Sunday, May 31, 2009

BROWN-OUT

Mula rito sa bintana
tanaw ko ang tatlong ibong
patalon-talon sa may buhanginan

Lumipad ang isa
At ang isa pa. Isa na lang ang
natira.
Lumipad na rin ito, ilang sandali pa.

Ang monitor ng computer ko’y
parang lapidang pininturahan ng itim.

Brown-out pa rin

At wala akong magawa
kundi ang tumanaw
at pagmasdan ang mga ibong
lumilipad
dumadapo
lumilipad
dumadapo
sa may buhanginan .

Wala lang.
Baka lang intresado kayong malaman.

Believe Him

Believe him when he says
your cheeks are so smooth
as the white tiles in his bath tub
even if they’re like shoes
waiting for a scrub

Believe him
when he whispers into your ears
your hair is soft as the gentle wind
even if the birds themselves
won’t stand the smell it brings

Believe him
when he shouts on top of his lungs
your beauty is akin to a morning sun
even if you look
like a worm-infested apple
left alone in a fruit stand

Believe him
‘coz for godsake
you tend to believe his lies
Everytime. Everytime
( tanga! )

Wednesday, May 27, 2009

Nangungulila




Ngayong gabi, habang aking binabaybay
ang di-makatulog na dalampasigan ng Oran,
tutunghayan ako ng buwan.

Tititigan ko siya
habang tulad ng salamin, ipakikita niya, minsan pa,
ikaw at ang ating mga anak—

magkakatabi sa pagtulog,
nasa gawing paanan mo na ang bunso nating si Chezka,
hawak-hawak pa rin ang said na bote ng gatas. Mabuti na lang
nasa gilid ng kama at nakaharang si kuya, habang tulad ng dati,
nakaangkla ang kanang binti niya
sa kaliwang binti ng ating pangalawa.

Ngayong gabi
muli kong tititigan ang buwan
habang unti-unti niya kayong inilalapit,
kasing-lapit ng paglapat ng labi ko sa labi mo,
upang tulad ng mga nagdaang gabi, payapa,
nakangiting mahihimbing
sa balikat ng Algeria
ang antuking sabdibisyon ng Palmera.


--------------
9:30 p.m / Seaside (Mers El Hadjadj)
Wilaya D’Oran, Algeria

Saturday, May 23, 2009

Sa Buhay Na Ito

Nakipila ako.
Maayos ang usad, isang diretso
at mahabang hanay ng mga tao.

Tinanong ko
ang matandang babae na nasa aking harapan:
Bakit po tayo pumipila? Ano po ba ang mayroon dito?

Pumipila tayo
upang muling makipila pagkatapos nito.


Naguluhan ako.
Naisip kong kalokohan ito.

Ang sabi ko sa kanya:
Lalabas na lang po ako.

Tinitigan niya ako-

May pila rin, iho, kung lalabas ka rito.

Wednesday, May 20, 2009

EDSA (one, two, three, four, five...and so on)

Nakangisi pa kayo at nagtatawanan
habang magkakatuwang ninyo akong itinulak sa putikan
matapos pasakayin
sa umaalingasaw na kariton ng inyong kababuyan!

Kapwa Pilipino! Kapwa-mahirap!

Kung di lang sana nakasubsob sa lusak ang ating mga mukha
kung di lang sana natin pakalmot na iginagapang ang mga kamay
sa lubluban ng pagkatuso at pagkakanya-kanya,
disinsana’y kinakabog natin ngayon ang mga usling dibdib;
Hindi sana nakayuko
tulad ng mga uhaw na sanga ang ating mga ulo.

Ambisyon ang siyang lason! –
na pumupuno sa baso ng pagkaganid.

Anong dangal pa ang makukuha
sa mga hungkag na talumpati,
sa mga kuyom na kamay
na ilang ulit na nating pinagbuklod,
kung lagi at lagi
napapailing tayong lumilingon at nanghihinayang,
dahil tayo rin ang tumitibag sa mga pundasyong itinindig natin sa dugo.

Kunsabagay, retasong nakadugtong
sa laylayan ng bawa’t tamis ang pait
at tuwina, sa pait lang nauuwi ang lahat.

Marahil nga
Pakanan man o pakaliwa
Padausdos man o paahon--

Hindi masamang mangarap.

Tuesday, May 19, 2009

Isang Uri ng Awit

Huwag bulabugin ang ulupong
na sa kanlungang sanga'y
nakapulupot
nakadila
hayaan siyang mag-abang
ng kanyang masisila.

Itulad siya
sa taludtod ng tula
sa mga salita— banayad nguni’t kagyat
May talas, may pangil ang kataga.
Tahimik na naglalamay.
Matiyagang naghihintay.

Sa himig, imahe at anyo
hayaang pag-isahin ng tula ko
ang tao at bato. Gumuguhit ako—
maso’t karit—
sandatang pamatid
sa tanikalang nasa leeg.

Thursday, May 14, 2009

Maharishi*

Ulit-ulitin ang mantra: Ihiwalay
Ang sarili sa katawan, ang katawan
Sa konsiyensya. Lumipad!
Lagpas sa ikapitong langit;
Iwan sa lupa ang mga paano at bakit.

Doon, ikaw lang. Wala ang sarili.
Hindi mo itatanong
Kung paano sinilip ng punglo
Ang bungo ni Ronnie,
Kung ano ang dahilan
Bakit sila nagrarali.

Doon, hindi mo maririnig
Ang tawaran sa laman—
(dos mil, sanlibo, sige
limandaan -- pangmatrikula lang)
Sa Burgitos;
Sa gilid ng CAS Quadrangle;
O saanmang sulok
Na may nakikisinding anghel.

Pumikit! Maglakbay!
Lumipad ng magaan.

Ihiwalay, ang sarili sa sarili
Ang konsiyensya sa katawan…

Saka mo sabihin, pagmulat,
Na wala ka ngang nararamdamang bigat.




****************************

*from Pocket Oxford Dictionary
Maharishi – n. (pl-s) great Hindu sage (wise man) practicing transcendental meditation.
Transcendental Meditation (n.)-method of detaching oneself from problems, anxiety etc., by silent meditation and repetition of a mantra.

Wednesday, May 13, 2009

Muli

Nagkalat na bubog, hangga’t maari
iniiwasan kong muling masugatan ng mga alaala mo—
hanggang ngayon, magkahawak-kamay
at paulit-ulit akong dinadalaw ng mga tawanang
binihisan ng putik sa pinitak. Napapasikdo ang dibdib
tuwing maaalala na minsa’y magkayakap tayong nabuwal
sa nagbubuntis na mga palay habang patiyad na inihahakbang
ang laking-Maynila mong mga paa —sa pilapil na ito
na tumutugpa sa dampang binabantayan at inaawitan ng agos.

Natuyo na ang sapa: Walang maghuhugas sa mga pilat
na nabahiran ng putik. Higit nga sigurong malamyos ang awit
ng hanging-lunsod kaysa tinig ng amihang nagpapasipol sa mga pipit,
gaya ng huling sinabi mo.

Ito ang ulilang mga hakbang na sa tuwina’y
bantulot kong simulan. Hahakbang ng mabilis
sa una. Tatalikod -- para lang muling pumihit.

Tinatakpan at ayaw papasukin ng malalabay na sanga
ang ngiti ng araw. Kung alam lang sana ng pikit na dampa
ang kumakatok na sinag, marahil nakangiti nitong bubuksan ang kanyang pintuan

gaya na lang ng pusong paulit-ulit na binubuksan,
tinatanggap pabalik
ang mga pangakong
muli . . .
muli . . .
muli at muli rin namang pinakakawalan.

