Bumaon sa sandalan ang nangangalay na likod.
Mabagal
kasimbagal ng pedicab ang daloy ng buhay.
Baku-bako
nagbibitak ang itim na aspalto ng lansangan
Naghahanap ang kinse anyos niyang braso
ng kipkip na libro,
o notebook
na may mukha ng mga idolong artista
Sana ang pagdadalaga’y kasing-saya
ng mga naka-unipormeng dalagita
na nasa kabilang-gilid ng kalsada -- binibilog
ang usok ng kabataan sa gitna ng tawanan.
Nguni’t, kasing-ilap ng natitisod na bato
ang tinatahing pangarap –
lumalayo
habang lumalapit ang paa niya, kasama
ng maraming kinse-anyos
sa entrada ng pinapasukang pabrika.
Sa bawa’t lapat ng pintuang bakal,
may katahimikan,
kahungkagang sumasampal…
Realidad. Mundong hindi magkakatulad.
Sa loob
amoy ang nasusunog na langis
ng mga makina at retasong
inaabangan ng karayom at kamay.
Dito niya idudugtong at tatahiin ang buhay.
Bubuuin
tulad ng pira-pirasong telang ginagawa nilang basahan.
Limandaang bilog
na basahan ang tatapusin
bago pa maluwag na makahinga
bago pa magawang
kapain
alisin
ang mga hibla ng sinulid
na kumakapit sa buhok niya.
Wednesday, February 24, 2010
Pagdadalaga
Posted by Verso para Libertad at 4:21 PM
Labels: poems (social relevance)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment