipahayag man ang lahat
ano pa ba ang maaaring mabago?
bukod sa isa itong napakahabang paliwanag 
naibunyag na rin naman, maging ng mga Kasulatan: 
 - hindi mabuti ang magkamit ng mga bagay
 - may pagpapala sa kawalang-katiyakan
 
ano pa kung gayon 
ang saysay ng mga salaysay?
ng pag-uugnay at pag-iingay?  
bakit di natin salatin sa noo
ang isang naiiba?
subuking pagbuhulin  
ang humihingang katahimikan  
bakasakali 
sa ating pangangapa sa dilim
kung makauusad tayo, matanto nating
kaylapit lang ng inakala nating malayo
mabatid! ipabatid!
yaon lamang sinusumbatan ang pusikit
at naniwalang binulag sila nito,
ang uupo sa sulok at mananatiling pikit
hindi nila makikita
ang puting aninong nagsa-laman-- 
lalagpas sa kanila nang di man lang 
nahahawakan kahit dulo ng kanyang kasuotan
hindi nila mapapansin
na may salamin sa kanilang harapan--
dapat titigan
dapat lagpasan
-------
January 17, 2010
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
7:40 AM
3
comments:
 
 
Labels: poems (pagmumuni)
Thursday, January 14, 2010
Awit ng Pag-ibig
(Alon Bonito playing "Power of Two Songs" by Indigo Girls)
gusto ko siyang magpakalayu-layo
kung maaari nga lang 
na ihiwalay ko siya mula sa akin
nguni’t paano? paano ba siya mapaglalakbay 
nang lagpas pa sa pinakamalalayong mga bagay—
nang lagpas pa sa iyo?
damdamin ito na nais kong ikulong
nais ilibing sa pinakamadilim at payapang sulok 
nang di na niya mahaplos pa ang iyong kaluluwa
sa kailaliman, doon ko siya nais manatili
upang hindi na niya marinig 
maging ang pinakamahihina mong hagikgik
subali’t, bakit nga ba lahat na lang ng bagay 
na nahahawaka’t natatanaw, nakaugnay sa iyo—
sa atin. 
at lagi na, ang mga alaala’y garalgal na tinig 
na umiilanlang at pagdaka'y bumabalik 
gaya ng tumataghoy na mga nota 
na nakatali sa kwerdas ng gitara
o' mailap kong awit!
sa anong tugtog
sa anong instrumento nga ba makalilikha 
ng iisang melodiya 
mula sa dalawang di-kailanman mapag-isa?
Posted by
Verso para Libertad
at
5:28 AM
0
comments:
 
 
Labels: poems (love and friendship)
Tuesday, January 12, 2010
Sa Panahong Iyon

sa panahong iyon mangangako silang tutupad sa atas
may huhubdan ng mga kasuotang ginto 
at magsasaplot ng basahan
kung paanong ang mga binihisan naman 
ang lilikom, ipaparada’t pararangalan 
sa kanilang magagarang kasuotan
anupa’t sa kanilang paghahanap 
sa katuturan ng salita, mangatitisod sila
sa nagsalabid na kani-kaniyang pakahulugan 
lahat, mawawalang-saysay 
bunga ng mga salungatan. 
babalik ang nag-atas. tulad ng kalapating 
ikinakampay ang bagwis 
sa ibabaw ng nalikhang mga daluyong
ibubuka niya ang tuka sa dalamhati
at iaapak ang pulang paa 
nang may panlulumo’t pagkabigo
dahil habang sumisigaw sila ng natin,
daratnan niya ang mga ito 
sa pampang ng kanilang mga sugat—
kinakain ang laman ng isa’t isa.
************ 
January 9, 2010
Base de Vie
Mers El Hadjadj
Bethioua, Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
6:21 AM
0
comments:
 
 
Labels: poems (pagmumuni)
Saturday, January 9, 2010
Ligalig
Sa kawalang-halaga—
dito nananahan ang buhay. Maging ang kamatayan
Nakasiksik sa madidilim na sulok at madalas 
ay kumakapit sa pihitan ng mga tarangkahan. 
Upang balewalain lang. Kahit tingin di man lang tapunan.
 
