Nanghilakbot, nagngitngit at nabagabag tayo noong Dekada ‘80 sa natambad na larawan ni Joel Abong habang nilalangaw ang mga labi niyang di man lamang nasayaran ng gatas, nakahandusay sa sahig ng isang giray na dampa ng mga sakada sa Negros …
Nanghilakbot tayo, nagngitngit… nabagabag. Napagtantong nangyayari ang ganitong pagkasakmal sa kagutuman ng mga magbubukid sa ilalim ng isang pyudal na sistema at suliranin sa kawalan ng lupa ng mga magsasaka. Nakipag-kapit-bisig tayo sa mga batayang seKtor ng lipunan noon, kahima’t dapat sanay iniuukol natin ang ating panahon sa apat na sulok ng Unibersidad. Lumabas tayo at sumigaw... ang ilan sa atin ay naging biktima pa ng pamamaril, pagbuwag sa hanay, salvage at pagkakulong, at kasukdula’y masaker sa Taft Avenue, Welcome Rotonda at Mendiola
Nanghilakbot tayo…noon. HINDI NA BA NGAYON? Hindi na ba tayo nababagabag sa mga nabaling buto, sumubsob na katawan at patuloy na pagkakait at pagpapaikot sa mga magsasaka sa usaping lupa ng Hacienda Luisita, sa mga ginigiba at dine-demolis na kabahayan sa mga komunidad, at mga magsasaka, manggagawa at maralitang pinapaslang sa araw-araw sa kanilang pakikibaka para sa lupa at kabuhayan?
May nagbago na ba? O napagbago lamang ng edad, estado sa buhay at lakas o hina ng katawan ang ating mga pananaw at paninindigan sa mga bagay-bagay?”
***
(Salamat sa isang makabuluhang talakayan kasama sina: Ramon “Men” Paradero at Jun Luna)
Friday, May 10, 2013
pagbabalik-tanaw sa dekada 80
Posted by Verso para Libertad at 5:22 AM
Labels: nung nanu nanu
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment