Sunday, May 4, 2008

tapik sa balikat

Kung ang bawat pag-ibig ay tulad ng harding
puno ng bulaklak, paraiso sana ang lahat.
Maging ang mga tutuldok ng pait at hinagpis
Na binabakas sa mga wakas, kayang gawing tuldok,
Maituturing na ganap.

Wala na lang sanang dapat hintayin.
Makalilipad, disinsana, ng may ngiti at magaan

Kasing-gaan ng mga pagaspas
At pagpapalipat-lipat ng paru-parong
sumisimsim ng nektar sa mga talulot
At ubod ng kumakaway na bulaklak.

Wala na lang sanang pait na iniiwan
ang mga paglisan. Wala ring panghihinayang
sa iningatang tamis ng bawat lumipas

Walang luhang mababakas sa mga mata
na di man lang maiharap sa nakikiramay mong titig.

Masarap maramdaman ang marahan mong tapik
sa mga balikat; mga tapik ng pag-aalala at pagsisikap
na ipadamang nariyan ka lang,
handang dumamay -- laang maghintay.

Sana, dumating ang panahong
maititig ko rin sa iyo ang aking mga mata;
Panahong ako naman ang magpapasaya,
Ang magpapahid sa iyong mga luha

Sana ang paglimot ay matutunan ng puso
at maampat ang luha sa mga matang namumugto;

Masumpungan
ang daan papunta sa iyo

Maramdaman
kung gaano ka kahalaga

Bago ka pa mapagod.

Bago ka pa mawala.

2 comments:

Jared Richard Uy said...

kasapi ka sa KAmakatahan? emanila.com? la lang.. :)

nice poem!

Verso para Libertad said...

To freakazoid: salamat sa pagdalaw at sa komento. kasapi ako ng KAMAKATAHAN, pero hindi sa emanila.com.
thanks ulit.