Sinusulsi natin ang sapot ng sapantaha,
nilulubid ang mga gustong paniwalaan
tungkol sa ugnayan ng pangyayari at mga bagay
upang malaman na sa dakong huli 
lahat, sayang lang. 
Dahil di nila tayo naiintindihan.
Sa gitna ng sanga-sangang diskurso,
sa nag-uumpugang kaalaman,
Sa nag-aalab na balitaktakang
nagsimula sa bulong at ngayo’y nagiging mga sigaw,
mistula akong tumitiyad sa bloke ng manipis na yelo—
at sa kapirasong espasyong ito ng kawalang-katiyakan,
nagtatanong ako
ano nga ba ang ginagawa ko rito?
Posted by
Verso para Libertad
at
2:37 AM
0
comments:
 
 
Labels: poems (activism; protest)
Wednesday, January 6, 2010
Nang minsang dumalaw ang isang lantay na alagad ng sining
Sa mga aktibista ng Dekada 70 at maging ng kasalukuyang henerasyon, kung ang pag-uusapan ay mga awiting tumatalakay sa realidad ng lipunan, wala sigurong hindi nakakakilala kay Heber Bartolome.
Sino nga ba ang hindi makaka-relate sa kanyang awiting Nena. At sinong aktibista (o rebolusyonaryo) ang hindi nakakasabay sa tono at liriko ng kanyang “Levi”.  Hindi rin mawawala sa talaan ng mga klasiko at walang kamatayang likha ang kanyang kantang tumatalakay sa karaniwang almusal sa umaga. 
Sa tuwirang sabi, nakaukit ang mga awit ni Ka Heber sa isip ng karaniwang tao. Dahil puso sa puso, kinakausap niya ang masa…kung paanong parang isang panaginip na hindi ko mapaniwalaan, kinausap niya ako ilang araw pa lang ang nakalilipas.
Bagama’t hindi kami nagkaharap ni minsan, karangalan kong maituturing na  naglaan siya ng oras sa pagbabasa ng aking tula at ibinahagi pa niya ang kanyang pananaw -- sa akin at sa ilang nagbabasa ng aking mga “notes” sa Facebook.
Ipinaskil ko sa nasabing social website ang isa kong tula. Bagama’t di kami personal na magkakilala, nagkataong nagpa-add ako sa FB list niya ilang buwan na ang nakalilipas at may kung anong nagtulak sa akin na i-share sa kanya ang tulang ito:
Titig sa Usbong
(Ni: Oliver S. Carlos)
Tuwing sinasabi nilang ang pagsulat hinggil sa kalayaan 
ay isa nang gasgas na tema
Tuwing nag-aatubili ang pluma
sa paghabi ng taludtod para rito 
Masarap titigan ang nagpupumilit na paggapang 
ng sariwang usbong ng kalabasa—
Sinasayawan nito ang bawat dipa ng lupang 
nasasakop at nararating 
Matapos mailusot ang sarili
mula sa kumpol ng walang silbing mga damo
***********
Ang sumunod ay maikli, ngunit masustansya’t malayang palitan namin ng ideya.
Heber Bartolome:  Oliver, maganda ang tulang ito. Pero gaano ka katiyak na walang silbi ang kumpol ng mga damo?  
Oliver Carlos: Ka Heber, napangiti po ako sa talas ng ibinato ninyong tanong. Sadyang kaylalim ng inyong pag-iisip. Aamin po akong sa usapin ng teknikalidad ay hindi titindig ang salitang "walang silbi" sa damo bilang isang elemento. Dahil maging ang matitinik na damo na di makakain ng kambing ay pwedeng bulukin at gawing fertilizer. 
Sa pagtatangka ko pong huwag humiwalay sa salitang "nila" sa naunang linya, ginamit ko ang salitang ito upang idiin na may damo sa lupa na humaharang sa pag-usad at paglago ng iba. 
