Wednesday, January 30, 2008

Sana'y wala na lang paalam



Kung ang paglayo
sa mahal sa buhay
ay tulad lang sana
ng pagpapatiwakal…
hindi na lang sana ako
paulit-ulit pang mamamatay...

Wala na sanang mararamdaman
pang pait at lumbay
na paulit ulit kong nararanasan
sa tuwing tayo’y maghihiwalay…

Kung sana sa bawat paglayo
ay wala na lang paalam...
Wala na rin lang sanang mga matang
lumuluha at umaasam…
ni wala na ring mga gabi
ng pagtitig sa kalangitan
sabay ng pagsamo
na sana’y bumilis ang ikot ng orasan…

Kung sana man lang…
Sa bawat paglayo’y
wala nang mga pusong nasasaktan…
Di ko na nanaisin pa…
na sana’y wala na lang paalam…

Paalam…
hanggang kailan ko sasabihing…PAALAM!

*********************

... one of the greatest pain of being
a migrant worker is the inability to
hug your loved ones as often as you
want...
the pain of longing and the misery of
not being there to share with your
kids those precious bonding moments...
17 years away from home...i lost my
life for them to have one.

Tuesday, January 29, 2008

putol na kwerdas

itula mo sa akin

ang hiwagang nakatago

sa putol na bigkis

ng iyong pag-ibig;

na minsa’y inakala mong walang maliw


uunawain ko ang pait.

mga saloobin: damdaming di

mo na maari pang ihimig…

paano mo ilalapat ang ulilang kataga

ng sugatang damdamin?

ano pa ang kahulugan ng himig

kung di rin mailalapat sa sigaw ng dibdib…

sa iyong pag-iisa…

patuloy kang maglalakbay at maghahanap

sa naglahong pag-ibig.

nguni’t sino pa ang makikinig?

Monday, January 28, 2008

twenty minutes

Standing on a corner…
twenty minutes
before your vow.
I was still hoping
that you won’t come…
but you did.

I will leave the place
with a heavy heart.
tryin’ to imagine
that I am that man
kneeling next to you…

Twenty minutes.
It will soon be over…
and with one deep cut
on my wrist,
perhaps….just perhaps…
the pain will subside.

and everything will be over.

Sunday, January 27, 2008

Homesick vs. Dollar


pahalukipkip akong naglalakad
sinusundan ang pakiwal-kiwal,
mala-ahas na daanan - daanang likha
ng pabalik-balik na bulldozer
na nagtatabi sa bunton ng niyebe.

tagipos na puti. kislap at kinang
ang sumisilaw sa mata.
sa magkabilang gilid ng kalsada.
mula sa langit ay busilak at bulak na puti pa rin
ang mga patak. dadampi sa pisngi ang niyebe
ng pighati. upang doo’y katagpuin at niigin
ang umaagos na luha sa mata kong namamanglaw.

mahapdi sa tuwing maghahalo ang niyebe at luha.

kasing-hapdi ng maraming sana…na matagal nang nanahan
sa sugatang dibdib…
na marubdob pa ring umaasang ang lahat ay matapos na.

dolyar katumbas ng pangungulila.

Friday, January 25, 2008

' buryong '

Markado ang kanilang noo…
“Mga Latak ng Lipunan”
na pinipilit pagdikitin
ang pira-pirasong bubog
ng basag nilang pagkatao…

Tila isdang pilit pinagkakasya
sa kalawanging lata.
Bolang-bakal na nakadugtong
sa tanikalang nasa paa…
parusa sa nagawang sala.

Kamelyong pilit pinasusuot
sa butas ng karayom…
sa buryong ng pagkakulong.

Sa katorse pesos maghapon
na pagkain nila,
patuloy lang na huminga…
ang pagbabago’y iniangkla
sa ulo ng tuyo…
sa itim na kanin…
sa kapeng namumutla…
kulang na nga’y kinukulangan pa.

Pikit-matang isisiksik sa hungkag na sikmura…
sa inaanay na katawang
hindi na templo ng kaluluwa,
kundi ng kurikong, buni at pigsa.

Makapagtiis man sila
“Makalaya” man sila
bilanggo pa rin ng mapanghusga
at mapang-aping sistema
na dapat sana’y tumanggap sa kanila.

May puwang ba ang pagsusumamo
ang pagkatok sa nakapinid na pinto
ng lipunang pinatigas ang puso?

Saan sila tutungo?

Thursday, January 24, 2008

"korona"

Mapaghihilom mo ba ang sugat
ng lugaming puso?
Mapapalakas mo ba ito
gayong nais nang sumuko
sa pagkasiphayo?
sa pangamba?
sa pagkagiyagis na nagpapawala
sa natipong lakas;
na pantawid sana sa mabatong landas
ng pakikitalad,
sa aandap-andap kong buhay?

Anong hiwaga mayroon ka?
Kung sadya ngang ang samyo
ng mga talulot mo
na nagbibigay kasiyahan;
at ang kariktan ng bawat mong kulay
ay may hatid na pag-asa…
bakit di ko ito maramdaman?

Mayroon nga ba?
May hiwaga bang natatago
sa taglay mong ganda
upang ang kasawian ko’y
iglap mong mapawi?

Mapaghilom mo pa kaya
ang sugat sa puso;
balantukan at nagnaknak
sa pagkasiphayo…
sa pagluha sanhi ng pagluluksa?

Hindi kita kailangan!!!
Ang taglay mong bango’y nakaliliyo…

Ang kailangan ko’y makabalik
sa kahapong kapiling ko pa
ang babaing tanging minahal ko…

ang nag-iisang bulaklak sa buhay ko!

moderate their greed


moderate their greed...

ito na yata ang pinaka-garapal na salitang maririnig ng taong-bayan sa isang inaakala nating marangal na taong tulad ni Former Sec. Neri. Ito ang sabi nya kay Rodolfo "Jun" Lozada sa layuning pagbigyan ang garapal na katakawan ng mga nais mangumisyon (read: magnakaw sa pera ng bayan) sa proyektong NBN-ZTE.
130 milyong dolyar na komisyon mula sa lomobong 329 Milyong dolyar na telecommunications project na balak nilang iutang sa Tsina. Mula sa dating mahigit dalawang daang milyon ay lumobo ng ganun kalaki dahil sa 130 milyong kumisyon na balak nilang ibulsa.

Sa pagtestigo ni Lozada, di nila ngayon malaman kung paano pagtatakpan ang umaalingasaw na bahong ito na nangyayari at patuloy pang mangyayari kung magsasawalang kibo ang taumbayan....

'moderate their greed'... a conspiracy of the thieves in government....

how i wish...they "exterminate their breed" as well...

Wednesday, January 23, 2008

sa hardin ng puso


Sa hardin ng puso ay kusang tumubo ang isang bulaklak,
Na walang katulad sa kanyang karikta't angking halimuyak...
Nakikipaglaro ang pulang talulot sa hanging busilak...
Sumasamo mandin na siya'y gawaran ng halik ko't yakap...

Salawahang puso nais mang maglilo sa unang minahal…
Di ko magagawa na hagkan man lamang kung may masasaktan…
Mamatamisin kong mula sa malayo’y pagmasdan na lamang
upang idambana sa puso kong hapis na di maibigay...

Kulang ang salita upang ipahayag ang nararamdaman…
Ng sugatang puso na di maipiit ang damdaming taglay..
Kaya’t ang samo ko, mabangong bulaklak, sana’y huwag magdamdam
Kung dito sa hardin ng puso’y di kita maalagaan.


********************************************************************


(bakit nga ba kung minsan ang puso'y kailangang pigilan sa kanyang pagtibok...sa isang eratikong pagtibok na kung palalayain at bibigyang kaganapan ay lilikha ng mas maraming kumplikasyon...

Marahil...ganito nga talaga ang pagka-disenyo nito...minsan ay hindi kayang kilalanin at gawin ang tamang pintig ... ni hindi nito batid kung kailan....at kung ilang ulit sya dapat tumibok...

... salamat na lamang at katuwang ng puso na nakadarama ay ang utak na nakapag-iisip....nagagawa ng utak ang di-kayang gawin ng puso...ang ipiit sa limot ang isang baliw na pagnanasang yumayabong sa hardin ng puso....

Dapithapon at Umaga ng Matagalang Pakikibaka


Sa dapithapon ng buhay
may mga pagal na katawan
na nais na sanang magpahinga.
Makaamot man lang ng katiwasayan
ng isipang ginigiyagis ng pangamba…
ng takot na malugmok sa kasukalan;
doon sa dawag ng gubat na inaring ina
at nagkanlong sa mga tulad nila
na may di-pagagaping diwa.
Sa dawag ng gubat na di kailanman
nagkait ng kanlungan at aruga
sa mahabang taon ng pagdurusa,
sa mapait nilang pagkawalay
sanhi ng pakikibaka.

Kung maari lang sana…
sa dapithapon ng buhay niya
ay nais na niyang magpahinga
Humabi na lamang ng mga kwento
ng magiting nyang pagtindig at pakikibaka
sa kalayaang pinagbuwisan ng maraming buhay
na tigib pa rin ng pag-asa niyang tinatanaw..

Ngunit magpapatuloy siya.
Maging sa dapithapon ng buhay niya…
magpapatuloy sya.
Abutin man ng takip silim.
Tuluyan mang malugmok sa karimlan ng gabi.
doon sa kasukalan na sa kanya’y tumanggap.
Duon siya nabibilang.
Doon siya nakatagpo ng kapahingahan.
Doon sya maghahanap at maghihintay …
ng pagsikat ng isang bukang-liwayway

Hindi na para sa kanya kundi sa mga susunod pa.
Sapat nang matanaw nya ang pamamaalam ng dilim.
na ibinabadya ng mga pag-aalsa ng lunsod…
At kasabay ng pahimakas ng katawang-lupa
Nakangiti siyang lilisan na tinatanaw
ang pagsilay ng isang bagong umaga
dala ang pangako ng isang bukas na malaya…
Dahil batid nya… may papanhik sa kasukalang iyon
upang damputin ang baril nya.
May bagong sibol na bayaning titindig at papalit sa kanya
Sisigaw para sa paglaya.