Wednesday, May 6, 2009

Stripteaser



Ramdam ko ang sumbat
sa iglap mong mga sulyap

Nakapiit ang sakit
ang suklam—hindi sa akin

Nagpapatotoo
ang iling at pagpaling
ng pisngi mong
pilit ikinukubli
ang natak na luha.

Nais mong isipin kong
iyan ay luha ng pananabik.
Hindi ng galit.

Paulit-ulit mong kinukumbinsi
ang sarili
na di ka maaring saktan
ng totoong ako

Na abala lang ako
sa mga gabing ang tumutugon
na lang sa iyong mga titig
ay ang tinatago mong mga lihim:

damit pansayaw,
dildo sa loob ng kahon,
gestex at cytotec—
mga lasing na halakhak
ng umiindak mong lumipas.

Kung sadya ngang wala akong
kasalanan,

bakit?

ano ang dahilan ng mga luhang iyan?

Sayaw sa Bote

Sa bawa’t pag-akyat
At pagdausdos

Sa rurok
Ng mailap na tulog

Sa mga gabing
Tumititig ako sa kamatayan

Habang pilit na nilulunod
Sa alak
Ang nagtampong nakaraan,

Naroon ka
Sa loob ng bote —

Nakangiting nagsasayaw.

Tuesday, May 5, 2009

Sidhi

May pitlag at sikdo sa mga pagdating
maging ito ma’y sa gitna ng pag-asam
sa mga inaasam.

Nginig at nasa ang hatid
nang paisa-isa at mabagal na pagkalas
sa mga butones ng kanyang blusa
ng estrangherong iyon -- sa silid na iyon
ng salimuot niyang paghahanap
kung saan itinitihaya’t inilulugso
ng kasabikan ang mga agam-agam

Sa labas, hinuhubad ng taglagas
ang mga suot nitong dahon;
Tila saplot na ibinababa
mula sa umiimbay na balakang
hanggang sa tumitiyad na sakong.

Aalpas kapagdaka
ang kayumangging halina
Titiklop
Liliyad ang sidhi

laman
sa
laman

labi sa labi.

Monday, May 4, 2009

Hanggahan


Nasa dulo, sinusukat ko ang lapit at layo
ng buhay sa pagpanaw – dito

sa bundok na tila ba nanunudyo
tumatawa, sumasabay sa hagikgik
ng malalabay na punong
isinasayaw ng hangin sa kanyang bumbunan.

Nakahilig, itinatampisaw
ng imbing bundok ang kanyang talampakan
sa banayad na halik ng ilog
na sa kanya’y aliping humuhugas, nagpapadalisay

Nananalamin siya sa kristal na tubig
sinisilip ang mga isdang nakikitangis—
isinasanib ang mga luha sa hampas ng alon.

Gabi-gabi akong nakikinig sa iyak ng ilog.

Sabay sa tangis, sumisidhi ang kirot.

Naririnig ko ito sa bawat pintig
ng nakasabit na orasan, mga pintig
na nagiging pihit sa pintuan,

banayad na kaluskos
sa banyo,
sa kusina,
sa mesang kainan

buntung-hininga
sa bilog na usok ng sigarilyong
nakikihalik
sa kisameng kaniig ng yerong bubungan.

Wala nang halaga pa ang kirot.

Maging ang anupamang maiaalay
na aliw ng ilog -- kung mayroon man.

Kahit pa ang sandaling pag-ibig
na minsa’y
humaplos at dumalaw
sa papaikli kong buhay.

Ang higit na mahalaga
ay ang nakasandal sa dingding
na mga paghihintay. . .

Sa ganito ako isinilang. Sa ganito ako nakalaan.

Sa pamumulot
ng mga talulot na napipigtal

sa hardin ng pagpanaw.

