Wednesday, February 24, 2010

Pagdadalaga

Bumaon sa sandalan ang nangangalay na likod.
Mabagal
kasimbagal ng pedicab ang daloy ng buhay.
Baku-bako
nagbibitak ang itim na aspalto ng lansangan

Naghahanap ang kinse anyos niyang braso
ng kipkip na libro,
o notebook
na may mukha ng mga idolong artista

Sana ang pagdadalaga’y kasing-saya
ng mga naka-unipormeng dalagita
na nasa kabilang-gilid ng kalsada -- binibilog
ang usok ng kabataan sa gitna ng tawanan.

Nguni’t, kasing-ilap ng natitisod na bato
ang tinatahing pangarap –
lumalayo
habang lumalapit ang paa niya, kasama
ng maraming kinse-anyos
sa entrada ng pinapasukang pabrika.

Sa bawa’t lapat ng pintuang bakal,
may katahimikan,
kahungkagang sumasampal…
Realidad. Mundong hindi magkakatulad.

Sa loob
amoy ang nasusunog na langis
ng mga makina at retasong
inaabangan ng karayom at kamay.
Dito niya idudugtong at tatahiin ang buhay.
Bubuuin
tulad ng pira-pirasong telang ginagawa nilang basahan.

Limandaang bilog
na basahan ang tatapusin
bago pa maluwag na makahinga
bago pa magawang
kapain
alisin
ang mga hibla ng sinulid
na kumakapit sa buhok niya.

Saturday, February 20, 2010

Gunam-gunam Quing Cauran

Adwa cang pulung banwa
y acu labi cung lima
iniang sabyan mung:
ing tune lulugud, makanini ... makanita.


Minagtal cang bulung
caring adalanan tang cuayan—
a antimong alipang sisiclod,
magpuri quing gabun
qng balang tsup ning anging banayad,

at saka mo tiru ding macayagpa,
bala mu mibabayatnan nang sanga ning nara—
padugpa no’t sasayad ding malapad nang bulung
a mumuma caring makayusli nang uyat

macatiman ca, antimong anghel
a migbaba ibat banwa, cabang sisipatan
mong tunggal-tunggal ding mala-kristal
a amug caring balang bulung
a teterac
maquiyalung
qng mapalsinta nang pasyuc ning angin

ala cung ayntindyan caring sinabi mu,
pablasang quing balang quibut ning labi mu
carin la macalawe ring mata cu


cabang babatyon mu'la at panayang
matac at mabalag ding amug —
a banayad cucusad, magbaba
pepaybat caring bulung macapababo
padagusgus caring bulung macapalalam
angga na quing manacbag
at mabalbal la caring
manaya mung palad at canwan

adwa cang pulung banwa canita
at adwa nang pulung cauran ing milabas
agaganaca ra ca pa

ala nang aliwa pang sinta
a mipalili ibat canita.

Friday, February 19, 2010

Rearview Mirror


pasulyap-sulyap
minamasdan niya
ang mga bagay at kaganapan:

may tumatalsik na butones
mula sa blusang naroong tumanggi
naroong magpaubaya;

may laylayang umaakyat
sumusunod
sa hagod at kumpas ng mga daliri;

may pantalong
unti-unting sumisikip,
nakikipagbuno sa nanginginig na kalamnan.

saan nga ba galing ang mahika at lakas niya?
bakit kaya niyang pag-awayin
paghiwalayin ang isang pares ng mata--

nakatitig sa likuran ang kanan,
ang kaliwa nama’y
nakatutok sa kalsada.

pasulyap-sulyap
nag-aabang--
marami siyang nakikita.

Wednesday, February 17, 2010

Nakikini-kinita

Nang makalapit ako at buksan ang tarangkahan, napansin kong
banayad itong hinahagkan ng naglambiti’t nakayapos na mga dahon-
para bang napakaselan ng kanilang pinag-uusapan—may nais ilihim,
mariringgan sila ng mga anasang pahina nang pahina
habang papalapit ang mga paang sabik sumalubong,
nagmamadali sa paghakbang.

Ang mga dahon, ang tarangkahan—nagbubulungan.
Tila ba nahihiya o natatakot magsalita.
Tulad niya marahil na natitigilan, di-maintindihan
kung magpapa-tao po; akmang kakatok nguni’t
kagyat din namang yayapusin ng pag-aalangan.
Muling bibitbitin ang maleta at iba pang dala-dalahan.
Mabilis na tatalikod at magkukubli
sa sulok kung saan hindi mo siya matatanaw.
Hanggang sa tuluyang lumayo; na para bang natapos na
ang kumustahan, yakapan at masasayang kuwentuhan—
bago pa siya mapagbuksan.

