Nang makalapit ako at buksan ang tarangkahan, napansin kong
banayad itong hinahagkan ng naglambiti’t nakayapos na mga dahon-
para bang napakaselan ng kanilang pinag-uusapan—may nais ilihim,
mariringgan sila ng mga anasang pahina nang pahina
habang papalapit ang mga paang sabik sumalubong,
nagmamadali sa paghakbang.
Ang mga dahon, ang tarangkahan—nagbubulungan.
Tila ba nahihiya o natatakot magsalita.
Tulad niya marahil na natitigilan, di-maintindihan
kung magpapa-tao po; akmang kakatok nguni’t
kagyat din namang yayapusin ng pag-aalangan.
Muling bibitbitin ang maleta at iba pang dala-dalahan.
Mabilis na tatalikod at magkukubli
sa sulok kung saan hindi mo siya matatanaw.
Hanggang sa tuluyang lumayo; na para bang natapos na
ang kumustahan, yakapan at masasayang kuwentuhan—
bago pa siya mapagbuksan.
Kasing-sigla ng mga tangkay na muling dinalaw ng hamog,
kaytagal kong pinanabikan ang ganito ka-pribadong mga tinig.
Magaan ang dibdib, pinakikinggan ko at minamasdan
ang mga pagyakap, pagbulong at paglambitin
ng mga dahong naglalambing.
Sa susunod, maingat akong lalapit.
Tulad ng sinag ng papasikat na araw
na humahaplos sa tarangkahan—
tahimik
uulinigin ko ang bawa’t tinig.
--------------------------
17 February 2010
Oran, Algeria
Wednesday, February 17, 2010
Nakikini-kinita
Posted by Verso para Libertad at 2:44 AM
Labels: poems (love and friendship)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment