Saturday, June 20, 2009

Saxifrage

binibiyak mo ang matitigas
at malalaking tipak ng bato

kumakapit, lumulusot
sa bawa’t gasgas at gatla
ang mga ugat mong tumutunaw
sa mga iwing hinawa, tigas at pagkamanhid

sa ibabaw nila, bumubukad
ang mga talulot mong nakatitig sa araw
habang sumasayaw, naglalambing sa hanging
kayakap mo’t kaulayaw

natatangi ka sa lahat.

wala na sana akong dapat pang hintayin.
wala na sanang iba pang iibigin.

sayang nga lang at ikaw
ay sa maling bato nakatanim.

Sa Likod ng Bahay

Atin-atin lang.
Sa inaagiw na bodega, sa likod ng bahay
Nakatambak ang luma kong laruan:

eroplanong walang pakpak, espadang di na umiilaw;
kotseng walang gulong, mga kalawanging tansan
patid-patid na tirador, walang gatilyong baril-barilan,
trak-trakang tinapakan, yupi-yuping robot—
walang ulong kukutusan, walang mukhang masasampal.

Kumapal na ang alikabok
na nakakulapol sa mga ito.

Hindi ko na sila tinitingnan.
Ayaw ko na silang tingnan.

Tuesday, June 16, 2009

Tikom

Kagat-kagat niya, sapul pagkabata,
Ang isang pilak na kutsara

Labas-masok ang buhay
Sa mga pintuang
Kung magsara man ang isa
Buong-ningning, buong siglang
Nagbubukas ang dalawa

Kagabi, niyugyug ako ng mga buntung-hininga;
Ng nanlulumong paglingon at pag-iling

Kasingputla ng humpak niyang mukha
Ang nilandas niyang kahapon,
Na sinanay at sinayang sa rangya.
Sa isang bulagsak na paniniwala

At ngayon
Kinukutya siya ng pag-iisa

Marahang humahaplos
Ang kulimlim
Sa pikit niyang mga mata

Walang bukas na pinto.
Isa mang bintana’y wala.

Ang narito’y pangalan niya

Nakaukit

Sa itinatakip na lapida

Sunday, June 14, 2009

Indulhensya




Nilalapirot na mumo
sa hinlalaki’t hintuturo ang mga siphayo.

Ang takda—gumugulong,
umiinog na labirinto
ng mga walang sagot na tanong

Kaibigan niya ang Nazareno (yun ang sabi niya)
Kaakbay sa luhod-lakad na litanya
ng rosaryong nalilipasan ng gutom;
ng agua-benditang tila-ulang sinasahod
upang pagmulat, pasuray-suray ding humanap
ng pantighaw -- tubig na maiinom.

Sa bangketa ng Legarda, uupo
isasandal ang katandaan. Iuugoy ng umuusok
na tambutso ang mga singhap; at doo’y hahanapin
hindi sa dasal, kundi sa baryang inilalaglag
ng mga nagmamadaling nilalang ang mga ulyaning pangarap.

At habang pinagugulong sa lalamunan ang butil-butil na asam,
tila kuwadradong yelo ang mga ito, kumakalansing,
nilulunod sa alak
sa loob ng mga nagpipingkiang kopita ng kapangyarihan
sa kabila ng tulay -- sa ilog ng paghihiwalay.

Samantalang silang mga pinahiram ng poder
ay palalong nagdiriwang,
kasama ng diyos (na kaniyang kaibigan),
nilalapirot na mumo sa hinlalaki’t hintuturo
ang tiklop-tuhod na pag-asa
sa piling ng barya-baryang mga habag
na kasama niyang nalalaglag.

Tuesday, June 9, 2009

Pulandit

Kagandahan
ang tawag sa kamay na pumipiga
ng malagkit na basahang
humihiram ng puri, ng kalinisan
sa lumiligwak na tubig sa timba

Alikabok akong nahandusay
sa semento ng pangungulila.
Naghahangad ng hagod at lunoy.