Sa aspeto ng paglago ng malayang kaisipan, itinulad ko ang mga taong imbes na palakasin ang iba sa pagsulong ng pagbabago ay pumipigil pa. Sa "makitid" at "depinidong" aspetong ito ko sila inilarawan bilang mga walang silbi. Kayo po? gusto kong marinig ang inyong opinyon tungkol dito... salamat. 
Heber Bartolome : Sa iyong tula, napakalinaw ng imahe ng gumagapang na kalabasa at pag-usbong ng kanyang mga talbos, mas maganda nga kung may naidagdag kang dilaw na bulaklak nito. Ngunit di malinaw kung ang kalabasang ito ay sa tumana ng isang magsasaka kung saan dapat ay bunutin ang kumpol ng damo. Samantalang ang iyong tema ay ipagtanggol ang tema ng kalayaan sa pagsusulat, ang kumpol ng damo ay mayroon ding kalayaang mabuhay at karapatang tumubo sa ibabaw ng lupa. Medyo api ang uri ng damo sa iyong tula dahil inakala mong istorbo sya sa paglago ng kalabasang pasayaw-sayaw pa. Sa totoo lang, posibleng sa damuhan hihimlay ang mga bunga ng kalabasa kaysa direktang nakasayad sila sa lupa.
Oliver Carlos:  Wow! Sa napakaikling paliwanag ninyo, Ka Heber biglang nagkislapan ang mga ideya. Malinaw sa akin ngayon: Una, imbes na makagawa ng united front sa huling mga linya, na-alienate ang partikular na saray na ito ng lipunan. Entonces, naging antagonistic at sarado ang dating. "walang-silbi" is a harsh and heavy word then. Napaka-brilyo nung paghimlay ng "bunga" ng kalabasa sa mismong damong pumipigil dito. Parang mas kikinang ang argumento na dapat magpatuloy at wag kamuhian ang mga bumabalakid dahil sila, tayong lahat ang aani nito. Parang pag-usad na kung may maiiwan man, may nag-aatubili o humahadlang man, hindi sila dapat tanggalan ng karapatan sa pakinabang. Tanggap na tanggap ko ang gusto ninyong i-inject na ideya dito...an additional line or two would improve the piece.  Salamat na lang pala at nai-tag ko sa inyo ito. Mabuhay ka, Ka Heber.
Heber Bartolome : Maski sa pagsulat ng awit, dapat ingatan ang mga titik...magpatuloy ka Oliver...
******************
Hindi ko na sinagot ang huli niyang mensahe. Dahil alam kong nagkakaintindihan na ang aming mga damdamin at alam niyang gagawin ko ang magpatuloy…
Kung paanong siya man, sa loob ng maraming taon ay umawit at patuloy na umaawit at nagsusulong ng pagbabago sa lipunan --  sa mga rali sa lansangan, sa mga umpukan, at kahit saan man. Walang sawang nag-aalay ng panahon at talino . . .  para sa bayan.
Sa maikling palitan namin ng ideyang ito, binigyan niya ako ng tamang perspektiba tungkol sa salitang “kalayaan”. Paano nga ba akong magsasalita tungkol sa kalayaan kung ako mismo ay nakakulong sa aking sarili…at nagngungumiyaw na iginigiit  lamang ang aking sariling pananaw. Paano naman ang pananaw ng iba…paano naman ang kalayaan ng iba. 
Naipa-alala sa akin ni Ka Heber na palaging balanse ang timbangan ng kalayaan. Nasa itaas ka man…nasa ibaba ka man…sa kaliwa o sa kanan. Walang may monopolyo ng salitang ito. 
Dadalhin ko sa aking paglalakad sa lansangang ito ng buhay ang alaalang 
minsan akong dinalaw ng isang lantay na alagad ng sining. 
---------end -------------
Posted by
Verso para Libertad
at
12:24 AM
0
comments:
 
