Wednesday, June 11, 2008

Ang Susi


Nakatitig ako’t naghahanap ng tunay na susi
mula sa bungkos ng mga susing humihiyaw
sa pagkapiit--sa loob ng iskaparateng
malaon ng nakapinid

Mula sa rehas ng pumipiglas kong utak
inaabot, pilit tinutuklas ng nakalahad kong kamay
kung ano ang nasa ilalim ng pula, puti, at bughaw
na telang nakahimlay sa putikang banig
na tinatanuran ng iskaparate.

Humihinga
umaalsa ang telang iyon na naghihintay hablutin.

Nakarinig ako ng siyap ng paghihingalo
ng isang ibong kinukumutan at pilit
binibigyang init ng tela. At sa kinakaladkad kong
kadena sa paa, pilit kong hinablot
ang dulo ng telang iyon upang matambad lang
ang kalunus-lunos na larawan ng kalapating lawit ang dila-
papikit na ang mga mata
na sa bahagyang pagsiyap ay tila ba sumasamo
na ibalik sa kanyang tuka ang nabitiwang dahon ng olibo

Nguni’t
tinatakasan na ako ng hinahon
duguan na ang nakakadena kong leeg at binti
hindi ko maabot ang nagkulay dugong dahong iyon
upang punasan at ibalik sa pagiging luntian.

Sa gitna ng panlulumo
muli kong nasulyapan ang bungkos ng mga susi

Wala sa mga iyon ang hinahanap ko

Nakatali
ang tunay na susi
sa pakpak
ng kumikislot na kalapati.

5 comments:

pen said...
This comment has been removed by the author.
Verso para Libertad said...

Tama ka pen. kung sana'y makita lang ng tao ang katotohanan. Na kapatid ng kalayaan ang kapayapaan...hungkag ang lahat ng kapayapaan na di nakabatay sa kalayaan.

Salamat sa oras at komento.

Anino said...

Nabasa ko na din ang kay Pen.

VPL, maligayang Araw ng Kalayaan kung mayroon man,ha.

Mag-ingat ka

Trabaho muna ako!

Anino said...

Nabasa ko na din ang kay Pen.

VPL, maligayang Araw ng Kalayaan kung mayroon man,ha.

Mag-ingat ka

Trabaho muna ako!

Verso para Libertad said...

thanks kaibigang anino.

ingat din at mabuhay ang araw ng kalayaan...sa pagpula ng silangan. olrayt!