At kagandahan ang hatid ng mga biloy na iyon sa pisngi,
ng kambal na sungaw ng animo’y nakataob na tasang puti.

Ninais kong tangayin na lang ng hangin,
lumayo. Nguni’t sa tuwina’y hangin din
ang bato-balaning nagbabalik sa akin
sa sulyap-titig na mga ngiti,
sa nahihiyang mga pagbawi

Katulad ng mesang
dinidilaan ng maruming basahan,
pinupunan ng kasalanan
ang mga puwang.

Nginig na inilulugso
ng pagnanasa ang katinuan
Upang paulit-ulit,
pukawin ng sikdo ang himbing na gabi

sumibsib at magtampisaw
sa tubig na naghihintay.

Friday, June 5, 2009

Kapag di maisulat-sulat ang tulang nagpapaumanhin

itinutulak ng mga sinag
ang puyat na gabi

buntung-hininga naman ang nagtataboy
sa lamyos na anyaya ng pamimigat

ng talukap – napaka-ilap. kasing-ilap
ng antok ang mga salitang pilit na inaapuhap.

hindi ang may bahid-tintang kamay

lalong hindi ang mga humihikbing daliri
ang aayon sa mata.

kung tinatapyas man ng naglalagos na silahis,
itim na balabal din lang ang parisukat
na dingding—nakayapos sa ulilang kama.

parang mesang nabibigatan
sa buhat-buhat nitong iilang kataga
naghihintay
sa tunghay ng mata. sa daloy ng diwa
ngayon.
hindi bukas o mamaya

asul na kamay--
sa magdamag ay pluma’t papel ang kaulayaw

wala nang palad
na kadaop

na magpapabaga sa pluma
upang dumaloy ang mga letrang
kasinglinaw ng hamog

na huhugas

sana

sa
mga
sugat
na
nalikha

Campus LQ

sinusuhayan ang hinanakit
ng mga ismid
ng kawalang-imik
sa mahabang upuang
nililito ng dalawang tao—magkatalikod,
nakaupo sa magkabilang dulo

kung bubuksan mo lamang
ang aklat na nasa iyong kandungan
makikita mo ang nakaipit na liham. pero
mukhang hindi ka naman interesadong malaman
kung ano ang nilalaman

mas gusto mo pang titigan, tanggalan
ng dahon ang nakayukong santan
na nasa iyong harapan

panis na laway,
paang pinapapak ng langgam,
imikan mo pa kaya ako?

hindi ko alam.

itatanong ko pa sa langaw
na dumapo sa gilid ng aklat

galit ba ako sa iyo? hindi mo na rin malalaman
hindi mo naman kasi siya pinakikinggan

lumipad na siya at ngayo’y umaali-aligid
pumapagaspas, at bumubulong sa tenga mo

kagagaling lang niya dito
bago lumipad, patungo sa iyo

mabuti pa ang langaw, nakikinig
ramdam ang pahiwatig
sa mga naipong buntung-hininga

sa nagsusumamong titig.

Wednesday, June 3, 2009

Pag-aahit

nasa harap ng salamin
iniisip kita:---

may patay na lamok-
nakadikit sa pader
at itim na ang dugong
natuyo at nagmantsa

parang bahid sa alaala
ng isang kahapong
lumabis sa tamis,
nauwi sa pakla.

kaytagal kong nilimot
may buhay din pala akong dapat harapin.

kayginhawa ng pakiramdam
sa unti-unting pagkaputol
at paglaglag
ng bigote at balbas—

inilulusot
ng tubig-gripo
sa butas ng lababo.

Pagkatapos ng Sulak

Parang utak lang na nahulog,
nagpagulong-gulong
pababa sa hagdan,
heto ako ngayon—nakaupo sa isang baitang.

Kalmado
pagkatapos ng makapatid-litid na pagpupuyos.

Matapos ang sulak,
ang bayolenteng pagbabasag,
tumatapik ang kapanatagan

Parang heringgilyang
nagsasalin ng bagong dugo--nagpapakalma

Pagkatapos mailabas
ang lahat-lahat,
tulad na ako ng barkong
nangingilid sa mga isla--
matapos salungain ang unos
sa gitna ng dagat.

Bumabalik ako
sa banayad na paghaplos
sa puti
at kumikintab
na mga peklat.

Tuesday, June 2, 2009

Sa Panaginip Ko

Nananaginip din ako
at tulad ng iba, ang lahat,
itinuturing lang na panaginip.

Kusot sa mata
sa gusot na ulirat.

Mga litong pag-apuhap
sa dilim
na kinasanayang salatin.

Tulad kagabi,
nakatindig ako rito.
Tinatanaw ang ulap.

Nakikiiyak
habang sinusukat ang dami ng kanyang luha,
ng aking luha -- sa tumutulong damit.

Tinitimbang ng talampakan
ang bumibigat na katawan
sa naipong tubig-ulan sa loob ng sapatos

Sinusukat ang pagitan
ng simula at hanggahan
sa himulmol na sumabit sa gilid ng sombrero—
na isinasayaw ng hanging
naglalabas-masok sa ilong ko.

Nanaginip ako
at sa panaginip ko’y
ayaw ko nang muli pang managinip.

Hardinero ng Pag-ibig

sapagkat ikaw ang aking pinakatatangi

hindi kita aagawin
o pipitasin sa tangkay

upang isabit sa leeg
gaya ng isang sampagita.

manapa’y

itatanim ko

ang aking sarili

upang yumabong

sa iyong tabi.

Monday, June 1, 2009

Nakagapos na Makata

sa dami ng mga batong
marahas na ipinukol
at walang-tigil na ipinupukol
sa iyo,
gahibla mang takot at panginginig,
kirot o sakit,
wala ka nang maramdaman.

hindi na hukay
kundi isang matayog na pader-
kanlungan ang iyong kinalalagyan.

salamat sa pagkutya,
sa mga upasala--salamat
sa kanila na nagtayo nito.

sana
minsan man lang sa buhay nila,
makaramdam sila ng habag,
ng sundot ng konsiyensya,
ng malasakit sa iba, mula sa mga titik
ng iyong plumang
katubusan ang iniluluha.

salamat sa kanila
mula riyan ay una mong nakikita
ang sikat ng araw sa umaga

maging ang huli nitong silahis
na humahaplos,
umaalo
sa sugatang dibdib

tulad doon
tulad noon,
sa durungawan
ng kaluluwa mong pagal,
dumadapo, umaawit ang mga ibong
tumutuka sa iyong palad

sa mga tula
na hindi mo na magagawang tapusin pa,

hayaan mong ang mga daliri
ng nagsisiawit na musa’t diwata,
ang patuloy na sumulat at humabi ng kataga – para sa iyo.

Sapagkat Matagal Ko na Siyang Natitigan

di ko man lang naramdaman
ang hapdi

gayung dumudugo na
ang palad
dahil sa nakabaon niyang mga tinik

at habang paisa-isang
bumabagsak
ang mga talulot sa damuhan

hanggang sa tangkay na lang ang naiwan,
hinihila naman, pabalik,
ng mata ang nangingilid na luha

bakit nga ba?

laging nauuna
ang pagluha sa papalayong kaway

mabigat ang paa
hindi ko kaya.


---------------------------
June 1, 2009, Oran, Algeria

Pagsasalong

Nakasabit ang riple
sa dingding ng pagkapagal

May sunog na pulburang
namumuo, tumitigas sa barrel
at sa gilid ng puluhan.

Nagsusupling ang gagamba
sa madidilim nitong sulok. Naglalambitin
sa pilak na sapot na kanyang nalikha

Habang ang gatilyo’t asintahan
ay pataksil na kinakain ng kalawang

Walang kamay
walang langis at basahan na dadalaw man lang.

Mananatili siyang nakasabit—
Naghihintay.

Aasa ng pagbanggit
sa pinagdaanang pait, dusa at kagitingan
sa gitna ng pag-aalinlangang nilunod ng mga punglo

habang ang gagambang nagduduyan
ang kanilang pinapupurihan.