Sunday, February 14, 2010

Bawa't Umaga sa Piling Niya




Sa bawa’t haplos ng silahis sa sumasayaw na kurtina,
sinusulyapan ko ang mahahaba niyang pilikmata;
hinahagkan ang pisngi, hanggang ang pinid niyang labi
ay dahan-dahang bumuka—sungawan ng tipid na ngiti.

Hindi iyon ang mahalaga, ang mahalaga’y
narito ka:
pabulong kong itinutugon
sa mga tanong niya— kung anong oras na.

Naninibugho ako sa unan. Kapag inaangkin nito at itinatago
ang aliwalas niyang ngiti matapos kong sagutin ang tanong niya.
Gusto kong hatakin palayo sa kanya ang sakim na mga minutong
nagpapatagal sa subsob niyang pakikipagniig - hindi sa aking mga bisig -
sa tuwing wari’y gusto niyang dayain pa ang mga umaga.

Gayunma’y matiyaga kong hinihintay
ang mga pagbangon, ang mga pagsayaw ng itim niyang buhok
na kintab na along naglalaro, tuksong kumukubli sa likod niya’t beywang.
Sa bawa’t paghawi, lalantad sa labing naghahanap ang nagpapakipot na leeg.
Banayad na hahaplusin, kakabisahin ng naglalakbay na daliri ang nakahanay
niyang buto sa gulugod, hanggang muling magising ang alab sa yakap;
tugunin ng titig ang kapwa titig, pagmamahal ang kapwa pagmamahal—
na kaytagal kong inakalang sadyang akin lang

natatapos din pala
maging ang mga walang katapusan

naitatago

sa ngiti

maging ang mga ikinukubli.


------------
14 February 2010
Oran, Algeria

No comments: