Thursday, May 29, 2008

...goodbye



saan ko nga ba huhugutin
ang ngiti sa salitang ito -

na di man lang naidampi
ng labi mo sa labi ko?

ano ang ‘good’
sa katagang ito -

na ibinulong

ng pula mong lipstick

sa salamin ng tokador?

Monday, May 26, 2008

3:00 Habit

It used to be 6, and now
3
beeps to alarm me
at exactly 3:00
just about the time
when Charlie plays
hide and seek with
the strange Emily

Demons come alive at 3:00

They possess…

It possesses me.

This time this demon is sweet.

Somebody has to exorcise me.

Friday, May 23, 2008

aking anghel


sa panahong ibinubuhol ko
sa apat na dulo ng kumot ang kawalang-tulog,

dinidilaan
ang bloke ng yelong
kayakap ko sa madaling araw,

inilulublob
ang daliri ng panaghoy

sa tasa ng kape,
sa tinutunggang vodka at lemonada,

tinapik mo ang aking balikat.

sa panahong maging ang lumbay na alon
sa pampang ng mga dapithapon

ay ibinubulsa ko sa mga ungol
sa mga impit na taghoy,

hinagkan mo ako sa labi at hinipan sa tainga.




kaytagal kong naghintay . . .






. . . dumalangin





sa pakpak ng anghel
na kakapitan at pagtataguan sa bugso ng hangin.


salamat dumating ka .


ang anghel
na aking hinihintay,

ang dahilan
kung bakit binabati ko ngayon,

ng may ngiti,
ang bawat umagang sumisilay.

Sunday, May 18, 2008

Babae sa Sapatos

Tinatapakan ng suot kong sandalyas
Ang tinatambol kong dibdib - ngayon

Bakit naman ngayon pa! Kung kailan
makakaharap ko na siya at makikita ng malapitan

Mula sa silyang kinauupuan, tumatagos
Ang tingin ko sa istante ng mga sapatos

Habang pinagmamasdan
ang indayog ng kanyang balakang.

Kasabay ng pagbuklat sa kahon
Ang halimuyak ng paglapit

Nakakalito. Nalilito
Maging ang tila nagja-jack hammer kong tuhod

Hindi ko tuloy alam
Kung alin nga ba ang gusto kong sukatin

Ang tayug ba ng dibdib at bilog ng hita niya
O ang Chuck Taylor na isinusukat niya sa aking paa?

Sigurado ako,
Gusto ko yung sapatos--kahit masikip.

Ang hindi ko sigurado
Ay kung ano ang nangyayari sa pantalon ko

Bakit parang sumisikip?

Friday, May 16, 2008

fetus

Sinasaksak ng tubig-ulan
na bumubulwak mula sa alulod

ang lupang naghihinagpis
sa tinatamong malalalim na sugat--

mga saksak ng siphayo,
sundot sa budhi na bumabaon

sa sugatang dibdib
ng babaing nakatanaw sa bintana

na sinasaksak ang labi ng mga luhang
naglalandas sa magkabilang pisngi.

Sa di-kalayuan
iniikutan ng mga langaw at lamok

ang nakabaong fetus
na inagaw niya sa kanyang matres.

Thursday, May 15, 2008

Silang nagsisikap tuklasin ang tula

Sinisinsil ng kalyadong mga kamay ang mga tipak
ng bato sa bundok ng tibagan, sa pag-asang

mula sa titis ng pagkadurog, ititimo
sa mga guwang ng sabik na utak

ang tumatalsik na grabang
binibistay
inaalog bago ilatag
at kumutan ng mga saknong at taludtod.

Sa pingkian ng sinsil at maso
may banaag ng kislap;

at
sabay
sa mga talsik
ng graba sa tipak,

may kamangmangang nababasag.

Wednesday, May 14, 2008

Dito Sa Puntod

Gising ang utak at pumipintig ang puso
madalas kong pagsalikupin ang aking mga kamay,
pagpantayin ang mga paa, at humigang
katabi ng mga nagsasalitang puntod

Dito. Bato akong tinatalsikan ng tubig-ulan
kasama ng mga buto’t bungo
ng mga nakahimlay na makata

Dito. Anino akong nakikipagniig
sa pulut-gatang himig sa mga taludtod

Dito. Usok akong nagsasayaw
naglalakbay ang diwang binubusog ng hiraya

Dito. Kung saan ibinabaon
Ng mga patay ang mga buhay.

Tuesday, May 13, 2008

Plorera

Tambad sa gatla ng plorera
ang sungaw ng pighati

At sa nananangis nitong bitak,
Sa tubig na unti-unting tumatagas
Naroon ang apuhap

Ang piping sulyap,
Ang usal ng paghahanap
ng kamatayan sa dalamhati. Ngunit wala

Wala sa kurtinang hinihipan ng hangin
na sa kanya’y humahaplos,

O sa alikabok na humahalik sa kanyang labi
ang hanap niyang kamatayan.

Ang dalamhati’y mamamatay sa muling pagkabuhay
Ng luoy na bulaklak—na unti-unti

Tinatakasan ng tubig
Na nasa kanyang sinapupunan

Wednesday, May 7, 2008

Danum keng Asikan

Makasalud ya ing gamat ning labuad
keng aslag at pali ning aldo. Anti ya mong
manalangin keng patak ning uran a keyang pagnasang
magus at tulari kareng balang paligi ning asikan;
Ban miparanuman ing pale – sasapo, bubuktut -
kareng linang a mélange at makatayangtang.

