Thursday, April 16, 2009

Tigil-Putukan



. . . at gayun na nga, tulad ng mga nauna sa kanya
sumungaw lang sa kanyang nunal ang mga hungkag na kataga:

“Ating kulayan ng puti ang nakalatag na dilim. Sikaping
maampat ang daloy ng dugo sa mga sugat. Mag-usap
Hawiin, pawiin ang usok sa dulo ng ating mga armas”

Malapit sa lupang kanyang tinatapakan, sa isang libingan,
magkaisang-tinig na humiyaw ang mga napaslang na kawal
sabay sa luksang palahaw ng mga anakpawis na nabuwal
sa kabundukan— na ngayo’y pinapaypayan na lamang
ng mga damong ligaw na tumubo upang takpan
ang mga libingan nilang walang pangalan at palatandaan:

“Kung itinuwid n’yo lamang, noon pa man, ang lahat niyong kalikuan
matagal na sana tayong tahimik. Matagal na sanang tapos ang lahat.”

Tuesday, April 14, 2009

Pakikitangis


Kung sa kubling sulok ng sugatang dibdib
Doon mahahaplos damdaming nanlamig

Ipahintulot mong pisngi’y maidikit
Upang saluhan ka sa iyong pagtangis;

Hayaang buksan ko, pusong nakapinid
Gamutin ang sugat ng tugma ko’t himig.

Iiyak mong lahat sa aking mga bisig
Ang iwing siphayo ng bigong pag-ibig

Na animo’y patak ng ulan sa langit—
Na sa balikat mo’y bubog, tumatalsik.

At tulad ng along lumayo’t lumapit
Susunduing lahat luha mong mapait

Aking isasanib sa malayang tubig
Saka ikakanlong sa laot ng dibdib

Paghimlay

Hayaan mong haplusin ko ang iyong buhok at pisngi. Ipikit mo

Ang mga matang pinalamlam ng libong pasakit. Ihimlay

Ang pagod mong isip sa yayat kong bisig at managinip kang

Kasama ko. Magkaakbay nating isasakay sa bughaw na ulap

Ang lahat ng ungol at siphayo sa napakailap nating pangarap.

Doon, gintong silid at kamang bulak ang ating pahingahan.

Hindi karton at lumang diyaryong pinulot lang sa tambakan

Ang sasapin sa pagod nating katawan sa mga gabing

Nais nang humiga sa giray nating dampa sa ilalim ng tulay.

Mga anghel at kerubin ang doo’y nag-aawitang sasalubong

Sa ating pagdating. Hindi pulis o tauhan ng City Hall

Na tila langaw na pumipitik sa atin. Humimlay ka, aking hirang,

Gawing unan ang pagal kong dibdib na nais na ring humingalay.

Sabay tayong papanhik sa ating tahanan – doon sa kaitaasan.

Friday, April 10, 2009

Pag-asam


Hahagkan ko’t hahaplusin ang alaala mong taglay

Tulad ng paghaplos ng hanging naglalambing sa talahib,

Sapa, tarundon, bundok at mga yungib. Pupunasan

Ang gitaw na luha at hapding sungaw sa bawat mong paglisan

Kasabay ng naglalahong anino sa mga takipsilim na dumaratal.

Ihahatid ka ng aking tanaw, gaya ng paghatid ng kristal

Na tubig sa dibdib ng sakahan. Itataas ko ang kuyom na kamay

Bilang tugon, sa bawat pagtaas at pagkaway ng baril mong tangan.

At sa mga hapding paalam, sa mga hakbang palayo ng paa mong putikan,

Na alam kong nagpapatibay sa prinsipyong sa atin ay nag-ugnay,

Maghihintay, kasama ng masa na ninais nating paglingkuran.

Aasang sa pag-idlip ng ligalig na gabi, at pagsilay ng bukang-liwayway,

Gigising akong nakangiti - dahil naroon ka at ligtas na nakabalik.

Nakataas ang kuyom na kamay. Ikinakaway … ang baril na tangan.

Thursday, April 9, 2009

Paperclip

Paperclip lang ako sa paperworks ng lovelife mo--
Dinadampot at ginagamit
Sa pagbigkis at pag-ipit
ng kalat-kalat nitong mga pahina.

Isa, dalawa, madalas ay higit pa.
Minsan nahihirapan,
Kung minsan naman naguguluhan. Pero ayos lang
Dahil wala tayong iwanan.