Kasing-sigla ng mga tangkay na muling dinalaw ng hamog,
kaytagal kong pinanabikan ang ganito ka-pribadong mga tinig.
Magaan ang dibdib, pinakikinggan ko at minamasdan
ang mga pagyakap, pagbulong at paglambitin
ng mga dahong naglalambing.

Sa susunod, maingat akong lalapit.
Tulad ng sinag ng papasikat na araw
na humahaplos sa tarangkahan—
tahimik

uulinigin ko ang bawa’t tinig.



--------------------------
17 February 2010
Oran, Algeria

Sunday, February 14, 2010

Bawa't Umaga sa Piling Niya




Sa bawa’t haplos ng silahis sa sumasayaw na kurtina,
sinusulyapan ko ang mahahaba niyang pilikmata;
hinahagkan ang pisngi, hanggang ang pinid niyang labi
ay dahan-dahang bumuka—sungawan ng tipid na ngiti.

Hindi iyon ang mahalaga, ang mahalaga’y
narito ka:
pabulong kong itinutugon
sa mga tanong niya— kung anong oras na.

Naninibugho ako sa unan. Kapag inaangkin nito at itinatago
ang aliwalas niyang ngiti matapos kong sagutin ang tanong niya.
Gusto kong hatakin palayo sa kanya ang sakim na mga minutong
nagpapatagal sa subsob niyang pakikipagniig - hindi sa aking mga bisig -
sa tuwing wari’y gusto niyang dayain pa ang mga umaga.

Gayunma’y matiyaga kong hinihintay
ang mga pagbangon, ang mga pagsayaw ng itim niyang buhok
na kintab na along naglalaro, tuksong kumukubli sa likod niya’t beywang.
Sa bawa’t paghawi, lalantad sa labing naghahanap ang nagpapakipot na leeg.
Banayad na hahaplusin, kakabisahin ng naglalakbay na daliri ang nakahanay
niyang buto sa gulugod, hanggang muling magising ang alab sa yakap;
tugunin ng titig ang kapwa titig, pagmamahal ang kapwa pagmamahal—
na kaytagal kong inakalang sadyang akin lang

natatapos din pala
maging ang mga walang katapusan

naitatago

sa ngiti

maging ang mga ikinukubli.


------------
14 February 2010
Oran, Algeria

Wednesday, February 10, 2010

Mga Hakbang Pabalik

----------





sa pagtugpa sa dalisdis
kung saan kami nagsimula
ikinukuyom ako ng mga bagay na di-makuyom;

gayung nakatitig,
may nais pang tuklasin
ang mga matang tumatagos

marahil
may mga itim na sugat ding hinahaplos
ang kaibuturan ng gulod na iyon
na nagtitiis sa mga iwing lapnos

walang kahulugan ang mga silahis
ng dapithapon sa nakayukong mga sanga
maglagos man ang mga ito, yumakap man
sa di-maghilom na mga sugat,
itatanggi ng dibdib ang anyaya ng ngiti

dahil kung itataas man
wala nang kamay pa ng pagsalubong
na tutugon
sa mga kaway ng pagdating

ang narito’y mga halik sa pisngi
ng naghintay at napagod na hangin.








--------
10 February, 2010
Oran, Algeria

Wednesday, February 3, 2010

Awit ng Kastilyo





Nakayakap sa ininsensong unan,
madaling-araw kung maghintay ang kagandahan

sa sinag ng papalapit na mga sulo,
sa sabik na yabag ng mga pagdating.

Lumalagos sa bintanang nakaawang, ipinaririnig
ng nagdiriwang na gabi ang masasayang tinig.

Malalalim na sugat ang nililikha
ng bawa’t yakap ng pagsalubong;

pakiramdam niya’y lumalatay sa pisngi
ang halik ng bawa’t sinag na hindi para sa kanya

Sa iba, sa iba nakalaan ang nasasaid niyang mga luha
ang mga walang sulo, walang yabag niyang paghihintay.

Nakatitig,
may naaninag siya sa dilim—

pabaligtad na nakasabit ang sampares na bota
sa likod ng puting kabayong dumarating.



---------
3:15 PM
Sa Guhong Kastilyo ng Mostaganem
Mostaganem, Algeria