Mamaus lang alang sawa ding ortelanung maluca,
Aldo’t bengi lang magprusisyon. Maniauad lunus
kareng santus ampong santas a carelang teterak
at pagprusiyon kabuklat na pa ning masala
angga na keng silim at dalumdum

Mamaus lang alang patna - - manyad lugud at biyaya
Makitangis ya ing kaladwa ku’t pusu,
Dapot ala ku namang agawa
Nune ing makisiklod, at manalangin kayabe da.

Ing takde ning Diyos ya na sanang manibala
Makiramdam kareng dalit at kekaming kayadwanan:

Danum king asikan a kekaming pakamalan.

Tuesday, May 6, 2008

"dispersal"




Nakikita ko
Ang bawat hataw ng truncheon
Sa mga katawang humahandusay-
Tumitindig
At muling humahandusay.

At sa bawat sikwat ng kalasag
Na isinusungalngal sa mga bibig
Sa ngalan ng kapayapaan;

Sa bumubulwak na dugo
Na di-nanaising ipang-mumog--bago
pa ibuga sa itim na tubig na dumadaloy sa kanal,

Nararamdaman ko, unti-unting inaanod,
Inihahatid ng tubig-kanal papasok sa imburnal

Ang aking kalayaan.

Monday, May 5, 2008

Ama at Anak

malayo kung minsan
ang ulap
sa dalampasigan

minsan naman
napakalapit lang

anak ang tawag
sa pagluwal
ng mga sapot ng pangarap

ng isang amang
nagsisikap

na mailapit
ang pasig ng panaginip

sa ulap ng kanyang mga pangarap

na minsan
lumalayo

minsan naman
humahalik

isang ama
na paulit-ulit mang nabibigo

pilit pa ring inihahagis
ang lambat ng pagtitis

sa pusod ng dagat
para sa anak...

... para sa anak

Damdaming Ina

Ang isang anak na nawalan ng magulang ay tinatawag na ulila.
Balo o byudo naman ang tawag sa isang lalaking nawalan ng asawa.
Pero ang isang inang nawalan ng anak…ano ang tawag natin sa kanya?
Walang tawag sa mga tulad nila. Wala.

Wala kasing salita na makapaglalarawan sa sakit na nararamdaman ng isang ina na nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang anak. Lalong walang salita at katagang maaring maglarawan sa isang ina na patuloy na naghihintay at umaasa na sana’y makabalik ng ligtas ang anak nyang dinukot at naglaho na lamang na parang bula.

Paano mo nga ba papayapain ang loob nya? Anong angkop na salita ang makapagpapalubag sa naninikip nyang dibdib? Paano nya ipapanatag ang isip nya kung di man nya batid kung magpapadasal na ba sya o magtitirik na ng kandila o patuloy pa rin syang aasa na isang gabi’y kakatok na lamang ang pinakamamahal niyang anak na parang walang anumang nangyari.

Sasapit na naman ang gabi. Wala pa ring kumakatok. Maghihintay siya at maghahanap sa gitna ng kanyang mga hikbi at pagluha.

Baka-sakali….

Baka-sakaling dumating sya.

Baka-sakaling buhay pa ang anak niya.

Sunday, May 4, 2008

tapik sa balikat

Kung ang bawat pag-ibig ay tulad ng harding
puno ng bulaklak, paraiso sana ang lahat.
Maging ang mga tutuldok ng pait at hinagpis
Na binabakas sa mga wakas, kayang gawing tuldok,
Maituturing na ganap.

Wala na lang sanang dapat hintayin.
Makalilipad, disinsana, ng may ngiti at magaan

Kasing-gaan ng mga pagaspas
At pagpapalipat-lipat ng paru-parong
sumisimsim ng nektar sa mga talulot
At ubod ng kumakaway na bulaklak.

Wala na lang sanang pait na iniiwan
ang mga paglisan. Wala ring panghihinayang
sa iningatang tamis ng bawat lumipas

Walang luhang mababakas sa mga mata
na di man lang maiharap sa nakikiramay mong titig.

Masarap maramdaman ang marahan mong tapik
sa mga balikat; mga tapik ng pag-aalala at pagsisikap
na ipadamang nariyan ka lang,
handang dumamay -- laang maghintay.

Sana, dumating ang panahong
maititig ko rin sa iyo ang aking mga mata;
Panahong ako naman ang magpapasaya,
Ang magpapahid sa iyong mga luha

Sana ang paglimot ay matutunan ng puso
at maampat ang luha sa mga matang namumugto;

Masumpungan
ang daan papunta sa iyo

Maramdaman
kung gaano ka kahalaga

Bago ka pa mapagod.

Bago ka pa mawala.

ano nga ba ang buhay?

Tagni-tagning lubid
Ng paglusong at pag-ahon,
Pagkadapa, muling bangon

Sa himutok, bagong balak, bagong habi
Muling dugtong, muling lubid.

Mas malaking lubid.

Lubid-lubid na pangarap,
na pinipilit ituon, sinusuot
sa butas,
Ng karayom ng hinagap.

At kung ang buhay
ay pangarap,
Mas malalim ito kung gayon
Kaysa alinmang pinakamalalim na balon

Sapagkat,

Lahat ng buhay ay pangarap

At lahat mismo ng pangarap … pawang pangarap