Iniwan ng mga manggagawang-bukid ang kanilang tahanan.
Sa mga pilapil at tarundon -- sa hangganan ng usapin --
itinindig nila ang mga kubol ng katwiran at hinaing.
Umupo sila roon, pumalahaw na wari’y pinaglalamayan
ang nakahilig na mga tubo na ilang taong sinikhay
na maitanim sa nagbibitak na sakahan
walang asukal . . .
dugo
ang kumatas na upa sa lahat nilang pagpapagal
Ang naiwang mga kabahayan
tila bulang-pangarap, laglag na balikat
humahakbang pauwi sa katapusan
Pagbabalik ito
ng laang-panahon,
ng laang-lakas,
na pilit binata ang ihip ng hangin at buhos ng ulan.
Puno man ng hinanakit, marahil
sadyang umuuwi ang lahat sa sinapupunan
ng lupang pinanggalingan
Masdan mo sila oh! aking bayan
kung paano nila tinatanggap ang kanilang pagkalupig
Payapa at tila wala ng pakiramdam
ang mga manggagawang-bukid
na ni ayaw nang sumigaw o humikbi man lamang
Masdan mo sila, oh! aking bayan
kung paanong puno ng tuwa at dalawang-kamay
ibinabalik sa matris ng lupa ang mga anak niyang
gutay-gutay ang katawan---
butas na dibdib dito
ulong sinilip ng punglo riyan
butong iniluwa ng binti roon…
Kagaya ng hanging nagsawa nang hipan ang itim na ulap,
ang itinindig nilang kubol ay pag-asang tumutupi’t humahapay
lastag at manhid ang mga katawan
nangalupig ang katwiran—
ganito umuuwi ang mga anak ng sakahan.
Friday, January 20, 2012
Ang Nagtindig Sa Mga Kubol
Posted by Verso para Libertad at 8:18 AM
Labels: poems (activism; protest)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment