Tuesday, June 24, 2008

Nagsalita ang Watawat

Mabilis na inakyat ng itinaas na watawat
Ang dulo ng tagdan ng kanyang kasarinlan.
At sa gitna ng pagbubunyi
Nagsalita ito at kinausap ang lahat:

Mula rito, nakikita ko ang dikit-
dikit na gulong na dumidiin
sa bubungan ng mga pasakit
nilang sa estero ay nagpapaypay
ng himutok sa bituka ng mga dampang tirik.

Sila yaong ginigising ng impit na sigaw
ng kalam sa gitna ng kawalan
ng tinig
bagaman dinig
sa mga ungol nila ang panimdim,
ang minumumog na daing,
at nilalanggas na hilahil
na sa araw-araw ay balaraw
na itinitimo sa kanila ng mga limatik at sakim-
na kung bakit ang tumbong ay kailangan pang
himurin at sa kanila’y tiklop-tuhod na manalangin
bago pa ilaglag ang mumong-kanin.

Mula rito, umiiling ako sa piling
ng mga ihip ng panimdim
ng hanging naghahanap, sumusukat
sa hangganan ng mga pagtitimpi
sa kinakalkal na sugat sa dangal nilang nagpapagal -
akyat-manaog sa mga estribo, tutop
ang sikmura nguni’t taas-kamaong
nililinaw ang mga ano at bakit ng kanilang pag-aaklas.

(sila na tumindig at piniling manatili
sa kubol ng mga piketlayn, hindi man batid
kung bukas o mamaya lamang, bubuwagin
pipisakin
ng mga upahang kampon ng demonyong kapitalista)

Mula rito, nakikita ko
at naririnig ang tunay na awit
ang di matapos-tapos na hibik...


At umusal ang watawat:

baligtarin ang lahat.

Monday, June 23, 2008

Hiling Ninyo’y Lupa




Nakatindig akong kasama n’yo
sa balisbisang iyon ng Mendiola.

Sa harap ng sementadong tulay
na naghiwalay sa atin mula sa kanila.

Silang mga panginoon dito sa lupa,
at tayong mga aliping bumubungkal ng lupa.

Naroon ako.
Anak din ako ng lupa.
At sumusumpa akong wala kayong kasalanan
sa katampalasanang ipinalasap sa inyo
sa madugong araw ng Enerong iyon.

Sumisigaw kayo't humihiling
ng lupa
ng buhay

Nais ninyong madama nila
na ang lupa ay inyong buhay
at ang buhay nyo'y kadugtong na ng lupa.

Hindi kayo nagtungo roon
upang wari'y sumugba sa apoy
at kitlan ng hininga.

Ninais nyo lamang
na madugtungan pa ang inyong buhay.

Wala kayong kasalanan
para yurakan at barilin ang inyong tanging hiling.

Ang nais lamang ninyo'y lupa.

Nakatindig pa rin ako.
Isinisigaw ang hiling n'yo

HINDI BALA, KUNDI LUPA!

Thursday, June 19, 2008

Dear Hubby

May dapat kang malaman:

Nag-iwan ako ng sandaang piso
sa bulsa ng pantalon mo. Pambayad
sa emperador na inutang mo

Nilabhan ko na rin
ang sinukahan mong kobre-kama.
Nilinis, ang nadumihang kwarto’t sala.
Baka kasi pagbangon mo’y madulas ka pa.

Naka-defrost yung ref -- ini-off ko muna.
Napagkamalan mo na namang C.R.
Kagabing umihi ka

May dapat kang malaman:

Pag-gising mo

Wala na ako.

Magsasama na kami ng tatay mo.

Wednesday, June 11, 2008

Ang Susi


Nakatitig ako’t naghahanap ng tunay na susi
mula sa bungkos ng mga susing humihiyaw
sa pagkapiit--sa loob ng iskaparateng
malaon ng nakapinid

Mula sa rehas ng pumipiglas kong utak
inaabot, pilit tinutuklas ng nakalahad kong kamay
kung ano ang nasa ilalim ng pula, puti, at bughaw
na telang nakahimlay sa putikang banig
na tinatanuran ng iskaparate.

Humihinga
umaalsa ang telang iyon na naghihintay hablutin.

Nakarinig ako ng siyap ng paghihingalo
ng isang ibong kinukumutan at pilit
binibigyang init ng tela. At sa kinakaladkad kong
kadena sa paa, pilit kong hinablot
ang dulo ng telang iyon upang matambad lang
ang kalunus-lunos na larawan ng kalapating lawit ang dila-
papikit na ang mga mata
na sa bahagyang pagsiyap ay tila ba sumasamo
na ibalik sa kanyang tuka ang nabitiwang dahon ng olibo

Nguni’t
tinatakasan na ako ng hinahon
duguan na ang nakakadena kong leeg at binti
hindi ko maabot ang nagkulay dugong dahong iyon
upang punasan at ibalik sa pagiging luntian.

Sa gitna ng panlulumo
muli kong nasulyapan ang bungkos ng mga susi

Wala sa mga iyon ang hinahanap ko

Nakatali
ang tunay na susi
sa pakpak
ng kumikislot na kalapati.

Thursday, June 5, 2008

i would like to thank...blah!...blah!...blah!

Sa pagitan
ng mga titig at iling
banayad kong hinahaplos
inaapuhap
sa screen ng telebisyon
ang dating ikaw. Ang dating tayo.

Paano ko nga ba aaminin
sa aking sarili na wala ka na
samantalang sa bawat pintig
ng puso ko'y narito ka

Paano ko rin papaniniwalain
ang sarili na nariyan ka pa,
na tayo pa,
samantalang mula rito
tinatanaw na lang kita.

Nararamdaman ko
unti-unti

natutunaw
tulad ng ipinapahid mong butter sa hot pandesal

naglalaho
gaya ng mga bula sa iyong sabong panglaba

namamatay
animo'y langaw at lamok
na inispreyan ng iyong insecticide
ang mga pangarap na magkatuwang nating binuo

sa bawat pagkakataong

hindi na ako

kundi si Doktora Belo

ang binabati at pinasasalamatan mo

Monday, June 2, 2008

nung minsang itinali ko ang sarili kong kamay



Minsan ko nang itinali ang sariling kamay
sa itim na kordon ng aking kapilyuhan

-- dahil nilasing ko sa pinainom na apdo
ng sama-ng-loob ang kasintahan ko

Hindi ko yun makakalimutan. Pasuray-suray
siyang pumanaog ng hagdanan. Nakaingos
ang nguso sa matinding galit – padabog na umalis

Inisang hakbang ko, pababa, ang hagdanan
at hinabol ko siya hanggang sa may tarangkahan

ang sabi ko:

“di ko sinasadya kung anuman
ang nasabi ko, nagbibiro lamang ako,
ang totoo, hindi ko kayang mabuhay nang
malayo sa iyo”


Mala ice-cream na rocky road
ang ngiti niyang iyon

at sabay
sa imbay ng balakang,

sa nanunuksong sayaw
sa gitna ng ulan

ang sabi niya:

“lumabas ka dito,
halika
isayaw mo ako”