Saturday, May 2, 2009

Hinggil Sa Kamatayan




Makikita siyang sumasayaw
nagpapalipat-lipat at patiyad-tiyad
sa nangakatirapang libingan

Sa loob niya’y mga buto’t bungong
sinusuyo
ng sundot, ng kiwal, ng gapang.

Sumusuot siya sa dilim
katulad ng diwang walang masulingan
hindi alam ang hangganan—kung saan patungo
ang sinusundang lagusan.

Sumasakay siya sa pighating alon
gaya ng bangkang sinasalunga ang dahas
walang humpay na sumasagwan
matagpuan lang ang pinanggalingan.

Hilakbot siyang gumagapang—

mga tangis at alulong
na naririnig nguni’t di alam kung nasaan

mga kampanang
sabay-sabay humihiyaw
sa kaliwa, sa kanan, kung saan-saan

hangin
ang ginagawang sumbungan.

Kung minsan
makikita itong namamasyal
sa mga kabaong na nagsisilutang

humihimpil sa putla’t hubad
at naliligo sa dugong mga katawan—

sabay-sabay silang nagpapatianod
padausdos sa lawa ng katahimikan.

Katahimikan lang ang alam nitong tinig

na inihahatid ng impit niyang mga hikbi
sa mga gabi ng luksang palahaw
sa kinakaladkad niyang yabag
ng sapatos
na walang talampakang nakalulan.

Lumalakad siya
kagaya ng barong at pantalon
na iniwanan ng katawan

Kumakatok sa mga pintuan
gamit ang singsing
na pinagtampuhan ng daliri’t kamay

Nagpapakupkop
animo’y nagsusumamong sigaw
Walang bibig, walang dila, walang lalamunan.

Lumalapit siyang katulad ng walis
Tumitipon sa nangagkalat na kalansay

Nasa loob siya ng walis
sapagkat walis din ang dila ng pagpanaw—
humahaplos at humahalik sa mga gutay na katawan.

Siya ang mata ng karayom
na matiyagang naghihintay
sa pagsuot ng mga patid na sinulid ng buhay.

Nasa paligid,
kung minsa’y nakaakbay

katabi lang ng buhay ang kamatayan.

Friday, May 1, 2009

Isang Leksyon sa Pagpapahalaga sa Sarili



Walang magpapahalaga sa iyo.
Malibang igapos mo at gawing hostage
ang lahat ng empleyado ng recruitment agency
na nanloko sa iyo, sa paniniwalang
ito ang kahulugan ng salitang TABLA

Walang magpapahalaga sa iyo.
Maliban kung agawin mo ang isang school bus
at magbantang pasasabugin ang mga musmos
na nasa loob, sa paniniwalang
ito ang katumbas ng salitang EDUKASYON

Walang magpapahalaga sa iyo
Maliban, kung dahil sa lipas ng gutom, akyatin mo
ang tuktok ng isang billboard sa EDSA, at doo’y
pakaway-kaway na magtangkang tumalon
sa harap ng nagigimbal at nakatingalang mga tao
sa paniniwalang
kapatid ng kawalang-pag-asa ang KATAPUSAN

Walang magpapahalaga sa iyo
Malibang magtanim ka ng granada’t bomba
sa lobby at parking lot ng kongreso
sa paniniwalang ito ang selyo
at lagdang magbibigay kahulugan
sa mga salitang KURAKUTAN at PANLILINLANG

Walang magpapahalaga sa iyo
Malibang buhusan mo ang sarili ng gasolina
at ikaskas ang palito sa gilid ng kahon ng posporo
sa ibabaw ng tulay ng Mendiola. Sa paniniwalang
ito ang dapat itawag sa salitang PROTESTA

Walang maniniwala at magpapahalaga.
Kailanman ay wala.

Malibang pahalagahan mo muna at paniwalaan ang sarili.

At tulad ng lahat, makita ang pinag-uugatan ng lahat ng ito,
maniwala,
na sa sama-samang pagkilos

may mararating ang salitang PAG-AAKLAS.