Wednesday, January 23, 2008

sa hardin ng puso


Sa hardin ng puso ay kusang tumubo ang isang bulaklak,
Na walang katulad sa kanyang karikta't angking halimuyak...
Nakikipaglaro ang pulang talulot sa hanging busilak...
Sumasamo mandin na siya'y gawaran ng halik ko't yakap...

Salawahang puso nais mang maglilo sa unang minahal…
Di ko magagawa na hagkan man lamang kung may masasaktan…
Mamatamisin kong mula sa malayo’y pagmasdan na lamang
upang idambana sa puso kong hapis na di maibigay...

Kulang ang salita upang ipahayag ang nararamdaman…
Ng sugatang puso na di maipiit ang damdaming taglay..
Kaya’t ang samo ko, mabangong bulaklak, sana’y huwag magdamdam
Kung dito sa hardin ng puso’y di kita maalagaan.


********************************************************************


(bakit nga ba kung minsan ang puso'y kailangang pigilan sa kanyang pagtibok...sa isang eratikong pagtibok na kung palalayain at bibigyang kaganapan ay lilikha ng mas maraming kumplikasyon...

Marahil...ganito nga talaga ang pagka-disenyo nito...minsan ay hindi kayang kilalanin at gawin ang tamang pintig ... ni hindi nito batid kung kailan....at kung ilang ulit sya dapat tumibok...

... salamat na lamang at katuwang ng puso na nakadarama ay ang utak na nakapag-iisip....nagagawa ng utak ang di-kayang gawin ng puso...ang ipiit sa limot ang isang baliw na pagnanasang yumayabong sa hardin ng puso....

2 comments:

Black Antipara said...

Totoo yun kasamang Oliver. Galing mo talaga gumawa ng tula. Ang puso nga naman. Godbless..

b3ll3 said...

whahaha! naalala ko un ginawa kong tula, may hawig dito...bulaklak din kasi den tungkol din sa pagmamahal..

pero minsan, pag lalo mong pinipigilan, mas lalong kumakawala, mas mahirap... kung minsan naman, maitatanong mo na lang sa iyong sarili, bakit nga ba kailangan pigilan kung maaari namang pakawalan...

ang ganda kuya!idol!