Monday, May 5, 2008

Damdaming Ina

Ang isang anak na nawalan ng magulang ay tinatawag na ulila.
Balo o byudo naman ang tawag sa isang lalaking nawalan ng asawa.
Pero ang isang inang nawalan ng anak…ano ang tawag natin sa kanya?
Walang tawag sa mga tulad nila. Wala.

Wala kasing salita na makapaglalarawan sa sakit na nararamdaman ng isang ina na nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang anak. Lalong walang salita at katagang maaring maglarawan sa isang ina na patuloy na naghihintay at umaasa na sana’y makabalik ng ligtas ang anak nyang dinukot at naglaho na lamang na parang bula.

Paano mo nga ba papayapain ang loob nya? Anong angkop na salita ang makapagpapalubag sa naninikip nyang dibdib? Paano nya ipapanatag ang isip nya kung di man nya batid kung magpapadasal na ba sya o magtitirik na ng kandila o patuloy pa rin syang aasa na isang gabi’y kakatok na lamang ang pinakamamahal niyang anak na parang walang anumang nangyari.

Sasapit na naman ang gabi. Wala pa ring kumakatok. Maghihintay siya at maghahanap sa gitna ng kanyang mga hikbi at pagluha.

Baka-sakali….

Baka-sakaling dumating sya.

Baka-sakaling buhay pa ang anak niya.

1 comment:

Anonymous said...

may napanood akong pelikula ni vilma santos na ganito. (o yung special episode ng maalala ala mo kaya..)

kamakailan lang, kinuha sa amin ni Lord ang anak ng hipag ko.. 2 buwan pa laman to sa kanyang sinapupunan. talaga namang kay sakit. paano pa kaya kung ako ang nasa sitwasyon nya? :(