sa panahong ibinubuhol ko
sa apat na dulo ng kumot ang kawalang-tulog,
dinidilaan
ang bloke ng yelong
kayakap ko sa madaling araw,
inilulublob
ang daliri ng panaghoy
sa tasa ng kape,
sa tinutunggang vodka at lemonada,
tinapik mo ang aking balikat.
sa panahong maging ang lumbay na alon
sa pampang ng mga dapithapon
ay ibinubulsa ko sa mga ungol
sa mga impit na taghoy,
hinagkan mo ako sa labi at hinipan sa tainga.
kaytagal kong naghintay . . .
. . . dumalangin
sa pakpak ng anghel
na kakapitan at pagtataguan sa bugso ng hangin.
salamat dumating ka .
ang anghel
na aking hinihintay,
ang dahilan
kung bakit binabati ko ngayon,
ng may ngiti,
ang bawat umagang sumisilay.
Friday, May 23, 2008
aking anghel
Posted by Verso para Libertad at 3:34 PM
Labels: poems (love and friendship)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
syimpre ito ang pinaka gusto ko sa lahat. :)
Post a Comment