 
Labels: Personal Notes
Tuesday, January 5, 2010
Tampisaw
Tulad ng mga paang takot nang itampisaw 
hindi ko na sana nais pang maramdaman 
ang pangangaligkig matapos ang alinsangan
ngunit
kagabi, muli akong ginambala 
ng nakapapasong dampi ng iyong mga labi
sa aking punong-tainga—tila ba nagpulasan 
ang mga pukyutan—sumanib 
sa iyong pagkagat-halik ang paungol 
mong pagkasabi: hanggang ngayon, mahal kita.
Usok na nanuot sa bumukad na balat
ang init ng iyong hininga.
At gayung pumapaling, tumatanggi ang pisngi
ano’t higit, laging higit, ang hinihingi ng mga labi.
Batu-balaning humihigop ng alabok,
may mahikang taglay ang bawa’t paglapat 
pagdiin at pag-indayog ng iyong katawan. 
Paulit-ulit na kumakalag 
sa paulit-ulit ding iginagapos na katinuan.
Nais ko sana’y  iyon na ang maging huli
Natatakot akong gaya rin lang sa lagaslas
muling hihipan, palalamigin ng hangin 
ang iyong kataga; maglalaho ang init–
sabay  sa pag-angat at paglayo ng balakang 
mula sa sugpungan ng ating mga katawan.
Sinisibat ang tadyang (bakit hindi 
mo maramdaman)
sa bawa’t pagkakataong
matapos mo akong ihatid sa sukdulan,
lalayo kang nakabakas sa dibdib, sa leeg, 
ang samyo ng mabuhay-pumanaw mong pagmamahal. 
Iiwan akong nagtatanong at naghihintay 
kung kailan madudugtungan 
ang mga alaalang 
walang iniwan sa kobre-kamang ating sinapinan—
inilalatag 
itinitiklop 
muling inilalatag.
************
December 5, 2009
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
3:35 AM
0
comments:
 
 
Labels: poems (love and friendship)
Monday, January 4, 2010
Sa Dalampasigan ng Mers-El-Hadjadj
Ilang araw na rin akong sinusundot
ng kunsiyensya 
Dalawin mo raw si Ka Regie—sabi ng isa kong kasama. 
Kaylapit lang, walang isang kilometro ang piitan
mula sa dalampasigang ito ng Mers El Hadjadj--dito kami
malimit mangawil ng isdang maiuulam. Hindi ko siya
magawang dalawin. Mas gusto kong isipin na maya-maya lang
ay narito na siya. Napawalang-sala sa pagnanakaw na
ibinibintang sa kanya.  Na narito lang siya, at ang gabi-gabi 
niyang mga kwento  tungkol sa kanyang mga apo,
tungkol sa kulang dalawampung-taong karanasan sa pangingibang-bayan, 
tungkol sa disenyong nais niya sa dinugtungan at mas pinalaking bahay
 
Mas gusto kong isiping siya pa rin ang magluluto ng sinigang na balaw-balaw  
para sa aming hapunan;  alalahanin ang mabagal naming mga hakbang
tuwing dapithapon sa may buhanginan. Parang kailan lang 
Parang kailan lang ang isang taon at walong buwan 
Naririnig ko pa ang pagsiyap ng ibong iyon na aming nadaanan
Nakapulupot sa isang paa ang mga natuyong lumot-dagat. 
Nakikita ko pa ang aliwalas niyang ngiti matapos niya itong pakawalan.
Sabay naming tinitigan ang pag-imbulog ng ibong iyon 
hanggang sa lumiit at maging tila tuldok sa papawirin
Sadya yatang dito sa balat ng lupa 
may mga sumusugba sa apoy 
upang makapagbigay-init sa iba
may mga ama
na tinatalian ang kanang paa
at inihahakbang papalayo ang kaliwa 
saka niya kukumbinsihin ang sarili 
na siya ay malaya. 
---------------
January 4, 2010
Mers El-Hadjadh
Bethioua, Oran
Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
3:31 AM
0
comments:
 
 
Labels: poems (social relevance)
Saturday, January 2, 2010
Titig sa Usbong
****************
tuwing sinasabi nilang ang pagsulat hinggil sa kalayaan 
ay isa nang gasgas na tema
tuwing nag-aatubili ang pluma
sa paghabi ng taludtod para rito 
masarap titigan ang  nagpupumilit na paggapang 
ng sariwang usbong ng kalabasa—
sinasayawan nito ang bawat dipa ng lupang 
nasasakop at nararating 
matapos mailusot ang sarili
mula sa kumpol ng walang silbing mga damo
*********** 
January 2, 2010
Oran, Algeria
Posted by
Verso para Libertad
at
6:21 AM
0
comments:
 
 
Labels: poems (activism; protest)


 
 