Ganun tayo. Ganun ako sa iyo. At mula pa noon,
Kahit naman ngayon, hindi ako nagreklamo,
Ni nagsawang tulungan at alalayan ka
Sa bawat pagtatangka na ayusin,
Pagsama-samahin at buuin
Ang magulong istorya ng pag-ibig mo.

Manhid ka nga lang yata talaga
O hindi mo lang nakikita,
Na nasasaktan ako
Sa bawa’t pagkakataong
Pilit mong binabalikan ang mga pinunit nang
Pahina sa piling ng dati mong minahal.

Pupunitin, Bubuuin. Bibigkisin at iipitin--
Naroon akong lagi
Sa madilim na sulok ng puso mo.

Tahimik na nakikitangis

At mag-isang itinatangis
Ang katotohanang hanggang ngayon
Hindi mo man lang nararamdaman

Na ikaw

Nanatiling ikaw

Ang mga pahinang

matagal nang nakaipit sa puso ko.

Wednesday, April 8, 2009

Ang Hapdi Kung Minsan




Ang hapdi kung minsa’y
Humihinga sa dingding. Naririnig
Ang tibok sa langitngit ng papag.

Nakikita sa mga luhang humahaplos
Nanunumbat sa unan at kumot na tinakasan
Ng mahigpit na yakap
Ng alab ng pagmamahal

Pasuray suray itong tumatalon sa bintana
Nakatitig –
Sa ibabaw ng bote ng Fundador.
Tumitisod ng lakas sa mapapait na laway
Na tinatapakan na lamang
Upang doon man lang, maiwaksi ang mga pagsisisi
Ang mga pagdaramot at pagwawalang-bahala

Naglalakbay ang hapdi
Gustong makasumpong ng laya. Ngunit

Saan ko ito hahanapin
Kung di rin lang sa mga bisig mong
Nais ko pa ring balikan.

Hanggang ngayon
Nginig kong hinahaplos ang iyong larawan.

Thursday, April 2, 2009

Salamat Nagbalik Ka

Sa bawa’t simula ng mahamog at inaantok na umaga
isinulat ko sa daliri - sa bintana ng mga sasakyan -
ang iyong pangalan.

Sa paisa-isang pagluwa mula sa bulsa ng puso
ng mga talulot ng panaginip—ng malayang paglipad—
kakapit-kamay ng minsa’y ngumiting nakaraan
sa piling mo, naihatid ko nang sabay ang mga ungol
ng agam-agam at andap-kislap na pag-asa—
doon, sa dambana ng mga ulap-dalanginan

Iniukit kita sa dibdib na kitlin-buhayin ng pananabik-
at dito, hamog ka at niyebeng
di napagmaliw ng matindi mang sikat.

Nakangiting sinuklayan ng pag-asam
ang buhok ng bawa’t kong umaga
Maging ang pisngi na dati’y ipinagkakait
sa kinaiinisang patak ng mahapding niyebe at hamog,
malaya kong naipaubaya at naipadampi. Dahil umasa ako.
At nagbalik ka. Salamat nagbalik ka.

Ikaw — ang kiming dahon na umusbong
sa mga taglamig, tagsibol, at taglagas ng buhay ko.

Wednesday, April 1, 2009

kumpisal

hinihintay na ng lubid ang leeg.

may pangamba sa titig at tingala
ng asong nagtataka.

humihingi ako ng tawad sa aking ina.
pagdating niya
makikita niya ang lahat ng ito:

matigas na katawan
lawit na dila
putlang talampakan

marahil yuyugyugin niya ako
isang beses, dalawang beses
maaaring paulit-ulit

hahatakin ang lubid
sisisihin ako’t tatanungin
ngunit wala na siyang maririnig

mananahimik

maging ang lubid
sa lahat ng nakatakdang maganap

hindi ang kamatayan ang kinatatakutan
kundi ang paglisang wala man lang maiiwan
kundi mga reseta;
said na libreta;
mga gamot na di na masusundan pa

mga pasakit
ng isang walang lunas na sakit

gusto ko lang malaman niya
kahit sa gitna ng pagmumura ‘t pagwawala
dahil sa hirap na binabata,
naroon lagi ang kapanatagan
sa katiyakang
may ina akong di kailanman nagpabaya

hindi ko man nasabi sa kanya
sana’y malaman niya,

mahal ko siya -- mahal na mahal ko siya.